Inday TrendingInday Trending
Ang Nanay Kong Guro

Ang Nanay Kong Guro

Hindi malaman ni Ronald kung paano ipakikita sa kanyang nanay ang kanyang report card para sa Ikalawang Markahan. Marami sa mga asignatura ay malaki ang ibinaba ng kanyang mga marka. Ang dating 90 sa asignaturang English ay naging 85, naging 82 naman sa Matematika na dating 87, at 80 naman sa Filipino mula sa 85.

Isa pa namang guro ang kanyang ina kaya para sa kanya, isang malaking kahihiyan na ang isang anak ng guro ay makakakuha ng mababang marka. Nag-aaral si Ronald sa ibang paaralan, iba sa paaralang pinagtuturuan ng kanyang nanay.

Grade 5 na si Ronald, subalit madalang lamang siya kung maturuan ng kanyang nanay. Minsan, naghihinanakit si Ronald sa kanya dahil nagagawa nitong turuan ang iba, subalit siya, na sarili nitong anak, ay madalang pa sa patak ng ulan kung maturuan.

Natatandaan niya, noong Grade 2 siya ay madalas siyang turuan nitong bumasa at sumulat. Itataob nito nang patagilid ang kanilang papag na nagsisilbing pisara. Gamit ang mga yeso o chalk na kikuha nito sa paaralan, isusulat nito ang mga salitang matatagpuan sa isang dilaw na libreto, ang “Abakada”, na labis niyang kinatatakutan. Kapag hindi niya nabigkas nang tama ang mga salita, pinipitpit ng kanyang nanay ang mga daliri niya sa kamay gamit ang isang patpat. Kaya kapag nakikita niya ang manipis na libreto ng Abakada, nanginginig na siya.

Nang sumapit ang Grade 3, Grade 4, at hanggang ngayon ngang Grade 5 na siya, madalang na siya kung turuan ng kanyang nanay. Minsan, naiinggit siya sa kanyang mga kaklase. Ikinukwento ng mga ito na tutok sa kanila ang kanilang mga magulang, lalo na ang kanilang mga nanay, sa pagtuturo sa kanila lalo na sa paggawa ng mga takdang-aralin.

Lalo pang naghinanakit at nakaramdam ng pagseselos si Ronald sa ibang bata dahil naging tutor pa nila ang kaniyang nanay. Bakit siya na kanyang sariling anak ay hindi nito matulungan sa kanyang mga aralin?

Hindi naman niya malapitan ang kanyang kuya, na abala rin sa pag-aaral nito sa kursong Civil Engineering. Isa pa, lagi naman itong wala sa bahay. Nangungupahan ito sa isang dormitoryo na malapit sa pinapasukan nitong pamantasan. Mas tipid nga naman daw sa oras. Ang kanilang tatay naman ay nasa Oman. Isa itong karpintero, at tatlong taon nang OFW.

Kabilin-bilinan ng kanilang gurong tagapayo na kailangang may lagda ng magulang ang likod ng kanilang report card. Binasa ni Ronald ang nakalagay sa komento ng kanyang gurong tagapayo: “Mag-aral pang mabuti, lalo na sa English, Math, at Filipino”. Isa pa namang English teacher ang kanyang nanay.

Dahil sa takot na pagalitan ng kanyang nanay, inisip ni Ronald na pekein na lamang ang lagda ng kanyang nanay. Madali lang naman ang pirma nito. Kaunting bilog lamang sa dulo, hindi na mahahalata. Kinuha ni Ronald ang isang itim na bolpen. Handa na sana siyang pirmahan ang likod ng report card, ngunit naalala niya ang bilin ng kanyang nanay, na huwag na huwag manloloko at magsisinungaling ng kanyang kapwa, sa kahit na anumang paraan. Naisip ni Ronald, sa gagawin niya ay lolokohin na niya ang kanyang nanay, ang kanyang gurong tagapayo, at maging ang kanyang sarili. Ibinalik niya sa bag ang bolpen.

Bumuntung-hininga si Ronald. Wala siyang magagawa kundi ipakita ang report card sa kanyang nanay. Subalit pinili niyang mas mainam gawin ito sa paaralan nito, para makontrol ng kanyang nanay ang emosyon nito, kung sakaling magagalit man.

Kinabukasan, muling sabay na pumasok si Ronald ang kanyang nanay, subalit hindi niya binanggit ang tungkol sa kanyang report card. Matapos ang uwian, dumiretso si Ronald sa paaralang pinagtuturuan ng kanyang nanay. Nakaramdam na naman siya ng selos nang makita niya kung gaano kahusay ang kanyang nanay sa pagtuturo. Bakit ganoon, yung iba natuturuan niya, ako hindi? Usal ni Ronald.

Nang matapos ang klase ng kanyang nanay, nagtungo na ito sa faculty room. Sumunod si Ronald. Lingid sa kaalaman ng kanyang nanay na nakasunod pala si Ronald. Papasok na sana si Ronald sa faculty room nang mahinto siya dahil may kausap ang kanyang nanay, na tantya niya ay kapwa nito guro.

“Hirap talaga maging teacher! Lalo na sa katatapos kong klase. Hirap na hirap sa Math,” pahayag ng gurong kausap ng nanay ni Ronald.

“Naku… ganyan talaga ang pagiging guro. Mahirap talaga. Minsan nga, yung sarili nating mga anak hindi natin maturuan, pero sa ibang mga bata, natuturuan natin. Yung anak kong si Ronald, minsan ko lang tinutukan iyon. Pero ngayon hindi ko na masyadong tinuturuan. Alam kong kaya niya. Matalino iyon eh,” dinig niyang sabi ng kanyang nanay.

May naramdamang kurot sa puso si Ronald.

“Minsan nagi-guilty nga ako dahil hindi ko natuturuan iyon tapos kumuha pa ako ng tutorial. Pero naisip ko, baka naman kaya na niya. Naniniwala ako sa anak ko na iyon, ” dagdag pa nito.

Pumasok nang tuluyan si Ronald sa faculty room at tuloy-tuloy na yumakap sa kanyang nanay. Nagulat ito na naroon siya.

“Nay, sorry po. Binigo ko po kayo…” iniabot ni Ronald ang report card sa nanay. Kinuha niya ito at sinulyapan. Pagkaraan ay ngumiti at niyakap siya.

“Huwag kang mag-alala, anak. Second Grading pa lang naman. Makakabawi ka pa. May dalawa pang grading. Sorry kung hindi na kita natuturuan gaya noon. Busy lang si Nanay. Ayos lang magkamali, anak. Ang mahalaga, babawi ka.” Nakangiting sabi ng kanyang nanay.

Simula noon, pinagbutihan pang maigi ni Ronald ang kanyang pag-aaral. Imbes na mainggit o magselos, naging inspirasyon niya ang nanay niya na masipag at may dedikasyon sa tungkulin nito na maging guro sa mga batang gaya niya. Isinantabi niya ang isiping wala itong pakialam sa kanya; bagkus, inisip niyang para sa ikabubuti niya rin ang ginagawa nitong training sa kanya para maging independent at mag-aral nang mag-isa.

Matapos ang Ikatlo at Ikaapat na Markahan, tumaas ang mga marka ni Ronald. Napasama pa siya sa honor roll. Tuwang-tuwa ang kanyang nanay na guro na labis siyang ipinagmalaki sa kanyang mga kasamahan. Ipinangako ni Ronald sa kanyang sarili na lalo niyang pagbubutihin ang pag-aaral para sa kanyang sarili, at para sa kanyang nanay na isang dakilang guro.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement