Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Ina ang Nobya ng Kaniyang Anak dahil Aniya’y Pera lang ang Habol Nito sa Kanila; Pagsisisihan pala Niya Ito sa Huli

Hinusgahan ng Ina ang Nobya ng Kaniyang Anak dahil Aniya’y Pera lang ang Habol Nito sa Kanila; Pagsisisihan pala Niya Ito sa Huli

Bata pa lang ang anak niyang si James ay alam na ni Aling Cora na may kakaiba sa hitsura nito. Paano kasi, paano kasi ay mayroong tumutubong maliliit na puting batik sa balat ng kaniyang anak, gayong ang natural naman nitong kulay ay maitim. Dahil doon, hanggang sa magbinata ito ay hindi ito kailan man nagkaroon ng nobya dahil palagi na lang itong pinandidirihan ng mga babae sa pag-aakalang nakahahawa ang kaniyang sakit sa balat na napag-alaman nilang tinatawag palang Vitiligo.

Dahil doon ay nagulat nalang si Aling Cora nang isang tanghali ay bigla na lang nag-uwi ng babae ang kaniyang anak upang ipakilala raw sa kaniya bilang kaniyang nobya! Hindi makapaniwala si Aling Cora na mayroong isang napakagandang babaeng katulad ni Beverly na magkakagusto sa anak niyang may kakaibang kondisyon sa anak, dahil maging siya ay hindi rin ito matanggap noong ito ay bata pa.

“Nobya kamo, James?” Mapang-insultong tumawa si Aling Cora bago bumaling kay Beverly. “E, hindi ka naman totoong mahal ng babaeng ’yan, anak! Pera lang ang habol n’yan sa ’yo! Sigurado akong pinatulan ka lang n’yan dahil alam niyang isa kang heredero ng ama mong kano!” sabi pa niya sa anak na mabilis na napakunot ang noo.

“Mama naman! Huwag n’yo namang pagsalitaan nang ganiyan si Beverly!” hiyaw naman sa kaniya ni James bago inakbayan ang nobya nitong ngayon ay nayuyuko na.

“Anong huwag? Ikaw ang huwag papabulag sa babaeng ’yan, anak! Walang ibang magmamahal sa ’yo kundi ako lamang na iyong ina! Pera lang ang habol sa ’yo ng babaeng ’yan!” muli ay sigaw pa niya sa anak.

Dahil labis na nasaktan si James para sa kaniyang nobya ay napatayo na ito sa galit. Oo nga’t ina niya ang kaharap niya ngayon ngunit hindi naman yata tama na bastusin nito ang bisitang ngayon pa lamang naman nito nakita at ni hindi pa nga kilala ang buong pagkatao!

Nagpasya na lang na umalis ang dalawa. Humingi ng tawad si James sa kaniyang nobya at mabilis naman siyang pinatawad ni Beverly. Ngunit simula noon ay naging malayo na ang loob ni James sa sariling ina. Ganoon pa man ay hindi pa rin nagbabago ang tingin ni Aling Cora kay Beverly kahit pa nga hanggang ngayon ay pilit pa ring pinatutunayan ng dalaga ang kaniyang sarili dito.

Tumagal ng ilang buwan ang magnobyo ngunit nananatiling ilag si Aling Cora sa nobya ng kaniyang anak. Hanggang sa isang araw ay isang trahedya ang biglang gumimbal sa kanilang mundo.

Naaksidente si James, malala at kritikal ang lagay nito at ayon sa doktor ay himala na lang ang kaya nilang asahan upang magising pa ito. Nakita niya kung papaano naghinagpis si Beverly sa nangyari sa kaniyang anak na si James. Bukod pa roon ay ni wala itong pakialam kung maglabas ito nang maglabas ng sarili nitong pera galing din sa sarili nitong bulsa para lang makatulong sa gastusin nila sa ospital kahit pa wala nang kasiguraduhan kung magigising pa si James.

Tatlong buwan nang nakaratay ang tila lantang gulay na katawan ni James sa ospital ngunit walang araw na pumalya si Beverly sa pagdalaw sa kaniyang nobyo. Halos minuminuto niya rin itong nakikitang kinakausap ang anak niya na gumising na upang magkasama pa sila. Palagi nitong sinasabi kung gaano niya kamahal si James, at doon ay tila natauhan na si Aling Cora.

Totoo pala talagang mahal ni Beverly ang kaniyang anak. Mali pala ang hinala niyang pera lang ang habol nito sa kaniyang anak dahil ang totoo pala ay mas mayaman pa ang pamilya nito kaysa sa kanila. Siya pala ang dapat mahiya sa dalaga dahil tila mas minahal pa nito si James kaysa sa kaniyang ina nito.

Dahil doon ay sinimulan niyang kilalanin si Beverly. Inumpisahan niyang ilapit ang sarili dito at sa pamamagitan noon ay lalo niyang nalamang mali ang ginawa niyang panghuhusga sa dalaga. Napakabuti pala talaga nito at dahil doon ay pinagsisihan niya ang ginawa niya.

“Sana, nakikita ni James ang magandang pagbabago ko, anak. Sana, noon ko pa ito ginawa,” naiiyak na ani Aling Cora kay Beverly, isang gabing sabay silang nagbabantay kay James sa kwarto nito. Ngumiti naman ang dalaga at niyakap siya.

Nasa ganoon silang posisyon nang bigla silang makarinig ng pagtikhim, “Ang sweet n’yo naman. Pasali.”

Gulat na gulat sila nang makitang nakamulat na si James at nakangiti sa kanila! Isang himalang nagising pa ito matapos nitong malagay sa malubhang peligro at anito ay dahil iyon sa pagmamahal ng dalawang babaeng pinakamahalaga sa kaniyang buhay.

Agad na nagpasyang magpakasal sina Beverly at James pagkagaling na pagkagaling ng binata at buo naman ang suportang ibinigay sa kanila ni Aling Cora.

Advertisement