Inday TrendingInday Trending
Hindi Natutulog Ang Hustisya

Hindi Natutulog Ang Hustisya

Nagsimula ang lahat nang minsang lumabas ang mag-anak na Pimentel patungo sa Sagada. Masayang nagmamaneho ang kanyang Daddy, katabi ang kanilang Mommy, at silang tatlong magkakapatid ay masayang-masayang naghaharutan sa likod.

Maya-maya, nagulat na lamang sila nang biglang sabihin ng kanilang Daddy na humawak silang maigi dahil nawalan sila ng preno. Ang huling natatandaan ni Mylene, ang panganay na anak, sumalpok sa isang semento ang kanilang sasakyan. At nagdilim ang lahat.

Sumakabilang-buhay ang kanilang mga magulang, kaya naatang sa balikat ni Mylene ang responsibilidad sa pamilya. 18 na taong gulang siya noon, ang sumunod sa kanya ay si Malia na 13 taong gulang, at ang bunso nila na si Marco na 10 taong gulang. Salamat na lamang sa mga kamag-anak nilang tumulong at sumagot sa gastusin para sa burol at libing ng kanilang mga magulang.

Isa sa mga kamag-anak nila, si Tito Agustin, kapatid ng kanilang Daddy, ang nagboluntaryo na kunin na silang magkakapatid na naulila upang ampunin. Hindi pumayag si Mylene. Mabuti na lamang at lumaki siyang marunong tumayo sa sariling paa. Iyon ang pagpapalaki sa kanya ng kanilang Daddy. Dapat marunong silang tumayo sa kanilang sariling mga paa.

3rd year college na sa kursong Business Management si Mylene. Ayaw naman niyang huminto sa pag-aaral kaya ginamit niya ang mga naiwang pera at ari-arian ng kanilang mga magulang upang mairaos ang kanyang pag-aaral, gayundin ang pangangailangan ng kanyang mga kapatid. Bukod dito, pumasok din siya bilang sevice crew sa isang fast food chain. Tuwing umaga, isa siyang mag-aaral at sa gabi naman, isa siyang service crew. Mahirap sa bahagi niya lalo’t nakakapagod ang gawain sa trabaho at paaralan, subalit kinakaya ito ni Mylene.

Si Mylene din ang tumayong ama at ina sa kanyang mga kapatid, lalo na kay Marco, na kailangang gabayan. Siya ang dumadalo sa mga teacher-student conference nito sa paaralan. Isinisingit niya sa kanyang masikip na iskedyul ang pagsama rito sa pagbili ng mga damit at iba pang mga pangangailangan nito. Siya rin ang nagpapa-enrol sa kanyang mga kapatid. Inalalayan rin niya si Malia magmula noong magkaroon na ito ng buwanang dalaw.

Hindi rin pinapansin ni Mylene ang mga binatang nagtangkang maningalang-pugad sa kanya. Ayaw niyang magkaroon ng kahit anong pwedeng makagulo sa kanyang buhay. Gusto niyang ilaan ang kanyang oras at atensyon sa kanyang mga kapatid.

Patuloy namang dumadalaw si Tito Agustin sa kanilang bahay upang tingnan ang kanilang kalagayan. Lagi itong bumibisita sa kanilang bahay.

“Kumusta naman kayo rito, Mylene? Ayos ka pa ba?” minsan ay untag sa kanya ni Tito Agustin.

“Ayos naman ako, Tito. Ayos naman po kami. Nakakaya pa naman…” sagot ni Mylene.

Inabutan siya ng isang makapal na libo-libong bills ni Tito Agustin.

“Para sa iyo ‘yan, para sa inyo ng mga kapatid mo.”

50 libong piso sa kabuuan ang ibinibigay nitong pera. Ibinalik niya ito sa tiyuhin.

“Naku Tito, salamat po rito, pero hindi ko po matatanggap iyan. Masyado pong malaki. May natitira pa naman po sa savings nina Daddy at Mommy. Saka sapat pa naman po ang kinikita ko sa fast food chain na pinagtatrabahuhan ko.” Magalang na sabi ni Mylene sa kanyang Tito Agustin.

“Mylene… tanggapin mo na ‘yan. Maliit na tulong lang yan para sa mga nagawa sa akin ng Daddy mo, lalo na ang Mommy mo,” kinuha nito ang kanyang mga kamay at ibinalik sa mga palad ng pamangkin. “Saka para sa pag-aaral nina Malia at Marco.”

Ginagap ni Mylene ang mga kamay ng kanyang tiyuhin.

