Inday TrendingInday Trending
Nanggigil sa Inis ang Babae nang Makitang Natapunan ng Inumin ang Mamahalin Nitong Damit; Iyon Pala ang Magpapahiya sa Kaniya

Nanggigil sa Inis ang Babae nang Makitang Natapunan ng Inumin ang Mamahalin Nitong Damit; Iyon Pala ang Magpapahiya sa Kaniya

Naglalakad si Nomie habang kausap sa selpon ang kaniyang amang si Roger na ngayon ay may tinatanong sa kaniya tungkol sa isang importanteng bagay, nang may masagi siyang babaeng kagaya niya’y hindi rin sa daan nakatuon ang pansin kung ‘di sa selpon nito.

Tumili ang babae at galit na humarap sa kaniya. Saglit muna siyang nagpaalam sa ama saka ibinaba ang tawag. Mukhang kakailanganin niyang harapin ang babaeng ito.

  • “Ano ba naman ‘yan miss,” anito sabay hawak sa damit na natapunan ng hawak nitong inumin.

    “I’m sorry miss,” hinging paumanhin ni Nomie. “Ikaw ang bumangga sa’kin kaya natapon iyang inumin mo,” dugtong niya.

    “Kasalanan ko pa talaga ngayon!” inis na wika ng babae. “Kung hindi man ako nakatingin sa daan e ‘di sana ikaw na lang ang umiwas sa’kin! Hindi mo ba alam kung magkano ang damit na ito?” anito na may yabang ang tono.

    Hindi umimik si Nomie, at nagtatakang tinitigan ang babae.”Branded signature t-shirt lang naman ang suot kong damit na dinumihan mo! Mga mayayaman lang ang may kakayahang bumili nito, hindi gaya sa suot mong mumurahin at halatang walang brand! Hindi mo ba kilala ang taong nasa harapan mo?!” gigil na wika ng babae.

    Sa kanila na nakatuon ang pansin ng mga taong dumadaan dahil sa eskandalosang boses ng babae.

    “Hindi e,” aniya sabay kibit balikat.

    Agad namang tumaas ang kaliwang kilay ng babae sa sagot niya. “Palibhasa mahirap ka lang siguro kaya hindi mo ako kilala! Anak lang naman ako ng right hand ng mayor sa siyudad na ito, kaya hindi kataka-taka kung bakit kaya kong bumili ng ganitong klaseng damit tapos masisira lang dahil sa katangahan ng isang kagaya mo!” anito sabay yuko sa sarili. “Ugh! Nakakainis!” gigil na tili pa nito.

    Sa tanang buhay ni Nomie ay ngayon lamang siya nakatagpo ng taong ganito. Hindi naman niya sinasadyang mabangga ang babae— na kung tutuusin ay ito naman mismo ang bumangga sa kaniya. At saka hindi naman siya nagtatanong kung anong klase at magkano ang damit nito kaya bakit nito ipinagyayabang ang bagay na iyon sa kaniya.

    Lihim na napangiti si Nomie at bahagyang niyuko ang sarili. Sabagay, mukha nga naman talaga siyang mahirap kung titingnan ang suot niyang damit.

    Ripped jeans na bukod sa style nitong butas-butas ay may kalumaan na ang tela nito, pinapatapon na nga ito ng kaniyang ina, ngunit ayaw niya dahil kumportable siya sa pantalong iyon. Nakasandong puti na pinaresan niya ng kulay itim na blazer at rubber shoes. Simpleng-simple lamang dahil doon siya kumportable.

    Hindi sa klase ng damit nasusukat kung mayaman ang isang tao. Maraming mayayaman na ang mga suot ay animo’y galing sa ukay-ukay. Marami ring taong maganda ang mga damit, ngunit hindi naman mayaman. Nasa sariling panlasa ng bawat tao kung saan siya kumportableng magsuot ng damit.

    Nagpatuloy pa rin sa pagsasalita ang babaeng bumangga sa kaniya’t natapunan ng inumin nito ang sarili nang biglang sumulpot si Mang Eduardo, ang drayber ng amang kaniyang hiniram saglit upang may magmaneho sa kaniya.

  • “Ma’am Nomie, kanina pa po kita hinahanap. Akala ko’y naligaw ka na sa paglilibot mo,” nakayukong wika ni Mang Eduardo.

    “M-mang E-eduardo?” gulat na sambit ng dalagang kanina pa nagwawala.

    Agad namang lumingon sa gawi ng babae ang kanilang personal drayber na si Mang Eduardo at agad na sumilay ang matamis na ngiti sa labi. “Oy! Ma’am Jane, ikaw pala iyan— a-anong nangyari sa damit niyo?” takang tanong nito nang mapansin ang basang damit ng dalaga.

    Imbes na sagutin ang tanong ng drayber ay muli itong nagtanong. “K-kilala mo siya?” tanong nito sabay turo kay Nomie.

    “Opo,” walang gatol na sagot ni Eduardo. “Siya ang bunsong anak ni Mayor De Silva, ma’am. Bakit po?”

    Agad na namutla ang buong mukha ng babaeng nagtataray sa kaniya kanina. Parang natuklaw ito ng ahas sa nalaman.

    “Ako nga pala si Nomie De Silva, ang anak ni Mayor Roger De Silva, pasensiya ka na kung sa tingin mo’y ako ang sumira sa branded at original signature dress mo. Hayaan mo papalitan ko iyan, ito ang calling card ko,” ani Nomie sabay abot ng kapirasong papel sa dalaga.

    “Itext mo sa’kin ang eksaktong detalye ng damit at ipapahatid ko mismo kay Mang Eduardo ang bagong damit,” magalang at mahinahong wika ni Nomie saka matamis na ngumiti sa babaeng animo’y nalunok na ang sariling dila.

  • Nang hindi na sumagot pa ang kaninang nagwawalang si Jane ay nagdesisyon na si Nomie na umalis. Hindi niya kailangang pantayan ang ginawa ng babae sa kaniya kanina. Alam niya sa sariling mayaman ang kaniyang pamilya, ngunit ang yamang iyon ay hindi kaniya. Kaya tama lang rin ito sa sinabing mahirap lamang siya— mukha naman talaga kung ang suot niya ngayon ang pagbabasehan. Ang hindi tama roon ay ang basta-bastang pang-iinsulto nito.Isang lumang kasabihan na ang: Don’t judge the book by its cover ngunit hanggang ngayon ay marami pa ring pumapalya sa kasabihang iyon.Hindi por que sa tingin mo’y nasa itaas ka na’y may karapatan ka nang manghamak ng iba. Tandaan… bilog ang mundo.

    Advertisement