Inday TrendingInday Trending
Laging Walang Panahon ang Nag-Iisang Anak para sa Kaniyang Ama; Huli na ang Lahat para Ibalik Niya ang Kanilang Samahan

Laging Walang Panahon ang Nag-Iisang Anak para sa Kaniyang Ama; Huli na ang Lahat para Ibalik Niya ang Kanilang Samahan

Hindi na makapaghintay pa si Pilo na makita ang magiging reaksyon ng kaniyang anak na si Pia kapag nakita nito ang binuong bisikleta. Ilang buwan na kasi siya nitong inaawitan. Dahil gusto ni Pilo na maging espesyal ang ireregalong bisikleta ay siya mismo ang pumili ng materyales at saka niya ito inayos.

Tinakpan ni Pilo ang mga mata ni Pia hanggang makarating sila sa garahe. Pagbukas ng mga mata ni Pia ay halos maiyak ito sa tuwa nang makita ang kulay rosas na bisikleta niya. Hindi niya naiwasan na mapayakap sa kaniyang ama.

“Totoo ba ito, ‘pa, may bisikleta na ako? Napakaganda po nito, papa! Maraming salamat po!” walang mapaglagyan ang tuwa ng batang si Pia.

“Ngayon ay kailangan mo namang mag-ensayo para matuto kang sumakay sa bisikleta. Aba’y hindi p’wedeng apat lagi ang gulong mo! Kaya binilhan rin kita ng mga susuotin mo para hindi ka magkasugat. Suotin mo na at tara na sa labas!” sambit naman ng ama.

Dali-daling isinuot ni Pia ang helmet. Sinakyan niya ang bisikleta at buong pagmamalaki niya itong ipinakita sa kaniyang mga kaibigan.

Tanging sina Pilo at Pia na lang ang magkasama sa buhay. Maaga kasing yumao ang misis ni Pilo ilang taon lamang pagkapanganak ni Pia. Dahil si Pilo ang nagpalaki kay Pia, talagang malapit sila sa isa’t isa.

Habang pinagmamasdan ni Pilo ang anak ay lagi niyang ipinanalangin na sana ay manatili ang ganito nilang samahan.

Isang araw ay nagkukumpuni ng sasakyan itong si Pilo sa garahe. Naroon lamang si Pia upang samahan ang ama. Kung nasaan kasi si Pilo ay naroon rin ang bata. Palagi niyang kinukwentuhan ang kaniyang papa tungkol sa mga nangyari sa kaniya sa eskwela.

“Tuwang-tuwa po ang mga guro ko, papa, sa ginawa mong proyekto ko! Naiinggit nga po ang ilang kaklase ko dahil ang ganda talaga ng sa akin!” pagmamalaki ni Pia.

Habang patuloy sa pagkukwento si Pia ay napansin niyang iba ang tingin sa kaniya ng ama.

“Bakit po kayo ganiyang makatingin sa akin, papa? Hindi naman kayo yata nakikinig sa mga kuwento ko, e!” naiinis na wika pa ng bata.

“Nakikinig ako, anak! Lahat nga ng sinasabi mo ay narito sa isip ko. Natutuwa lang ako na kahit wala ang mama mo ay malapit ka pa rin sa akin. Naiisip ko lang na kung malaki ka na kaya at marami ka nang ginagawa ay ganito ka pa rin sa akin? Kukwentuhan mo pa kaya ako nang walang hanggan?” nakangiting sambit naman ni Pilo.

“S’yempre po, papa! Hinding hindi po ako magbabago sa inyo! Saka ang sarap-sarap n’yo nga pong kwentuhan. Lalo ng mga sikreto dahil nakakalimutan mo naman po lagi! Joke lang po! Pero ang totoo, papa, hindi po talaga ako magsasawa na makipagkwentuhan sa inyo dahil masaya rin ako kapag ganito tayo,” dagdag pa ni Pia.

Niyakap sabay hinalikan sa noo ni Pilo ang malambing na anak.

