
Mababa ang Tingin ng Babae sa Kaniyang Pamangkin; Mahihigitan pa Pala nito ang Kaniyang Narating
Family reunion. Nakataas na naman ang kilay ni Tiya Senda, habang ang kaniyang mga mata ay naniningkit na naman sa katitingin sa isang partikular na batang kasama sa kumpulan ng kaniyang mga pamangkin.
Nakita na naman niya si Jelly. Ang panganay na anak ng kanilang bunsong kapatid. Ang nag-iisang pamangkin niyang kahit kailan ay hindi natutong sumunod sa kaniyang mga payoʼt suhestiyon.
Simula nang magretiro bilang guro ay tinutukan na ni Tiya Senda ang paggabay sa kaniyang mga pamangkin upang hindi mapariwara ang mga ito. Palibhasaʼy walang sariling anak at tumanda nang dalaga ay ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang atensyon sa mga ito.
Masungit, istrikta at nakatatakot ang aura ng dating guro, kaya naman ganoon na lang kung katakutan siya ng mga pamangkin niya. Tuwing siya nga ay nag-uutos, abaʼy nagkukumahog sa pagsunod ang mga ito⏤pwera na lamang sa isa… si Jelly.
Napakatigas ng ulo ng batang ito. Palibhasa ay matalino, palagi nitong kinokontra ang anumang sasabihin ni Tiya Senda sa paraang hindi pa rin naman nawawala ang paggalang niya. Kaya nga ganoon na lang ang pagpupuyos ni Tiya Senda sa inis sa tuwing pagsasabihan niya si Jelly. Paanoʼy madalas siya nitong matalo dahil nauubusan na lamang siya ng sasabihin ay talagang nasa punto pa rin si Jelly sa tuwing silaʼy may isang bagay na pagtatalunan.
“Nakasimangot ka na naman, Ate Senda,” bati ng bunsong kapatid niyang si Toto nang mapansin ang naniningkit niyang titig sa anak nitong si Jelly.
“Abaʼy papaanong hindi? E, nakita ko na naman ʼyang anak mong matigas ang ulo,” sagot naman niya na tinawanan lang nito.
“Ikaw naman, Ate. Alam mo namang sa iyo nagmana ang batang ʼyan. Parang hindi mo naman pinagdaanan ʼyan noong bata ka,” tatawa-tawang sagot ni Toto sa kaniya.
“Huwag mo akong ikumpara sa anak mo, Toto. Ako noon, marunong akong makinig sa payo ng nakatatanda. Iyang anak mo, akala niya siguroʼy kay galing-galing na niya at alam niya na ang lahat kaya ayaw makinig sa akin!” Galit ang tono ni Senda. “Katulad ng kursong gusto kong kunin ng anak mo! Pinayuhan ko siyang mag-education na lamang, abaʼy ang sagot ba naman sa akin, may ibang kurso raw siyang gustong kunin! At hayan na ngaʼt sa Arts pa nag-focus! Aasenso ba siya diyan? Ano ang mapapala niya sa pagsusulat? May napala na ba siya sa tatlong taon niya sa industriyang ʼyan?”
Hindi na lamang sumagot pa si Toto at nagkibit-balikat na lamang upang matigil na ang kanilang pagtatalo.
Sa hapag, nagsasalo-salo na ang magkakapamilya nang mga sandaling iyon, ngunit hindi naiwasan ni Tiya Senda na magpasaring kay Jelly. Talaga kasing naiinis siya sa pamangkin niyang ito.
“Oh, buti pa itong si Eman, kaunting kibot na lang at doktor na! Hindi katulad ng iba riyan na tatlong taon na sa piniling industriyaʼy wala pa ring napapala hanggang ngayon,” aniya sabay subo sa karneng inihain ng isa pa sa kaniyang mga pamangkin na ngayon ay chef na sa isang five star hotel.
Biglang natahimik ang napakalaking salu-salo. Nagkakatinginan ang magpipinsan dahil sa sinabi ng kanilang tiya. Ang kanilang simpatiya ay nasa pinsan nilang si Jelly… dahil ʼdi gaya ni Tiya Senda, alam nila ang tunay na katayuan ni Jelly ngayon.
Tumayo ang panganay sa lahat ng magpipinsan at naglakas-loob na sagutin ang kaniyang tiyahin.
“Tiya Senda, talaga bang wala kayong alam sa mga achievements ni Jelly o nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan ka lang? Hindi pa ho ba nakararating sa inyo na kinikilala na ngayon si Jelly bilang isa sa pinakarespetadong manunulat ngayon sa bansa?” anito na agad na ikinagulat ni Tiya Senda.
“Oo nga po!” segunda naman ni Eman, “napakarami na pong charities ang natulungan ni Ate Jelly sa pamamagitan ng kaniyang pagsusulat! Ang mga batang lansangang ginawa niyang paksa sa isa sa kaniyang mga inilathalang libro ay nabigyang pansin ng gobiyerno dahil doon! Ganoon din ang mga biktima ng kung anu-anong krimen at mga pamilyang naghihirap sa buhay. Pati ang mga batang may sakit ay nagawa na ho niyang tulungan. Nasubukan nʼyo na bang magbasa man lang ng kahit isa sa mga librong isinulat at idinokumento ni Ate Jelly?”
Doon ay napipi si Tiya Senda. Bigla siyang nawalan ng isasagot at naging malikot ang tingin ng kaniyang mga mata.
Ang totooʼy matagal niyang alam ang naging tagumpay ni Jelly sa kaniyang tinahak na landas… tagumpay na di hamak na mas higit pa sa kaniyang nakamit.
Hindi lamang talaga matanggap ni Tiya Senda na kahit hindi siya sinunod ni Jelly ay naabot pa rin nito ang kaniyang pangarap!
Napabuntong-hininga na lamang si Tiya Senda bilang tanda ng kaniyang pagkatalo sa argumentong iyon. Ngayon ay handa na siyang aminin na minsan, hindi lahat ng sinasabi ng mas nakatatandaʼy ikabubuti mo. Itoʼy tanging gabay lamang at nasa kamay pa rin ng bawat indibidwal ang kanilang magiging tagumpay.