Nagulat si David nang umuwi mula sa eskuwelahan ang anak niya na matamlay ang hitsura. Marumi ang suot nitong uniporme at tanggal na rin ang ilang butones niyon. Nang titigan niya ang anak ay napansin niyang may mga galos ito sa braso at mga tuhod, at nangingitim din ang ilalim ng mga mata nito na animo iyon sinuntok nang malakas.
“Anak, Denver? Sino ang gumawa sa ’yo ng ganiyan?” Bakas ang inis sa tanong na iyon ni David sa kaniyang siyam na taong gulang na anak na nasa ikatlong baitang pa lamang sa elementarya.
Ngunit hindi sumagot si Denver, bagkus ay yumuko lamang ito at tahimik na umiyak.
Dahil doon ay nagdesisyon ang amang si David na magpunta na lamang sa eskuwelahang pinapasukan ng anak kinabukasan upang kausapin ang adviser nito at malaman na rin kung sino ang may gawa nito sa kaniyang anak.
Ganoon nga ang nangyari. Nang umagang iyon ay magkasabay na ang mag-amang David at Denver papunta sa eskuwelahan at talagang desidido siyang alamin ang may kagagawan nito sa kaniyang anak.
Ang totoo ay hindi naman siya ang madalas na pumupunta sa eskuwelahan kundi ang kaniyang asawa ngunit iba kasi ang sitwasyon ngayon. Kailangan niyang protektahan ang kaniyang anak bilang isang ama.
Naghihintay na noon si David sa labas ng classroom ng anak nang biglang dumating ang adviser nito… at gan’on na lang ang kaniyang gulat nang makilala kung sino ito!
“David Baltazar?” Tila nagulat din ang guro ng kaniyang anak nang siya ay mamukhaan nito. Bigla namang napipi si David. Hindi niya alam kung papaano pa itutuloy ang kaniyang reklamo tungkol sa nambu-bully sa kaniyang anak, gayong ang lalaking kaharap niya ngayon na siyang guro ni Denver, ay ang siya ring kaklase niya noon na walang habas niyang b-in-ully at inapi simula noong sila ay elementary pa lamang hanggang sa sila ay mag-highschool!
“Ikaw pala ang ama ni Denver. Mabuti na lang at nauna ka nang magpunta rito bago ko pa man maipatawag ang kaniyang parents…” Si Mr. Lorenzo—ang teacher ni Denver—ang unang bumasag sa katahimikan. Isinama sila nito sa kaniyang faculty room upang doon pag-usapan ang nangyaring insidente kahapon na sangkot ang kaniyang anak.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Kahapon ay nakakuha kami ng report na may isang grupo raw ng mga estudyante ang nam-bully sa isa pang estudyante, si Denver Baltazar. Ipinatawag ko na rin ang mga magulang ng mga batang sangkot sa mga nam-bully sa inyong anak. Balak namin silang patawan ng disciplinary action para hindi na maulit pa ang nangyari,” ani Mr. Lorenzo sa kaniya at halos wala namang naisagot si David.
Nahihiya siya sa nangyayaring sitwasyon ngayon sa pagitan nila. Siya, na dating bully ay ama ngayon ng batang nakadaranas ng mga bagay na ipinaranas niya rin sa ibang tao noon… na nagkataong guro na ngayon ng anak niya!
“Hindi ho namin tino-tolerate ang bullying sa eskuwelahang ito kaya naman kailangan talagang mabigyan ng disciplinary action ng mga anak po ninyo upang hindi na nila ulitin pa ang pananakit sa kanilang mga kaeskuwela. Bukod po roon, kung p’wede rin ho sana, pakisagot na rin ho ninyo ang panggamot ng batang inapi ng inyong mga anak. As you can see, nagtamo po siya ng ilang mga sugat at pasa dulot ng pang-aapi nila sa kaniya.”
Lalong nakadama ng hiya si David sa kaniyang sarili nang matapos magsalita ang guro ng kaniyang anak. Tinamaan siya sa mga sinabi nito kaya naman buong sandali lamang siyang tahimik at hindi nagsasalita.
Natapos ang meeting nang maayos. Humingi ng paumanhin sa kaniya at sa kaniyang anak ang mga magulang ng mga batang may kasalanan kay Denver at ganoon din ang mismong mga bata. Nangako ang mga ito sa kanila na hinding-hindi na uulitin pa ang ganoon sa kahit na sino at sinabi rin nilang sasagutin nila ang gamutan ng kaniyang anak.
Ngunit tila hindi pa rin kuntento si David sa nangyari. Dama niyang may kulang. Iyon ay ang siya naman ang humingi ng tawad sa kaniyang nagawa kay Mr. Lorenzo noong sila ay mga bata pa. Tuloy ay sa anak niya napunta ang karma!
Ngayon na nag pagkakataon niya upang itama ang kaniyang mga pagkakamali. Nang matapos ang meeting ay talagang pinuntahan niya ang dating kaklaseng si Mr. Lorenzo.
“Sana, mapatawad mo ako sa mga nagawa ko noon. Nahihiya ako sa ’yo. Kung maibabalik ko lang sana ang panahon—”
Ngunit pinutol ni Mr. Lorenzo ang kaniyang sinasabi sa pamamagitan ng isang tapik sa balikat at isang nakangiting mukha. “Huwag kang mag-alala. Matagal na kitang napatawad.”