
Mapanlamang ang Tinderang Ito sa Kaniyang Kapwa; Matinding Karma ang Balik Nito sa Kaniya
Katulad ng mga regular na araw ay maingay ang tanghaling iyon sa palengke. Palibhasa ay linggo, dagsa ang mga mamimili ngayon kaya naman halos magsiksikan na ang mga taong namamalengke.
Isa si Aling Dina sa mga nakahilerang tindera ng isda sa puwestong iyon. Mainit ang panahon kaya naman tagaktak na ang pawis sa kaniyang noo, ngunit patuloy pa rin siya sa pag-aalok ng kaniyang paninda sa mga nagdaraang kostumer.
Oo ngaʼt matao ngayon sa palengke dahil linggo, ngunit ganoon pa man ay napakatumal pa rin ng benta ni Aling Dina. Napapapalatak na siya dahil mag-aalas nueve na ay ni hindi man lang nabawasan ang kaniyang mga paninda!
“Naku, mahal, doon tayo sa kabila. Bilasa na ʼyang isda riyan, oh! Hindi na sariwa,” dinig niyang bulong ng isa sa mga kostumer sa mister nito habang tumitingin sa kaniyang paninda.
Napakunot naman ang noo ni Aling Dina nang makitang umalis nga ang naturang mag-asawa at sa kabilang tindahan na bumili.
Paanoʼy totoo naman kasing bilasa na ang mga isda niya. Ang totoo ay ilang araw na niyang stock ang mga iyon. Mura lang din niya iyong nabili dahil luma na, kaya mabilis iyong nabilasa.
Sa inis ay napakamot pa si Aling Dina sa kaniyang ulo, ngunit may bigla siyang naisip maya-maya!
Nilipon niya ang kaniyang mga panindang isda at ibinabad sa isang baniyerang tubig na may halong pampakulay na pula upang magmukhang sariwa ang naturang mga isda! Bukod pa roon ay ibinagsak niya rin ang presyo ng mga iyon. Hindi pa rin naman siya malulugi dahil may daya rin ang kaniyang timbangan! Matagal na itong gawain ni Aling Dina, kaya sanay na sanay na siya sa ganitong gawain.
Nangingisi si Aling Dina habang binibilang ang kaniyang kinita nang maubos ang kaniyang mga paninda. Ni hindi man lang siya nakonsensiyang nanlamang siya sa kaniyang kapwa para lamang kumita!
“Tiba-tiba tayo ngayon, Aling Dina, ah!”
Pauwi na si Aling Dina nang marinig na nagsalita si Tikong sa kaniyang likuran. Nang lingunin niya ito, nakita niyang nakangisi ito at pinagkikiskis ang mga palad. Nakaramdam ng kaba si Aling Dina sa paraan ng pagngisi ni Tikong. Halatang wala itong magandang iniisip ngayon. Namumula rin ang mga mata nitong tila wala pang tulog at mukhang wala ito sa sarili.
Si Tikong ay kilalang basagulero sa lugar na iyon ng palengke. Wala Itong pinipili. Kahit sinong makursunadahan nito ay talagang napeperwisyo! Bata, matanda, lalaki o babae man ʼyan.
“Baka naman pʼwedeng makahingi ng balato sa ʼyo, Aling Dina?” sabi pa ni Tikong sa tinderang mapanlamang.
Hindi nakapagsalita si Aling Dina. Luminga-linga siya sa paligid ngunit halos wala nang tao roon dahil nagsiuwian na! Kung mayroon man, malayo na ang mga ito sa puwesto nila.
Kaya naman nang makahanap ng tiyempo ay sinubukan ni Aling Dina na tumakbo at takasan si Tikong… ngunit mas mabilis ito sa kaniya!
“Tulong! Tulong!” sigaw ni Aling Dina, ngunit walang nakarinig nʼon.
Nagsimula siyang saktan ni Tikong hanggang sa halos hindi na siya makagalaw pa. Nang siya ay di na makagulapay ay inumpisahan na rin siya nitong kapkapan upang nakawin ang kaniyang pera!
Mabuti na lamang at may napadaang tanod sa kaniyang puwesto at nakita siyang nakahandusay sa lapag kayaʼt agad siya nitong nadala sa ospital.
Ang buong akala ni Aling Dina ay iyon na ang karma niya para sa paulit-ulit na panlalamang niya sa kaniyang kapwa tao, ngunit hindi pa pala, dahil paggising niya nang umagang iyon ay mga pulis na nakauniporme naman ang kaniyang namulatan. Dala ng mga ito ang balita tungkol sa patung-patong na kasong isinampa sa kaniya ng mga kostumer niyang nalason sa isdang kaniyang ibinabad sa pangkulay upang magmukhang sariwa. Na-food poison ang mga ito at ipinasasagot sa kaniya ang kanilang pagpapaospital, bukod pa sa danyos na hinihingi ng mga ito. At kung hindi niya maibibigay ang mga iyon ay patung-patong na kaso ang kaniyang kahaharapin.
Napahagulhol na lamang si Aling Dina habang sapo ng kaniyang mga palad ang kaniyang mukha. Labis na pagsisisi ang ngayon ay nadarama ni Aling Dina. Doble o triple pa ang tinamo niyang parusa kaysa sa kasalanang nagawa niya at wala naman siyang ibang masisi kundi ang kaniya lamang sarili dahil siya naman ang gumawa niyon. Ganito pala katindi kung gumanti ang karma!