Inday TrendingInday Trending
Isa sa mga Natanggal sa Trabaho ang Mister sa Pagkalugi ng Kompanya Dahil sa Pandemya; Isang Trabaho ang Inialok sa Kaniya ng Kumpare

Isa sa mga Natanggal sa Trabaho ang Mister sa Pagkalugi ng Kompanya Dahil sa Pandemya; Isang Trabaho ang Inialok sa Kaniya ng Kumpare

Hindi na malaman ni Loring ang gagawin. Pumapalahaw nang iyak ang anak na si Tonton, 3 taong gulang. Gustong dumede. Wala na siyang gatas sa kaniyang dibdib, kaya isang taon pa lamang ito, sinanay na niya sa de-boteng gatas. Kasama sa mga nawalan ng trabaho ang mister niyang si Jepoy sa na janitor sa isang pribadong paaralan.

Kung ano-anong pagkakakitaan ang ginagawa nila upang maagdungan ang kanilang kabuhayan subalit hindi ito sasapat. Lalo na at nagrerenta lamang sila, idagdag pa ang bayarin sa kuryente, tubig, at pagkain sa araw-araw. Lima ang anak nila na pawang maliliit pa.

“Anong gagawin natin? Kailangang dumede ng bata,” iritableng tanong ni Loring sa mister, na noon ay nagsasaing ng bigas.

“Heto na muna naiisip ko. Mag-am na muna siya. Didiskarte ako ng pera. Hintay ka lang,” tugon ni Jepoy.

“Utang na naman ba iyan? Diyos ko naman Jepoy, walang-wala na tayong pambayad. Abot na hanggang bumbunan ang utang natin. Dadagdagan na naman ba natin? Baka mamaya isanla na natin ang mga kaluluwa na natin, kulang pa sa pambayad.”

“Eh anong gagawin ko? Tinanggal ako ng amo ko. Wala naman akong alam na ibang gawin. Hayaan mo, hahanap ako ng mas matinong trabaho huwag ka mag-alala, huwag ka na magalit. May kinakausap na kami ni Kumpareng Imo. Baka may magpagawa ng bakuran sa amin,” pag-alo ni Jepoy sa misis.

Kung may isang bagay man na tangi-tangi kay Jepoy, hindi nito sinasabayan ang init ng ulo ni Loring kapag nagbubunganga na ito. Kalmado lamang at hinahayaan lamang ang asawa sa mga gusto nitong sabihin.

“Pasensiya ka na sa akin. Inaalala ko lang ang mga anak mo. Ako, matitiis kong mag-ulam ng talbos ng kamote o kaya sinabawang malunggay. Marami tayong tanim sa likod-bahay. Pero ang mga anak mo ang naiisip ko, Jepoy. Nagsisilakihan na sila. Kung noong walang pandemya mahirap na buhay, lalo na ngayon,” sabi ni Loring sa mister.

“Gagawa na nga po nang paraan. Ikaw talaga,” nasabi na lamang ni Jepoy sa misis. Sa totoo lang, nakararamdam siya ng pagkapahiya sa misis sa mga sinasabi nito. Kulang na lamang, sabihin sa kaniya ng asawa na inutil siya. Labis na nasasaktan ang kaniyang ego. Ang kaniyang pagkalalaki. Pakiramdam niya ay wala siyang silbing padre de pamilya.

Kaya naman, agad na nagtungo si Jepoy sa kaniyang kumpareng si Imo.

“Gusto mo ba talagang kumita ng pera? May alam akong raket pero sa ugali mo, baka hindi mo tanggapin,” sabi ni Imo.

“Depende naman pare. Ano bang klaseng trabaho iyan?”

“Manggo-good job. Uutusan tayo para tumodas ng mga tao, na utos ng mga kung sino-sinong nakakataas. Hindi natin makikilala kung sino ang big boss. Middle man lang kakausap sa atin,” paanas na sabi ni Imo.

“Ito ba ang sinasabi mong raket na gusto mong sabihin sa akin?” tanong ni Jepoy.

“Oo pare. Pero tandaan mo, kapag pumasok ka na rito, wala nang balikan. Hindi ka na puwedeng lumabas pa. Kapag titiwalag ka, mawawala ka na ring parang bula. Game ka ba? Pag-isipan mong mabuti p’re. Yayaman ka rito. Pero syempre hindi muna kita irerekomenda sa pagtodas. Doon ka lang muna sa medyo magaan-gaan,” ani Imo.

“A-ano naman iyang magaan na iyan?” kabadong tanong ni Jepoy.

“Taga-deliver ng… alam mo na… yung ipinagbabawal na…” hindi na naituloy ni Imo ang sasabihin dahil may napadaan sa kanilang harapan habang nag-uusap.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Imo.

“Pag-isipan mo, p’re. Malaking tulong para sa pamilya mo,” sabi ni Imo. Pagkaraan, naglabas ito ng sampung libong piso. Iniabot kay Jepoy.

“Habang nag-iisip ka, hawakan mo muna iyan. Kapag umoo ka, sa iyo na iyan. Kapag hindi, kailangan mong isauli sa akin. May hanggang bukas ka para magdesisyon.”

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Jepoy. Hawak niya ang sampung libong piso. Malaking tulong na iyon upang mabawasan ang mga utang nila. Pambili ng gatas ng anak nila. Panustos ng mga pangangailangan. Maipapatayo niya nang sariling bahay ang pamilya. Hindi na maiirita si Loring. Hindi na siya bubungangaan. Kapag umanib siya sa samahan, magkakaroon siya ng proteksyon. Walang sinuman ang makakakanti sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Isang desisyon ang ginawa niya.

Kinabukasan, muling nakipagkita si Jepoy kay Imo. Pagkauwi niya, may bitbit na gatas para sa kaniyang bunsong anak ni Jepoy. Nakabili rin siya ng ulam.

“Wow, may pera?” nakangiting tanong ni Loring.

“Oo. Nakadelihensiya kay Pareng Nardo. Naalala mo dati, nagpatulong siyang magpalinis sa dati nilang bahay? Hayun, inabutan ako kanina nang makasalubong ko,” nakangiting sagot ni Jepoy.

Totoo ang sinabi ni Jepoy. Isinauli niya ang sampung libo kay Imo. Mas gugustuhin pa niyang mabaon sa utang kaysa mabaon sa hukay ang kaniyang buhay. Mas masarap pa ring mabuhay nang walang tinatapakang tao. Mas masarap pa ring mamuhay nang nasa tama.

Advertisement