Lumipas ang panahon at unti-unti na ngang nagdalaga itong si Pia. Sa kaniyang paglaki ay nagiging madalang na rin ang mga kwentuhan nila ng ama. Nauunawaan naman ito ni Pilo dahil nga marami nang kailangang gawin si Pia lalo sa eskwela. Marami na rin itong nakikilala at nakakasalamuha at normal naman ito sa edad ng dalaga.

Isang araw ay nadatnan ni Pia ang ama na nasa garahe at may kinukumpuni.

“Anak, gumawa ako ng meryenda, tara at saluhan mo muna ako rito. K’wentuhan mo naman ako tungkol sa eskwela. Hindi mo na kasi natuloy ‘yung kinukwento mo noong nakaraan. Tungkol doon sa guro mong nais kang pasalihin sa isang contest? Natuloy ba?” tanong ng ama.

“Naku, ‘pa, pasensiya na po at kailangan ko na talagang tapusin itong ginagawa ko. Bukas na kasi ang pasahan at nasa kalahati pa lang ako. Pero pangako ko sa iyo, ‘pa, ‘pag natapos ko ito kaagad ay tutulungan kita sa kinukumpuni mo at ikuwekwento ko sa’yo lahat ng mga nangyari,” pahayag naman ni Pia.

Tanging ngiti na lang ang naisagot ni Pilo. Nakakaramdam man ng tampo ngunit pilit niyang inuunawa ang anak.

Sa pagdaan ng mga araw ay naging madalang na ang bonding ng mag-ama. Lalo pa itong dumalang nang magkatrabaho itong si Pia at nagkaroon ng nobyo.

“’Pa, may byahe po ako sa isang linggo para sa isang proyekto sa opisina. Aabutin po ako ng limang araw doon,” paalam ni Pia sa ama.

“E, paano na ‘yung anibersaryo ng araw ng pagkawala ng mama mo? Pupunta tayo ng sementeryo, ‘di ba?” tugon naman ni Pilo.

“Pasensiya na po kayo talaga, ‘pa. Ngayong taon po ay hindi ko kayo masasamahan. Kung gusto n’yo po ay pag-uwi ko na lang saka tayo pumunta ng sementeryo. Importante po kasi ang lakad na ito. Saka magandang prebilehiyo na rin dahil makakaalis ako ng bansa,” saad muli ng anak.

Kahit nalulungkot ay mag-isa na lang na tumuloy si Pilo. Sa unang pagkakataon kasi ay ngayon niya lang hindi makakasama ang anak sa pagdalaw sa yumaong asawa.

Lumipas pa ang mga taon at tuluyan nang umalis ng bahay itong si Pia dahil nakapag-asawa na. Dahil nangungulila ang ginoo ay madalas niyang tawagan ang anak. Ngunit palagi itong nagmamadali.

“Anak, madalang na kasi tayong makapagbonding. Namimiss na rin kita. Sana kung may panahon ka ay bigyan mo naman ako kahit sandali lang. Ang laki na kasi ng pinagbago mo,” hindi na maiwasan ni Pilo ang magdamdam sa anak.

“‘Pa, huwag n’yo namang ipamukha sa akin na parang wala na akong kwentang anak dahil lang sa hindi ko kayo mabigyan ng panahon. Tumatawag naman ako kung kaya ko. Abala lang talaga nitong mga nakaraang araw. Saka hindi lang naman ang trabaho ko ang inaalala ko. May pamilya na ako. Kailangan din nila ng oras ko kaya unawain n’yo naman,” sagot naman ng anak.

“P-pagpasensiyahan mo na ako, anak. Siguro ay nalulungkot lang ako dahil wala akong makausap dito sa bahay. O siya, baka nakakaabala na ako. Tawagan mo na lang ako kapag may panahon ka,” sambit muli ng ama.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay hindi mapakali si Pilo. Iniisip niya kasi na baka nasaktan niya ang damdamin ng anak. Kaya umisip siya ng paraan. Kung hindi ito makakapunta sa kaniyang bahay ay siya na lang ang pupunta rito.

