Inday TrendingInday Trending
Malas si Jun!

Malas si Jun!

“Ano?! Wala ka na bang matinong gagawin sa buhay, ha?!” sigaw ng tatay ni Jun sa kanya. Bagsak na naman kasi sa exam niya si Jun kaya hindi siya makakasabay sa pagtatapos ng mga kaklase niya.

“Pasensya na po ‘tay. Hindi ko naman po sinasadya eh,” naluluhang paghingi ng paumanhin ng binata sa ama.

“Anong hindi? Ibig mo bang sabihin ay hindi mo kasalanan kung b*bo ka?! Sabagay, bata pa lang ay mahina na talaga ang utak mo! Manang-mana ka sa nanay mong p*kpok!” galit na galit na sigaw ng ama niya. Pumasok ito sa kaniyang kwarto at pinagtatapon ang mga damit ng binata sa labas.

“Tay, huwag po! Maawa naman po kayo sa’kin!” hindi na napigilan ni Jun ang kanyang mga luha dahil sa ginawa ng ama. Alam niya namang walang pagmamahal sa kanya ang ama, pero bakit ganun? Sobrang nasasaktan pa rin siya.

Anak lamang siya sa labas ng kanyang ama. Gaya nga ng sabi ng lalaki ay isang bayarang babae ang kanyang ina. Pagkapanganak sa kanya ay iniwan na lamang siya ng kanyang ina sa labas ng bahay ng kanyang ama.

Kung siguro ay wala ng araw na ‘yun ang kanyang lola ay malamang sa isang bahay ampunan na siya pinulot. Dahil sa kanya ay iniwan ang kanyang ama ng asawa nito. Hindi matanggap ng babae na may anak sa iba ang ama niya. Doon nagsimula ang sunod-sunod na kamalasang dinanas ng kanyang ama. Kaya naiintindihan niya kung bakit hindi siya magawang mahalin ng ama, dahil isa siyang masamang bangungot ng nakaraan at isang bakas ng pagkakasala nito sa asawa, isang pagkakamali.

“Sawang-sawa na ako sa’yo! Total ay malaki ka na, kaya mo nang mabuhay ng sarili mo. Lumayas ka at magbanat ka ng buto!” Galit pa ring sigaw ng ama at malakas na sinara ang pinto ng kanilang bahay.

Isa-isang pinulot ni Jun ang kaniyang mga gamit at nagsimulang maglakad papalayo sa kaniyang bahay na kinagisnan. Para namang nakikiramay sa kanya ang langit dahil bigla na lamang bumuhos ang isang napakalas na ulan. Hindi na napigilan ng binata ang mapahagulgol ng malakas.

Sobrang sakit ng kaniyang nararamdaman. Ginawa niya naman ang lahat para tanggapin at mahalin lamang siya ng ama, ngunit matigas talaga ang puso ng lalaki sa kanya. Siya kasi ang sinisisi nito kung bakit nagkandaletse-letse ang buhay nito.

“Susmaryosep kang bata ka! Anong ginagawa mo d’yan sa ulan at ika’y nababasa?” tanong kay Jun ng isang matandang ale. Hindi alintana ni Jun ang matanda at patuloy pa rin sa pag-iyak.

“Hay naku kang bata ka, hali ka nga at sumama ka sa’kin,” ani pa ng matanda bago pilit na hinila ng mahina ang binata. Dinala si Jun ng matanda sa bahay nito.

“Ano ba talaga ang nangyari sa’yo, anak? Naglayas ka ba sa inyo? Ano ba ang problema? Sabihin mo, at baka matulungan kita,” malumanay na saad ng matanda kay Jun.

Dahil na rin sa kakulitan ng matanda ay nakwento ni Jun ang lahat ng nangyari sa kanila ng kanyang ama. Naawa naman ang matanda kaya pansamantalang pinatira na muna nito ang binata sa kanyang tahanan. Mag-isa na lang din naman kasi sa buhay ang matanda.

“Oh, ano ito anak?” nagagalak na tanong ng matanda ng makitang may nakahaing pagkain sa kanilang mesa.

“Ah ipinagluto ko po kayo. Maraming salamat po sa pansamantalang pagkupkop sa’kin,” nahihiya pero puno ng sinseridad na pahayag ng binata sa matanda.

“Walang anuman, anak,” nakangiting sagot ng matanda bago sumubo ng kanyang luto.

“Hmm! Aba, at sobrang sarap naman nito anak! Ikaw ba talaga ang nagluto nito?” aliw na tanong ng matanda kay Jun.

“Opo, hilig ko po talaga ang pagluluto. Iyan lamang po ang maipagmamalaki ko sa sarili ko, ang pagluluto,” sagot ni Jun.

“Huwag mong sabihin iyan anak, dahil hindi lahat ay kayang magluto ng ganito kasarap na pagkain. At nasisigurado akong marami ka pang nakatagong talento na hindi pa natutuklasan. Huwag kang mag-alala at sabay na’ting tutuklasin iyon,” anang matanda bago nito itinuloy ang pagkain.

Lingid sa kaalaman ni Jun ay may-ari pala ng isang malaki at kilalang restaurant ang matanda. Dahil sa nakitaan siya nito ng talento ay hinasa pa siya nito sa kusina. Itinuring siyang anak ng matanda at siya naman ay itinuring itong ina. Nagsumikap siya ng mabuti dahil ayaw niyang mabigo sa kanya ang matanda gaya ng pagkabigo sa kanya ng kanyang ama.

Dumating ang araw na nabigyan si Jun ng isang full scholarship sa Italya para mag-aral. Tinanggap niya naman ito ng buong puso at nangakong babalik na isang mahusay na chef.

Hindi naman nabigo ang matandang kumupkop at nag-aruga kay Jun dahil tinupad nito ang pangako sa kanya. Makalipas ang ilang taon ay naging isang ganap na mahusay na chef si Jun at mas lalong pinalaki at pinaunlad ang negosyo niya.

Kung sa ama ng binata ay isa itong malas sa buhay at isang pagkakamali, hindi para sa kanya. Para sa isang matandang walang pamilya at nag-iisa sa buhay, ang pagkupkop at pag-aalaga kay Jun ang pinakatamang nagawa niya sa buhay niya. Si Jun, na minsan ay hindi nakatanggap ng pagmamahal sa sariling pamilya, ngunit sobrang nagmahal at nag-aruga naman sa kanya. Si Jun na itinuring siyang ina. Si Jun na ipinagmamalaki niya sa buong mundo.

“Ma, nakauwi na po ako,” nakangiting bati sa kanya ni Jun paglabas nito ng airport. Galing sa Italya ng binata at kakauwi lamang makalipas ang ilang taon.

“Welcome home, anak,” nakangiting sagot ng matanda kay Jun at niyakap ito.

Advertisement