Inday TrendingInday Trending
Gagamitin Mo Lang Pala ang Puso Ko

Gagamitin Mo Lang Pala ang Puso Ko

Wala ka nang hahanapin pa kay Lance. Bukod kasi sa mayaman ito ay sikat na manlalaro din ito sa isang tanyag na kolehiyo. Mainam din ang kaniyang mga grado kaya naman marami talagang nagkakagusto sa kaniya. Kaya ganoon na lamang ang inis na naramdaman niya ng malaman niya isang araw na ang kaniyang kasintahang si Eimie ay pinagpalit siya sa kapwa niya manlalaro.

“Tol, marami naman diyang iba. Hayaan mo na ‘yang si Eimie. Makakahanap ka pa ng higit sa kaniya,” saad ng matalik na kaibigan ni Lance na si Jopet.

“Hindi ko lang matanggal, ‘tol, ang nangyari. Naging tapat naman ako sa kaniya pero ganito pa rin ang ginawa niya sa akin. Ano pa ba ang kulang sa akin?” pagtataka ni Lance.

“Ang ibig mo bang sabihin kahit na ganoon ang ginawa sa’yo ng babaeng ‘yon ay siya pa rin ang gusto mo?” gulat ni Jopet.

“Hindi ko alam, ‘tol. Ang gusto ko lang ngayon ay ipamukha sa kaniya na mali ang ginawa niya. Gusto ko manghinayang siya sa lahat ng sinayang niyang taon na pinagsamahan namin,” dagdag pa ni Lance.

Nagkaroon ng isang ideya si Jopet. “Ano kaya kung pagselosin mo siya? Puwede mong ligawan ang pinaka-jologs dito sa campus. Tapos ay gawin mo sa babaeng ‘yun ang lahat ng mga isinusumbat na pagkukulang sa’yo ni Eimie. Tingnan natin kung hindi siya maglumuhod na bumalik sa’yo.”

“Bakit ‘yung pinaka-jologs pa, ‘tol? Baka sabihin niya sa akin na wala na akong babaeng mahagilap kaya pumatol na lang ako sa jologs. Maraming nagkakagusto sa akin na magaganda ang iba mga prominente din. Bakit hindi na lang sila?” tanong ng binata.

“Mas madaling utuin ang mga jologs, ‘tol. Saka kung darating ang pagkakataong kailangan niyo ng maghiwalay ay hindi sila kasing tapang ng mga sinasabi mong prominente. Ikaw ang mas masusunod. Mas makakawala ka kaagad,” paglilinaw ni Jopet.

“Nakita mo ba ‘yang si Tanya? Ayan ang pinakamagandang ligawan mo. Balita sa campus na pat*y na p*tay ‘yan sa’yo!” pambubuyo muli ni Jopet.

Dahil na rin sa panunulsol ng kaibigan ay agad ginawa ni Lance ang plano. Pinilit niyang makuha ang atensyon ng dalaga. At dahil nga mula pa noon ay may lihim nang pagtingin si Tanya sa binata ay sobra ang kilig nito ng lapitan siya ni Lance ngunit hindi niya ito pinapahalata sa binata.

Ginawa ni Lance ang lahat upang mapaniwala si Tanya na mahal niya ito. Hindi naglaon ay nahulog na ng lubusan ang loob ng dalaga sa binata kaya sinagot na niya rin ito. Nagtagumpay ang plano ni Lance at Jopet.

Sa campus ay laging makikita ang dalawa na magkasama. Lalo silang nagiging malambing sa isat-isa kung malapit si Eimie sa kanila. Nais kasi ipakita ni Lance kay Eimie na madali lang siyang palitan.

Makalipas ang isang buwan ay patuloy pa rin sa pagpapanggap si Lance na mahal niya si Tanya. Palagi niya itong sinasamahan. Kahit ayaw niya at hindi niya maatim ang mga nakahiligan ng dalaga ay pilit niya itong sinasamahan sapagkat kailangan niyang mapaniwala si Eimie na mahal nga niya si Tanya.

Lingid naman sa kaalaman ng binata ay napagmamasdan sila ng dating kasintahan. Dahil nga sa nakikita nito na lambingan ng dalawa at pag-aasikaso ni Lance kay Tanya ay hindi maiwasan ni Eimie na makaramdam ng selos at inggit.

