Inday TrendingInday Trending
Inakusahan ng Aplikanteng Ito Bilang ‘Kabit’ ang Babaeng Kasama ng Boss sa Kompaniyang Iyon; Nagkakamali pala Siya ng Hinala

Inakusahan ng Aplikanteng Ito Bilang ‘Kabit’ ang Babaeng Kasama ng Boss sa Kompaniyang Iyon; Nagkakamali pala Siya ng Hinala

“Aplikante ka rin?” masayang tanong ng kararating lang na si Chloe sa lobby ng kompaniyang iyon kung saan siya mag-a-apply ng trabaho. Agad namang tumango ang kausap bago ngumiti nang pabalik sa kaniya. “Ako nga pala si Chloe,” pagpapakilala pa niya sabay abot ng kaniyang kamay sa babae.

“Ako naman si Trina, nice to meet you!” saad naman nito habang tinatanggap ang alok niyang pakikipagkamay.

“Bakit nga pala hindi pa nagpapapasok?” maya-maya ay tanong muli ni Chloe nang mapansing nananatili pa rin sila sa lobby ng kompaniyang iyon makalipas ang ilang minuto.

“A, wala pa raw kasi ’yong mag-i-interview sa atin ngayon. Ang sabi kasi ng napagtanungan ko, iyong mismong may-ari daw ng kompaniya ang mag-i-interview since pagiging sekretarya niya ang ina-apply-an nating posisyon,” sagot naman nito na nagpatango na lang kay Chloe.

Naisip niyang mabuti na lang pala at nagpasiya siyang magsuot ng maganda at hapit na damit ngayon para naman makadagdag iyon sa puntos niya kung sino ang mapipili sa kanila. Bukod doon ay naglagay din siya ng kolorete sa mukha, ’di ’tulad nitong kausap niya na ni hindi man lang yata naglagay ng pulbos dahil sa sobrang kintab ng mukha nito sa pawis.

Natawa si Chloe sa isiping iyon at na kalaunan ay hindi niya rin napigilang isatinig.

“Sana, nagpulbos ka man lang. Ang kintab na ng mukha mo, e,” tatawa-tawang aniya pa.

Nawala naman ang ngiti sa mukha ni Trina dahil sa narinig ngunit minabuti niyang huwag na lamang iyong patulan. Ganoon pa man ay hindi pa rin tumigil si Chloe sa sinasabi nito, lalo na nang biglang pumasok mula sa entrance ng naturang building ang isang may katandaan nang lalaki, kasama ang isang maganda at eleganteng babae.

“Nakikita mo ’yon? Dapat gano’n tayo manamit, Trina, kung gusto nating makuha tayo sa posisyong ina-apply-an natin. Tingnan mo ang babaeng kasama ng big boss… pupusta akong hindi na niya kailangang magtrabaho pa sa buong buhay niya dahil ginagawa na ’yon ng ‘sugar daddy’ niya para sa kaniya,” tumatawa pang dagdag ni Chloe na ni hindi man lang nag-abalang hinaan ang kaniyang boses.

“Grabe ka namang manghusga, Chloe, ang bilis mong tumalon sa akusasyong wala namang kasiguraduhan. Isa pa, hindi naman ako nandito para mag-apply bilang ‘kabit’ ng boss, kundi bilang sekretarya!” Napapailing na lang si Trina.

“Anong wala? Sigurado ako na kabit lang ng big boss ’yang babaeng ’yan, ano! Hindi naman siya p’wedeng maging legal na asawa dahil napakalayo ng agwat ng edad nila. Sigurado akong pera lang ang dahilan kung bakit siya nagtitiis na kasama ang matandang ’yon,” humahagikhik pang paliwanag ni Chloe kay Trina, gayong halos ayaw naman na nitong pakinggan ang sinasabi niya.

“Saan mo ba kinukuha ’yang mga haka-haka mong ’yan? Kilala mo ba sila?”

“Hindi, pero sigurado ako sa sinasabi ko. Tingnan mo nga ang hitsura ng babae. Sa pananamit pa lang niya at sa hitsura niya’y sigurado akong isa siyang kabit,” dagdag pa ni Chloe na talaga namang hindi na kinaya pa ni Trina.

“Hoy, grabe ka na! Iyon lang pala ang basehan mo kaya mo nasabing kabit siya?!” Dahil doon ay iiling-iling na tumalikod na lang Trina. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi inaasahang isang tinig ang sisingit sa usapan nila…

“Hi, mga aplikante ba kayo rito?” tanong ng babaeng tinutukoy kanina ni Chloe bilang kabit ng may-ari ng kompaniya.

Tumango si Trina habang si Chloe naman ay patay-malisyang ibinaling sa iba ang atensyon.

“Kung ganoon, gusto ko lang sanang ipaalam sa kasama mong ’yan na ako ang siyang nagmamay-ari ng kompaniyang ito at hindi ang lalaking kasama ko, na para lang sa kaalaman niya ay father-in-law ko, hindi sugar daddy,” nakataas ang kilay pang anito kay Trina, ngunit ang mga mata ay hindi inaalis ang pagkakatitig kay Chloe. “Gusto ko lang ibalita na hindi tumatanggap ng tsismosa itong kompaniya ko, lalong-lalo na ng mga babeng mahilig mang-akusa!” dagdag pa nito na ikinalingon ni Chloe at ikinaputla!

“M-ma’am, s-sorry po! H-hindi ko—”

Ngunit bago pa man matapos ni Chloe ang sinasabi niya ay humarap na kay Trina ang boss ng kompaniya upang sabihin ang isang magandang balita.

“And you, you’re hired. Salamat sa hindi pagpapadala sa haka-haka ng babaeng ito. Halika sa opisina ko para maituro ko sa ’yo ang lahat ng kailangan mong malaman,” nakangiting sabi pa nito at iniwan na ng dalawa si Chloe na halos malaglag ang panga at napapahiya sa puwesto nito. Masiyado kasi siyang naging mabilis sa panghuhusga, tuloy ay napahiya siya.

Advertisement