Bagot at Pagod na ang Babae sa Paulit-ulit na Nangyayari sa Buhay Niya; Isang Bata Pala ang Babago ng Kaniyang Pananaw
Pagod na pagod si Bea habang naglalakad pauwi. Kailangan pa niyang maglakad ng ilang kilometro upang makarating sa istasyon ng Baclaran. Alas otso na ng gabi at ngayon pa lang siya nakauwi.
Nag-overtime siya upang matapos na agad ang trabaho niyang nakatambak. Nakakasawa at nakakapagod na ang paulit-ulit na ginagawa niya sa buhay.
Bahay— trabaho— bahay na lang ang routine na paulit-ulit nangyayari. Gusto naman niyang mabago at maiba ang nakasanayan niyang ginagawa.
Siksik at maraming tao sa loob ng istasyon. Nakapila ang mga pasahero at tila mga zombie na ang iba, dahil kagaya niya’y pagod na rin ang mga ito sa maghapong trabaho na paulit-ulit na lang nangyayari.
Nasa loob na siya ng tren, nakaupo at nais na munang umidlip. Malayo pa naman ang bababaan niyang istasyon- sa Balintawak pa. Nang mamataan niya ang isang babaeng may kasamang batang lalaki na sa kaniyang tantiya ay mga nasa sampung taong gulang.
“Mama, akin na iyang mga dala mo at umidlip ka muna. Gigisingin na lang kita kapag bababa na tayo,” wika ng batang lalaki.
Agad namang iniabot ng ina nito ang dalang bag at malaking supot na kulay asul at mayamaya pa’y nakita niyang sumandal sa may bakal ang babae habang nakapikit ang mga mata.
“Hay buhay nga naman. Nakakapagod man pero pilit na lumalaban,” aniya sa sarili.
Halos lahat ng sakay sa tren na ito’y nais nang makauwi upang makapagpahinga.
Nang huminto ang train sa susunod na istasyon ay nakita niyang ibinigay ng bata ang upuan nito upang makaupo ang isang buntis na babae na labis niyang ikinamangha.
Bata pa ito’y alam na nito kung paano ang maging gentlemen. Wala sa loob na napangiti si Bea dahil sa ginawa ng bata. Lalo na no’ng nakita niyang inilagay nito ang kamay sa bakal ng train upang gawing unan ng kaniyang ina. Hindi na napigilan ni Bea ang sariling kausapin ang batang lalaki.
“Boy, anong pangalan mo?” Tanong niya rito.
“Philip po,” sagot naman nito.
“Nanay mo?”
“Opo. Pagod po kasi si mama, kaya gusto kong matulog na muna siya habang nasa biyahe,” paliwanag nito hindi pa man siya nagtatanong.
“E, bakit ibinigay mo sa ale ang upuan mo? Hindi ka ba pagod?” Muling tanong ni Bea.
Tila nagugustuhan niyang makipag-usap kay Philip dahil matalinong bata ito. Maayos sumagot at may katuturang kausap.
Bahagyang ngumiti ang batang lalaki. “Lagi po kasing sinasabi sa’kin ni mama na kapag may nakikita akong mga matatanda, buntis at babaeng may dalang baby, piliin ko raw palaging ibigay ang upuan ko sa kanila.
Sabi ni mama bata pa raw ako at matibay pa ang tuhod, hindi gaya sa kanila na pagod na sa work, gaya ni mama ay hindi ko alam kung nananakit na ang mga katawan.
Tapos sabi ni mama, isipin ko raw na siya iyong babaeng nakatayo sa harapan ko,” paliwanag ni Philip na mas lalong nagpahanga kay Bea. “At saka mas okay nga po na nakatayo ako. Napipigilan ko ang pagkauntog ng ulo ni mama sa bakal,” lingon ni Philip sa ina.
“Ano ba ang trabaho ni mama mo, Philip?”
“Nagluluto po siya sa isang karinderya. Araw-araw po ay nakikita kong maraming niluluto si mama, tapos pagdating sa bahay inaalagaan niya pa ako at ang dalawa ko pang kapatid.
Wala na po kasi kaming tatay kaya si mama na ang gumagawa ng lahat. Ang tanging pahinga ni mama ay ang makaupo at makaidlip rito, saka matulog sa bahay.
Minsan nakakatulog siya alas dos ng madaling araw dahil sa dami ng dapat gawin, tapos gigising ng alas singko para mag-asikaso saka papasok sa trabaho,” mahabang paliwanag ng batang si Philip na kita sa mukha ang pagkahabag para sa ina.
Tila nauntog naman si Bea, sa realisasyong mas magaan pa rin pala ang dinadala niyang problema kaysa sa ina ni Philip. Kani-kanina lang ay nagsasawa na siya sa mga nangyayari sa buhay niya at ninais nang baguhin ang mga nangyayari.
Tapos ngayong narinig niya ang kwento ng buhay ni Philip at ng ina nito’y tila nagising siya sa mahabang pagkakatulog.
“Ano iyang dala-dala niyong supot, Philip?”
“Mga gulay po na lulutuin pa ni mama para may makain kaming apat.”
Ang ina ni Philip ay pagod na sa buhay pero patuloy na lumalaban dahil sa mga anak nito. Kung iisipin ng ginang ang pagkabagot, pagod at pagsuko ay mas maaapektuhan ang mga anak nito.
Samantalang siya…
Pareho sila ng istasyon na binabaan ni Philip at ng ina nito sa Balintawak Station. Agad na naghanap si Bea ng mabibilhang ulam at nang matapos ay hinabol niya ang mag-ina.
“Philip,” tawag niya sa bata na agad namang huminto at nilingon siya.
Nagtatakang tinitigan siya ng ina nito. “Anong sadya mo miss?” Tanong ng ina ni Philip.
“Ito po oh, binili ko para sa inyo,” abot ni Bea sa dalawang supot na ang laman ay Lechon Manok at iba pang ulam.
“Para saan ito miss?” Takang tanong ng ina ni Philip.
“Para sa inyo po ma’am. Para hindi niyo na kailangang magluto pagkauwi ninyo. Nalaman ko kay Philip na pagod na kayo sa trabaho kaya mas mapapagaan ang gabing ito kapag kakain na lang kayo agad at magpahinga pag-uwi niyo,” nakangiting wika ni Bea. “Maganda po ang pagpapalaki niyo kay Philip. He inspires me with his beautiful thought. Kaya bilang pag-bawi ay sa inyo na po iyan,” aniya.
Kung suhol man iyon dahil sa pakikipag-usap sa kaniya ni Philip ay wala nang maisip na dahilan pa si Bea. Basta gusto lang niyang pagaanin ang gawain ng ina nito sa araw na iyon.
Binigyan siya ni Philip ng malaking inspirasyon sa buhay. Maliit na bagay lamang ang ulam na iyon kumpara sa ginawang realisasyon ni Philip sa kaniya.
“Salamat po ate,” nakangiting wika ni Philip.
“Welcome, Philip. Alagaan mo palagi si mama mo ah at sana huwag magbabago ang ugali mong ganiyan hanggang sa lumaki ka,” malambing na bilin ni Bea.
Isang tango naman ang sinagot ni Philip. Bago nagpaalam ang mag-ina ay nagpasalamat ang ina nito sa kaniya, dahilan upang mas lalong gumaan ang kaniyang pakiramdam.