Inalok ng Mayamang Lalaki ang Babae upang Maging ‘Number 2’ Niya Kapalit ng Pera; Magugulat Siya sa Isasagot Nito sa Kaniya
“Sir, may kliyente po ba tayong katatagpuin dito?” tanong ni Andrea sa kaniyang boss na si Mr. Asuncion pagkapasok na pagkapasok nila sa isang magarang restawran nang gabing iyon.
Agad namang umiling ang kaniyang boss, pagkatapos ay tinapunan siya nito ng isang malagkit na tingin. “Hindi, Andrea. Nandito tayo dahil may gusto akong ialok sa ’yo…” sabi pa nito. “Ngunit bago iyon ay um-order muna tayo ng pagkain.” Tinawag pa nito ang waiter upang sabihin ang kanilang order.
Doon pa lang ay kinutuban na si Andrea, ngunit bilang tanda ng paggalang ay hindi muna siya nagsalita. Ilang taon na rin naman siyang nagtatrabaho sa kompaniya ni Mr. Asuncion bilang sekretarya nito kaya naman kahit papaano ay tinitingnan pa rin niya iyon.
“So, Andrea, narito ang offer ko sa ’yo,” panimula nito. “Siguro naman, sa ilang taong pagtatrabaho mo sa akin ay hindi naman lingid sa kaalaman mo na, may pagnanasa ako sa ’yo, hindi ba?” nakangising anito na wala man lang kagatol-gatol kaya naman hindi agad nakapagsalita si Andrea. Dahil doon ay nagpatuloy lang ito sa pagsasalita.
“Gusto ko sanang gawin kang ‘number two’ ko, kung papayag ka. Pero pag-isipan mo ito, Andrea. Ibibigay ko sa ’yo lahat. Lahat ng luho, pera, bahay o lupa… lahat, Andrea!” dagdag pa nito.
Dahil doon ay hindi napigilan ni Andrea ang kaniyang damdamin. Kasabay ng kaniyang pagtayo ay ang malakas na paghampas niya sa mesang namamagitan sa kanila.
“Hindi ho ako ganoong klaseng babae, Mr. Asuncion,” mariing aniya sa seryoso at galit na tinig. “Ilang taon ko hong tiniis ang hayagang pagpapakita n’yo sa akin ng sinasabi n’yong pagnanasa, dahil kailangan ko itong trabaho ko, pero kung gan’yan lang din naman ang sasabihin mo sa akin… ayoko na ho. Bukas na bukas din ay ibibigay ko sa inyo ang resignation letter ko, sir.”
Dumagundong ang naging halakhak ni Mr. Asuncion sa buong restawran na nagpasimangot naman nang todo kay Andrea.
“Ako lang ang paraan para makaangat ka sa buhay, Andrea. Hindi ba at may sakit ang nanay mo? Ako lang ang makakapagbigay ng halagang kailangan niya para sa pagpapagamot kaya naman mag-isip k—”
Ngunit bago pa man tuluyang matapos ni Mr. Asuncion ang kaniyang sinasabi ay isang pamilyar na tinig ang narinig nila.
“Kayang-kaya ko ring tulungan si Andrea, mahal kong asawa. Hindi niya kailangang sundin ang ipinapagawa mo lalo na kung labag sa loob niya ’yon,” anang malamig at maawtoridad na tinig ng asawa ni Mr. Asuncion na siyang tunay na may-ari ng kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Andrea ngayon.
Napanganga si Mr. Asuncion nang makita niya ito. Hindi niya akalaing lingid pala sa kaniyang kaalaman ay palihim na tinawagan ni Andrea ang kaniyang misis para marinig nito nang buo kung ano ang gusto nitong ipagawa sa kaniya kaya naman dali-dali itong nagpunta sa restawran kung nasaan sila ngayon! Huli ang babaerong boss ni Andrea at ganoon na lang ang pasasalamat sa kaniya ng asawa nito!
“Ngayon ay sisiguraduhin kong pagbabayaran mo ang lahat ng ginawa mo sa akin,” huling pasabi pa ng asawa ni Mr. Asuncion nang gabing iyon bago siya sabay na iniwan nito kasama si Andrea.
Matapos ang araw na iyon ay mabilis na kumilos si Mrs. Asuncion at inasikaso ang kanilang paghihiwalay. Doon ay napatunayang nagkasala sa kaniya ang mister, at naungkat din ang lahat ng anumalyang ginawa nito sa kaniyang kompaniya, dahilan upang kahit maghiwalay sila ay wala itong nakuhang ni piso man sa mayamang asawa.
Hindi naman kasi likas na mayaman si Mr. Asuncion dahil ang asawa talaga nito ang may pera. Sadyang naging abusado lang siya sa ibinigay nitong kapangyarihan, imbes na pasalamatan niya ang asawa.
Samantala, hindi naman na tinanggal pa ni Mrs. Asuncion si Andrea bilang sekretarya, dahil ngayon ay isa na ito sa mga nagpapatakbo ng kompaniya. Tinulungan din siya nito na maipagamot ang inang may sakit kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat ni Andrea sa bagong boss. Bukod doon ay tinaasan din nito ang kaniyang sweldo na naging dahilan ng unti-unting pag-angat ni Andrea sa buhay.
Ngayon ay nagkapalit na sila ng posisyon ni Mr. Asuncion, dahil ito na ngayon ang naghihirap. Dinaranas na nito ang karma bilang kabayaran sa lahat ng kasalanang ginawa nito sa asawa’t pamilya nito, ganoon din sa mga sekretarya niyang kaniyang inabuso.