“Salamat po tito. Napakabuti n’yo po sa amin, lalo na po sa akin. Magmula pa man po noon.”

“Ikaw ang paborito kong pamangkin eh,” nakangiting sabi ni Tito Agustin. Niyakap nito nang mahigpit si Mylene. Para na itong tumatayong pangalawang ama sa kanila.

Inilagak ni Mylene sa bangko ang ibinigay na pera ni Tito Agustin sa kanyang savings account. Mabuti nang may sapat na salapi para sa mahigpit na pangangailangan. Samantala, isang mabuting balita ang dumating. May matatanggap na gantimpala sa paaralan si Marco. May mataas na karangalan at medalya itong matatanggap. Personal siyang nagtungo sa tahanan ni Tito Agustin upang ibalita ito.

Pagdating sa mansyon nito, agad siyang pinapasok ng mga katulong, dahil kilala naman siya ng mga ito. Masiglang pumasok si Mylene sa loob ng mansyon upang kausapin ang kanyang tiyuhin. Nang kakatok na siya sa kwarto nito, napahinto siya dahil narinig niyang tila nagtatalo ang kanyang Tito, at ang kinakasama nitong si Amelia.

“Siya pa rin ba? Siya pa rin ba ang mahal mo?” Galit at umiiyak na sabi ni Amelia kay Agustin. Nagkubli siya sa likod ng pinto upang marinig ang kanilang usapan.

“Gusto mo ng totoo? Oo! Mahal ko pa rin si Leticia. Siya lang ang babaeng minahal ko sa buong buhay ko! Kahit wala na siya, siya pa rin ang nilalaman ng puso ko!” Sagot ng kanyang Tito Agustin. Napapitlag si Mylene. Si Leticia ang kanyang ina!

“Ikaw na rin ang nagsabi. Matagal na siyang wala! Wala na siya, Agustin. Wala na! At ikaw ang dahilan no’n! Ikaw! Kinakain ka na ba ng konsensya mo ngayon? Na nadamay ang babaeng pinakamamahal mo, sa pagtatangka mo sa buhay ni Mauro!?”

Isang malakas na sampal ang ibinigay ni Agustin kay Amelia. “TUMIGIL KA NA!”

Subalit hindi nagpaawat si Amelia. “Bakit? Hindi ba, totoo naman? Ikaw ang dahilan ng pagkawala ni Mauro, ang sarili mong kapatid, para lang makuha si Leticia? Wala kang puso, Agustin! Hindi ko alam kung bakit mahal pa rin kita sa kabila ng lahat!”

Lumabas sa kanyang pinagtataguan si Mylene at kinompronta ang dalawa.

“Totoo ba, Tito? Ikaw ang dahilan ng pagpanaw ni Daddy? Anong ibig sabihin nito? Ipaliwanag n’yo!”

Kapwa hindi nakahuma ang dalawa, lalo na si Tito Agustin. Nagulat siya sa biglaang pagsulpot ng pamangkin.

“Anong ginagawa mo rito, Mylene?” gulat na tanong ni Tito Agustin.

“Narinig ko ang lahat! Gusto kong malaman ang katotohanan, Tito. Ikaw ba ang naging dahilan ng aksidente namin noon? Ikaw ba?!”

“Oo. Oo, ako nga… una kaming nagmahalan ni Leticia, ang iyong Mommy. Kami ang unang nagkakilala. Pero inagaw siya ng Daddy mo sa akin, na mismong kapatid ko! Oo. Ako nga ang naging dahilan kung bakit nawalan ng preno ang sasakyan n’yo noon. Pero pinagsisisihan ko na ‘yon, Mylene. Pinagsisisihan ko na ‘yon!” Umiiyak na paliwanag ni Tito Agustin. Napaupo ito at humagulgol na parang bata sa isang sulok.

“Buong buhay ko, akala ko isa kang mabuting tao! Isa ka palang demonyo! Magbabayad ka, Tito! Magbabayad ka!”

Ipinakulong ni Mylene ang kanyang Tito Agustin, na agad namang umamin sa kanyang ginawang pagkakamali. Humingi ng kapatawaran si Agustin sa nagawa niya sa pamilya ng kanyang kapatid dahil sa kanyang nabulag na pagmamahal para kay Leticia. Matapos ang pagdinig sa korte, nahatulan ito ng habambuhay na pagkakabilanggo. Mahirap man, pinatawad ni Mylene ang kanyang tiyuhin, dahil kapatid pa rin ito ng kanyang Daddy, at kaanak pa rin nila ito. At naisip ni Mylene, hindi pala natutulog ang hustisya.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement