Inday TrendingInday Trending
Magbibigay raw ng Mana ang Mayamang Matanda sa Kaanak Niyang Handang Iwanan ang Pamilya Nila; Pagsisisihan Nila ang Pagkagat sa Pain Niya

Magbibigay raw ng Mana ang Mayamang Matanda sa Kaanak Niyang Handang Iwanan ang Pamilya Nila; Pagsisisihan Nila ang Pagkagat sa Pain Niya

Matagal nang namumuhay nang mag-isa si Doniya Clarita—ang nag-iisang anak noon ng pinakamayamang mag-asawang negosyante sa kanilang probinsya. Nang mawala ang kaniyang mga magulang ay nasanay nang mag-isa ang Doniya lalo pa at wala naman siyang kapatid. Ganoon din ang kaniyang ama at ina na parehong nag-iisang anak lang din ng kani-kaniya nilang magulang. Bukod doon ay hindi na rin naman kasi nakapag-asawa si Doniya Clarita. Tumanda siyang isang dalaga dahil sa takot na maulit muli ang isang beses na pagkabigo sa pag-ibig.

Maramot, masungit, at matapobre. Iyan ang pagkakakilala ng mga tao sa matandang bagama’t ubod nang yaman ay hindi kailan man nagkaroon ng totoong kaibigan. Halos wala nga itong kasama sa malaking bahay niya kundi ang mga katulong nito na ayon sa bali-balita ay ilag din sa Doniya.

Nagsimulang manghina ang katawan ni Doniya Clarita at madalas na itong maratay sa kaniyang higaan. Wala namang sinuman sa kaniyang mga malalayong kamag-anak ang nais siyang puntahan sa takot na baka palayasin lamang niya ang mga ito o pagsalitaan ng masasakit na salita.

Dahil doon ay isang ideya ang pumasok sa isip ng Doniya. “Perla, pakitawagan si Attorney Delgado. Gusto ko siyang papuntahin dito dahil may ipagagawa ako,” utos niya sa kaniyang mayordoma na agad namang tumalima. Maya-maya pa ay nariyan na agad ang kaniyang abogado na siyang tanging pinagkakatiwalaan niya sa lahat.

Sinabi niya rito ang kaniyang plano. “Gusto kong maglabas ka ng isang anunsyo na ang lahat ng pinakamalapit at direktang kaanak ko na handang iwan ang kanilang pamilya upang tumira sa mansyon na ito hanggang sa pumanaw ako’y pamamanahan ko ng salapi. Siguraduhin ninyong makararating ito sa lahat, lalo na sa mga kaanak kong kapos sa buhay,” utos niya sa abogado na bagama’t nagtaka at nagulat noong una ay naliwanagan naman agad nang ipaliwanag niya kung bakit.

Sinunod naman nito ang kaniyang bilin. Matapos iyon ay mabilis na kumalat sa malalapit at direkta nilang kamag-anak ang naturang anunsyo at nagkaroon ng iba’t ibang asumpsyon ang mga tao tungkol doon. Hula nila ay gusto lamang ng Doniya na magkaroon siya ng karamay sa miserable niyang buhay kaya niya ginagawa ’yon.

Ganoon pa man, kagulat-gulat na halos lahat ng malalapit at direktang kamag-anak niya ay nagpunta sa kaniyang tahanan… maliban sa isa. Ang anak ng pinakabatang pinsan ng kaniyang ama, si Mang Renato na sa pagkakaalam ni Doniya Clarita ay isa sa pinakanaghihirap niyang kamag-anak.

“Nasaan ang pamilya nina Renato, Attorney? Sinigurado n’yo bang alam nila ang tungkol sa anunsyo?” tanong ni Doniya Clarita sa kaniyan abogado.

Agad naman itong tumango. “Opo, Doniya Clarita, kaya lang ay pinapasabi niyang hindi raw po siya interesado kung ang kapalit n’on ay ang pang-iiwan niya sa kaniyang pamilya. Kailangan daw po siya ng kaniyang mga anak. Ipinagtabuyan niya pa nga po kami noong kami’y nagpunta roon,” pag-iimporma pa ng abogado sa Doniya na noon ay napangiti naman habang naiiling.

“Sa dinami-rami ng mga kaanak ko’y iisa lang ang tumanggi sa aking anunsyo,” komento niya pa bago niya hinarap ang kaniyang mga kaanak.

“Matapos ninyong matanggap ang tigsasampung libong salaping iaabot sa inyo ng mga katulong ko ay maaari na kayong umuwi sa inyong mga pamilya. Sana’y may balikan pa kayo, gayong ipinagpalit ninyo silang lahat sa pera,” naiiling na saad ni Doniya Clarita sa kaniyang mga kaanak na naroon.

Doon ay saka lang nila napagtantong ‘pain’ lang pala ang kaniyang anunsyo, dahil nais lamang pala ni Doniya Clarita na malaman niya kung sino lang sa kaniyang mga kaanak ang mayroong pagpapahalaga sa pamilya, na matagal na niyang hindi nararanasan dahil sa pamumuhay niya nang mag-isa.

Gusto niya na ang sunot na magmamay-ari ng kaniyang mga ari-arian, lalong-lalo na ng kaniyang mansyon, ay isang taong handang maghirap basta’t makasama lang ang kaniyang pamilya… at iyon ay si Mang Renato.

Ikinagulat ng lahat nang ianunsyo ng kaniyang abogado na simula sa araw na iyon ay ipinamamana na ni Doniya Clarita ang lahat ng kaniyang mga kayamanan sa pamilya nito. Sa lalong madaling panahon ay pinalipat ng Doniya sina Mang Renato at ang buong pamilya nito sa kaniyang mansyon, at dahil doon ay naranasan niya muling magkaroon ng maituturing na pamilya. Naging masigla ulit ang kaniyang tahanang ilang dekada ring pinuno ng kalungkutan at katahimikan.

Advertisement