Inday TrendingInday Trending
Bangko ang Tingin sa Kaniya ng Sariling Ina; Anito’y Kabayaran Iyon sa Pagpapalaki Nito sa Kaniya!

Bangko ang Tingin sa Kaniya ng Sariling Ina; Anito’y Kabayaran Iyon sa Pagpapalaki Nito sa Kaniya!

“Sumahod ka na ba?” Pagkasagot na pagkasagot pa lamang ni Zeny sa kaniyang telepono ay agad na bungad sa kaniya ng kaniyang inang siya palang tumatawag sa kaniya. Parang bigla niya tuloy pinagsisihang hindi muna niya tiningnan kung sino ang tumatawag bago niya sinagot.

“Mama, bukas pa ho ang akinse. Bukas pa ho ang sahod namin,” sagot naman niya sa ina. Napapabuntong-hininga na lang si Zeny at pilit itong iniintindi.

“Hindi mo ba p’wedeng makuha na agad iyon ngayon pa lang? May nakita kasi akong magandang bag dito sa mall, anak. Kasama ko ang tita mo. Gusto ko sanang bilhin para sa sarili ko, kaso wala pa akong pera. Babayaran ko rin naman sa ’yo agad,” pangungulit pa ng kaniyang ina kay Zenyna nagpakunot sa noo ng dalaga. Alam naman nitong busy siya at nasa oras siya ng trabaho ngayon, pagkatapos ay iistorbohin siya nito dahil lang sa gusto nitong bumili ng bag?

Ayos lang naman kay Zeny na parati niyang bilhan ang ina, pero sana ay matuto rin itong tingnan ang kaniyang kalagayan!

“Mama, nasa trabaho ho ako ngayon. Saka, hindi ho ba at kabibili n’yo lang ng bag noong isang araw? May babayaran pa ho tayo sa school ni Zyra, ’ma,” katuwiran ni Zeny na noon ay pilit pa ring pinakakalma ang sarili.

“So, ayaw mong magbigay? Kung ayaw mo, sabihin mo na lang kaagad. Ang dami mo pang nililitanya diyan! Saka, huwag mo akong masumbat-sumbatan diyan sa mga bayaring iniisip mo, ha? Noong kayo’y maliliit pa, ako ang lahat ng umiintindi niyan! Minsan lang ako humiling aba’y hindi pa ninyo ako mapagbigyan! Baka singilin ko kayo sa lahat ng ginastos ko sa inyo simula noong sanggol pa kayo, e!” hiyaw naman ng kaniyang ina sa kabilang linya bago nito tuluyang inibinaba ang tawag.

Gustong maiyak ni Zeny sa sinasapit niya sa kaniyang ina. Simula noong siya ay nag-aaral pa, hindi naman siya nakaranas na humiling ng kahit anong luho rito dahil palagi naman itong nagagalit noon sa kaniya! Dahil doon ay naging masigasig si Zeny at pinag-aralang kumita nang sarili niya sa pamamagitan ng pagdo-drawing, paggawa ng assignment ng iba at paggawa ng kanilang project upang siya’y makaipon noon ng sariling pambaon o kahit pamasahe man lang. Walang ni katiting na ipinakitang suporta sa kaniya ang ina noon, kaya naman ang sama talaga ng loob niya ngayong isinusumbat pa nito sa kaniya ang anito’y pagpapalaki raw nito sa kanila na para bang hindi nito obligasyong gawin ang bagay na ’yon!

Ayaw naman ni Zeny na pabayaan ang ina o magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan dahil kahit anong mangyari ay nanay niya pa rin ito. Ngunit hindi niya alam kung ano ang gagawin para mapagtanto nitong mali na ang ginagawa nito sa kaniya! Para kasing hindi na anak ang turing nito sa kaniya kundi isang bangko o bakang gatasan ng pera!

Nang gabing iyon, nang makauwi si Zeny sa kanilang bahay ay isang mabigat na desisyon ang kaniyang nabuo. Kailangan niyang ipakita sa ina na hirap na hirap na siya sa ginagawa nito kaya’t panandalian muna siyang lalayo. Ganoon pa man ay sinisigurado niyang hindi pa rin naman siya titigil sa pagsuporta sa kaniyang mga nag-aaral pang kapatid, puwera na lang sa kaniyang ina.

Ganoon nga ang ginawa ni Zeny. Lumayo muna siya at bumukod ng tahanan. Palihim niyang sinusuportahan ang mga nag-aaral pang kapatid upang kung sakaling hindi makagawa ng paraan ang kaniyang ina ay may maipanggagastos pa rin ang mga ito.

Samantala, problemadong-problemado naman ang ina ni Zeny sa mga panahong siya’y wala sa kanilang puder. Bigla nitong nadama ang lahat ng kaniyang hirap na noon ay hindi rin naman nito naranasan sa kaniya dahil nga sa kaniyang pagiging madiskarte sa buhay.

Parang bigla itong nagsisi na inabuso niya ang sariling anak, tuloy ay nawala ito sa kanila. Hindi niya na alam ngayon kung ano ang gagawin kung hindi ito babalik sa kanila. Hindi na niya alam kung paano pa susuportahan ang pag-aaral ng iba pa niyang anak na nag-aaral pa. Kaya naman nagdesisyon siyang magpakumbaba at puntahan ang kaniyang anak na si Zeny upang humingi ng tawad dito.

Naging maganda ang kinahinatnan ng ginawang iyon ng ina ni Zeny dahil mabilis naman itong pinatawad ng anak. Nangako itong simula ngayon ay hindi na uulitin pa ang pang-aabuso sa sariling anak.

Advertisement