Lumipas ang mga buwan at walang ipinakita si Tanya kay Lance kundi puro kabaitan. Lagi itong nasa tabi ng binata sa mga oras na kailangan niya ng kasama. Laging iniintindi ni Tanya ang pagiging busy ng binata dahil sa mga aktibidad nito sa kinabibilangang sports. Kahit na marami ang nang-aaway sa kaniya dahil siya ang kasintahan ngayon ni Lance at marami ang nagtataka sa desisyon ng binata sa pagpili sa kaniya ay hndi niya ito inalintana. Ang tanging mahalaga sa kanya ay ang “nararamdaman” nila para sa isa’t-isa.

Nakikita naman ni Lance ang lahat ng pagsisikap na ginagawa ni Tanya para sa kanilang relasyon. Unti-unti ay gumaganda na ang pangtingin niya sa dalaga at unti-unti rin ay tunay nang nalalapit ang kaniyang loob dito.

Ngunit isang araw ay hindi na nakatiis pa si Eimie dahil sa nararamdamang selos. Inabangan niya si Lance na makalabas ng silid-aralan nito upang kausapin. Laking gulat ni Lance dahil tila nagtagumpay ang kaniyang plano.

“Hindi ko kayang makitang pagmamay-ari ka na ng iba, Lance. Patawarin mo ako sa ginawa ko sa’yo noon. Sana ay may babalikan pa ako. Ayusin natin ‘yung sa atin. Magsimula tayong muli,” pakiusap ni Eimie.

Ito ang mga eksaktong salita na nais na marinig ni Lance mula kay Eimie. Hindi alam ni Lance ang kanyang gagawin lalo pa ng unti-unting lumapit ang dalaga sa kanya at nilapat nito ang kaniyang mga labi sa binata.

“Sinabi sa akin ni Jopet ang ginawa mong pagpapaibig kay Tanya para magselos ako at mapagtanto ko na mali ako. Sobrang sweet ng ginawa mong ‘yon, Lance. Mahal na mahal kita!” dagdag pa ni Eimie.

Nasaksihan ito lahat ng dalaga na masaya sanang makikipagkita kay Lance upang ibigay ang regalo nito para sa kanilang ika-limang buwan bilang magnobyo. Nais din niyang ipakita ang bago niyang ayos. Nagpaganda talaga kasi siya para sa kasintahan.

Lubusan ang kalungkutan na naramdaman niya sapagkat ngayon ay alam na niyang nagpapanggap lamang si Lance at ginamit lamang siya ng binata upang magselos ang dati nitong kasintahan. Wala nang nagawa pa si Tanya kundi tumakbo na lamang palayo.

Ilang sandali pa ay nariyan na si Lance sa kaniyang likuran. “Tanya, kanina pa kita hinahanap nandito ka lang pala. Tara na at ihahatid na kita sa bahay niyo,” wika ng binata.

“Hindi na kailangan, Lance,” sambit ni Tanya.

“Bakit? Hindi ka pa ba uuwi? May kailangan ka pa bang gawin? Sasamahan kita, wala naman akong ensayo ngayon,” giit ng binata.

“Alam ko na ang lahat, Lance. Alam ko ng ginamit mo lang ako. Nakita ko kayo ni Eimie. Nakita ko kung paano naglapit ang mga labi niyo. Bakit, Lance? Ano ba ang kasalanan ko sa’yo at ako pa ang pinaglaruan mo?” umiiyak na wika ni Tanya.

“Inaamin ko, Tanya. Niligawan kita talaga para ipamukha kay Eimie ang lahat ng gianwa niya. Lalo na para pagselosin siya. Nagkamali ako. Pero aaminin ko rin sa’yo na ang pagpapanggap na ‘yon ang pinakatamang ginawa ko sa buhay ko kasi napagtanto ko na hindi talaga siya ang para sa akin,” sambit ni Lance.

“Sa limang buwan na nakasama kita, lalo kitang nakilala at dahil doon ay unti-unting nahulog ang loob ko sa’yo. Hindi si Eimie ang gusto kong makasama, Tanya, kundi ikaw!” dagdag pa ng binata sabay labas ng isang regalo para sa kasintahan.

“Maligayang ika-limang buwan ng ating relasyon, Tanya! Patawarin mo ako sa nagawa ko. Pangako ko sa’yo tapos na ang pagpapanggap ko sapagkat ikaw na talaga ang nagmamay-ari ng puso ko. Nais ko lang din sabihin na kahit ano pa ang ayos mo, maganda ka sa paningin ko,” saad ng binata.

Hindi alam ni Tanya ang kanyang sasabihin sa pagkabigla at sa sayang nararamdaman niya. Isang matamis na ngiti na lamang ang kanyang naisagot sa binata. Isang mahigpit na yakap ang naging hudyat ng pagtatapos ng kanilang pagtatalo at simula ng isang panibagong masayang relasyon.

Advertisement