Nagkaroon ng matinding pagtatalo sa pagitan ng mga miyembro ng dalawang pamilyang magkapitbahay pa man din at ang lahat ng iyon ay dahil sa kanilang pinag-aagawang lupa.
“Irereklamo ko kayo! Ang lalakas ng loob ninyong manggulo rito sa amin, palibhasa wala kayong mga pinag-aralan! Pamilyang iskwater!”
Maanghang ang mga salitang iyon na binitiwan ni Mrs. Martinez sa kanilang mga kapitbahay na nagsimulang manggulo kanina nang mapansin ng mga ito na lumalampas sa lupang pagmamay-ari ng mga ito ang pinapalawak nilang mansyon.
“Mga iskwater? Papaano kaming magiging iskwater gayong sa amin ang lupang kinatitirikan ng bahay namin?! Hindi ba’t kayo nga ang mukhang iskwater ngayon dahil nakikitirik kayo sa lupang hindi naman inyo?!” ang matinding sagot naman ni Mang Anselmo sa kapitbahay na nagkataong malayo pa man din niyang kamag-anak.
“Bakit, may patunay ka bang sa iyo nga ang lupang ito? Hindi ba at wala naman?” nakangisi namang sagot ni Mrs. Marites na tila ba iniinsultong magaling ang kaniyang kapitbahay. Paano’y alam niya kasing nakasangla ang lupang kinatitirikan ngayon ng bahay ng mga ito at malapit na iyong maremata kaya naman ganoon na lang ang lakas ng loob nilang pamilya na sakupin ang lupa ng mga ito.
Natahimik si Mang Anselmo sa narinig. Alam niyang kasalanan naman niya kung bakit nakasangla ngayon ang kanilang lupa. Paano’y hindi na kasi niya magawang tustusan ang pag-aaral noon ng kaniyang anak na malapit nang magtapos ng kolehiyo sa kursong Education kaya naman naisipan niyang isangla nga ang nag-iisang ari-arian ng kanilang pamilya.
Ilang taon na rin an nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatapos bayaran ang utang nila sa lupa dahil ang kaniyang anak na nakapagtapos ng kolehiyo lang naman ang may magandang trabaho ngayon sa kanila at hindi naman sumasapat ang kita nito para sa kanilang mga bayarin lalo pa at may anak na rin itong binubuhay ngayon nang mag-isa. Pumanaw na kasi ang ama ng bata bago pa man sila ikasal ng anak niya dahil sa isang aksidente.
Doon na tumigil ang pagtatalo ng magkabilang panig. Wala nang nagawa pa si Mang Anselmo kundi ang panuorin na lamang na angkinin ng Pamilya Martinez ang kanilang lupa. Hindi rin naman kasi niya magawang magsumbong sa mga kinauukulan dahil malakas ang kapit ng pamilyang ito sa matataas na kawani ng lokal na gobiyerno sa kanilang lugar.
Lumong-lumo si Mang Anselmo nang pumasok siya sa kanilang bahay. Ang kaniyang mga anak na lalaki ay halos manggalaiti rin sa nangyayari, habang ang asawa niya namang si Corazon ay sinamaan ng pakiramdam.
Tahimik ang buong kabahayan ng pamilya nina Mang Anselmo. Puno ng tensyon at mga problemadong isipan, at iyon ang naabutan ng bunsong anak niyang babae… si Maricris, na noon ay kagagaling lamang mula sa pinagtuturuan nitong eskuwelahan.
“Ano po ang nangyayari dito at parang problemado kayong lahat?” agad na tanong ng babae sa kaniyang mga kapamilya matapos halikan ang anak na noon ay natutulog na sa bisig ng isa sa kaniyang mga kuya.
Dahil sa tensyon bumabalot sa kanila ay hindi na napansin ng mga ito ang lalaking kasama ni Maricris na ngayon ay nananatiling naroon lamang sa pintuan at nakikiramdam.
“Paano, iyang matapobreng pamilya ng mga Martinez na ’yan ay inaangkin na at sinakop ang lupang pagmamay-ari ng tatay. Katuwiran ng mga ganid na iyan ay wala naman daw tayong patunay na sa atin nga ang lupa dahil nakasangla nga ang titulo nito,” nagtatagis ang mga bagang na anang isa sa kaniyang mga kuya na agad namang ikinagulat ni Maricris.
“Ano?!” Napahiyaw ang babae pagkatapos ay tila nanlambot ang kaniyang mga tuhod na naging sanhi upang siya ay mabuwal sa kaniyang kinatatayuan.
Humagulhol ang bunsong si Maricris na naging dahilan upang mailabas na rin ng kaniyang mga kapamilya ang kanina pa kinikimkim na sama ng loob. Napuno ng iyakan ang loob ng bahay…
Nasa kalagitnaan na sila ng ganoong sitwasyon nang biglang magsalita ang lalaking kasama ni Maricris.
“Huwag kayong mag-alala, Maricris, ako ang bahala.”
Nagkatinginan ang magpapamilya at nagtatanong ang mga mata ng sabay-sabay na lumingon kay Maricris.
“A-ah, pasensiya na at nakalimutan kong kasama nga pala kita, Lemuel. Inay, Itay, siya ho si Lemuel. Kapatid ho siya ng ama ni Sevi. Nagpunta ho siya rito para sana dalawin ang pamangkin niya,” paliwanag naman ni Maricris. Napatango na lang ang kaniyang mga kapamilya.
“Isa ho akong abogado. Kaya ko hong ilaban ang karapatan n’yo sa lupang ’to at sinisigurado ko ho sa inyo na mananalo kayo,” mariing sabi ni Lemuel. “Bago ho mawala ang kapatid ko, nangako ho ako sa kaniya na tutulungan ko ang kaniyang mag-ina pati na rin ang buong pamilya nito. Ngayon ho ang tamang panahon para tuparin ang pangakong iyon.
Laking pasasalamat ng pamilya nina Mang Anselmo sa napakagandang pagdating ni Lemuel sa kanilang buhay. Bukod kasi sa pagtulong nito sa pagsasampa nila ng kaso laban sa pamilyang matapobre na kanilang kapitbahay ay binayaran na rin nito ang natitirang balanse nila sa sa lupang kanilang pagmamay-ari.
Agad na nasindak ang pamilya matapobre nang malaman ang balak na pagsasampa ng kaso nina Mang Anselmo. Tinangkang makipag-areglo ng mga ito sa kanila ngunit hindi na iyon umubra pa. Ngayon ay siguradong magtatanda na sila!