Hindi Makakasali sa JS Prom ang Dalaga Dahil sa Kahirapan ng Buhay, Ngunit Isang Di Kilalang Tao ang Nagbigay sa Kanya ng Gown na Hindi Niya Inaasahan
Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Carmela, maganda naman ang kinikita ng kaniyang mga magulang sa negosyo noon pero nitong nakaraang taon ay nagsimula silang magkaroon ng problema. Naloko kasi ng business partner ang kanyang papa, kaya lahat sila ay apektado. Sa katunayan, mula sa private school ay napilitan ang kanilang mga magulang na ilipat sila sa pampublikong paaralan. Hindi naman iniinda ni Carmela iyon, ang katwiran niya basta kumpleto ang kanilang pamilya at malusog ay ayos na. Isa pa sa dahilan kung bakit hindi siya nalulungkot ay nariyan ang bestfriend niyang si Juanito upang suportahan siya. “Carms, ready ka na ba sa JS Prom?” tanong nito habang nagmemeryenda sila ng camote cue sa bahay nina Carmela, kilala ito ng mga magulang niya at para na ring anak ang turing ng mga ito sa binata. “Nakalimutan kong sabihin sayo panget, hindi na ako makakapunta.” malungkot na sabi niya. Noon pa man kasi ay pinangarap niya na kung ano ang isusuot sa kanilang JS prom. “O bakit naman?Kasi panget ka? hahaha” gulat na tanong nito. “Baliw. Wala akong isusuot, alam mo namang tight ang budget ni ma at pa. Hindi na praktikal.Edi sana pangbili nalang namin ng bigas ang ibibili ng gown ko.” makatotohanang sabi niya rito. Tumango-tango naman ang lalaki. “Tama nga yan. Ayaw naman kitang ka-partner eh, napagkakamalan kang girlfriend ko.Ayos yan para lapitan naman ako ng chicks,”nakangising sabi nito. Hinampas ni Carmela ang balikat ng lalaki bilang ganti. Sumapit ang gabi bago ang prom, nagulat si Carmela nang pumasok ang kanyang ina sa kwarto at excited na pinasukat sa kanya ang isang magandang gown. “Ma, ano to?” manghang tanong niya. “Ibinigay lang ng kaibigan ng papa mo, sige na isukat mo.Tsaka, makakabangon na ulit ang negosyo. May nagpautang sa papa mo, ibabalik na lang namin kapag nakabawi na tayo.Dalian mo na anak.” masayang sabi nito. Kinabukasan ay sinundo siya ni Juanito, ito ang kanyang escort. “Akala ko ba di ka na aattend?Bat andito ka? Sayang naman!” sabi ng lalaki. Inirapan naman ito ni Carmela, paano naman kasi, nagkukunwari pa ito eh halatang halata naman na kanina pa tingin ng tingin sa kanya. Lumipas ang panahon at naka-graduate ng college ang dalawa, inamin na rin ni Juanito na may pagtingin siya sa bestfriend. Ganoon rin naman ang nararamdaman ni Carmela, sa katunayan ay ito na ang nais niyang maging kasintahan simula nang mga bata pa lamang sila. Naging magkasintahan sila sa loob ng tatlong taon at hindi nagtagal ay naisipan nilang magpakasal. Matapos ang kasal ay masayang kumakain sa reception ang pamilya. “Mabuti naman, akala ko’y hanggang tanaw nalang si Juanito at pabigay bigay na lang ng gown.” biro ng kanyang ama. Gulat na napatingin si Carmela sa kanyang ama at namula naman ang mukha ng kanyang nobyo. “Ay hindi ba namin nasabi? Si Juanito ang nagbigay ng gown mo noong JS prom! ay ayaw niya nga palang ipasabi!” kinikilig na sabi ng kanyang ina. “At siya rin ang nakiusap sa magulang niya noon na pautangin tayo, kaya nga tayo nakabangon. Mahal ko ang manugang kong yan,” dagdag ng kanyang ama. Napatingin siya sa noo’y pulang pulang mukha ng nobyo dahil nabuking ito. Pinipigil ang ngiti na inasar niya ito. “Ayaw mo pala akong umattend ng JS prom ha?” pabirong sabi niya. Ang pakiramdam niya ay siya si Cinderella na nabigyan ng pagkakataong makapagsuot ng magandang gown upang makadalo sa JS Prom. Pero sa isip-isip niya, mas lamang siya kay Cinderella dahil ang mismong Prince Charming niya ang gumawa ng paraan upang maisakatuparan ang kanyang pangarap.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.