Isang araw ay naisipan niyang magtungo sa bahay ni Pia upang ipagkumpuni ng bahay-bahayan ang kaniyang apo. Maaga pa lang ay nasa garahe na si Pilo at inihahanda ang kaniyang mga kagamitan.

Nagulat si Pia nang makita ang ama.

“Naghanda na rin ako ng almusal, Pia. Saluhan mo muna akong kumain bago ka umalis sa trabaho. Gusto ko rin ipakita sa iyo ang plano na ginawa ko para sa proyektong bahay-bayahan na gagawin ko para sa anak mo!” masayang sambit ni Pilo.

Nais man ni Pia na saluhan ang ama ay nagmamadali na ito.

“Pasensiya na po kayo, ‘pa, pero nagmamadali na po kasi ako. May meeting po ako sa opisina. Pero susubukan ko pong umuwi kaagad. Mukhang maganda nga po ang plano. Noon pa naman ay magaling na kayo sa pagkukumpuni,” saad pa ni Pia.

“Ayos lang, anak. Sige at gawin mo na ang kailangan mong gawin,” wika naman ni Pilo.

Maghapon na nagkumpuni si Pilo ng bahay-bahayan ng apo. Inabot na ito ng gabi sa pag-iintay sa kaniyang anak hanggang sa naisipan na nitong umuwi.

Hatinggabi na ring nakauwi noon si Pia at dumiretso na sa kaniyang kama upang magpahinga.

Pagkagising ni Pia kinabukasan ay agad niyang tiningnan ang ginawang bahay-bahayan ng kaniyang ama. Labis siyang natuwa dahil napakaganda nito, at tiyak siyang naibigan ito ng anak.

Tinatawagan niya sa selpon ang ama upang magpasalamat at mag-iskedyul ng araw para naman makapagbonding sila ngunit nakakailang tawag na si Pia ay hindi ito sumasagot.

“Imposibleng hindi niya sagutin ang selpon dahil iba ang ringtone niya kapag ako ang tumatawag para alam niyang ako iyon. Kahit ano ang ginagawa niya ay bibitawan niya makausap lang ako,” saad ni Pia sa sarili.

Dahil sa pag-aalala ay agad siyang nagtungo sa bahay ng ama. Nagulantang siyang madatnan ang ama na nakahandusay sa sahig.

“‘Pa, anong nangyari sa inyo?! ‘Pa!” sigaw ni Pia.

Agad niyang dinala ang ama sa ospital ngunit wala na itong buhay.

“Aneurysm ang ikinasawi ng iyong ama. Matagal ko na siyang sinabihan tungkol sa tumutubong tumor sa kaniyang utak. Hindi na siya p’wedeng basta nag-iisa na lang. Hindi ba niya ito sinabi sa iyo?” saad ng doktor.

Hindi na nakasagot pa si Pia. Wala siyang ginawa kung hindi lumuha na lang nang lumuha.

Pag-uwi niya sa bahay ay agad niyang natanaw ang bahay-bahay na ginawa ng ama. Lalo siyang napaiyak dahil naaalala niya ito.

“Maraming pagkakataon na niyang sinusubukang sabihin sa akin ang kalagayan niya ngunit hindi man lang ako naglaan ng oras. Nasaan na ba ang batang Pia na nangako sa kaniyang ama na hind magbabago? Ano ba itong nagawa ko sa’yo, ‘pa! Patawarin n’yo po ako at hindi ko kayo nabigyan ng panahon. Ngayon ay huli na ang lahat,” pagtangis pa ni Pia.

Labis na pinagsisisihan ni Pia ang pagbabalewalang ginawa niya sa ama. Kung maibabalik lang sana niya ang panahon ay maglalaan siya ng oras dito. Ngayon, kahit gaano niya kagustong makausap at makakwentuhan ang ama ay hindi na ito mangyayari pa dahil tanging sa mga alaala na lamang mabubuhay ang amang si Pilo.

Kahit gaano kaabala sa buhay, pahalagahan at bigyan ng oras ang ating mga magulang, gaya ng pagpapahalaga at pagkalinga na ibinigay nila sa atin noong tayo ay mga bata pa.

Advertisement