
Tuwang-tuwa ang Bata nang Mapasali Ito sa Feeding Program Ngunit Pinagtawanan Ito ng mga Kaklase; Natameme Sila sa Istorya sa Likod Nito
“Class, magkakaroon ng feeding program ang school. Mayroon ba sa inyong gustong sumali?” bungad ni Rita sa kaniyang mga mag-aaral na nasa grade 4.
“Ma’am, ano po ba ang feeding program?” tanong ni Daniel, isa sa kaniyang mga estudyante.
“Ah, isa itong programa kung saan binibigyan ang mga bata ng masusustansiyang pagkain. Layon nito na gawing malusog ang mga bata, lalo na ‘yung mga kulang sa timbang,” matiyagang paliwanag niya sa mga bata.
Bahagyang umingay dahil sa sari-saring saloobin ng mga bata.
“Ay, ayoko, para lang yata sa mahihirap.”
“Marami naman kaming pagkain sa bahay, dun na lang ako kakain.”
Karamihan naman ay tila walang pakialam at nagdadaldalan.
Mula sa likod ay isang kamay ang tumaas. Nakilala niya ang bata bilang si Angel. Tahimik ito, mahiyain, at laging nag-iisa.
Kaya naman nagulat siya sa pagboboluntaryo nito na sumali sa feeding program. Karamihan kasi ay nahihiya at ayaw mapasama sa listahan.
“Angel, sasali ka?” nakangiting kumpirma niya sa bata.
“Opo, Ma’am,” mahinang sagot nito. May nahihiyang ngiti sa labi nito.
Muli ay umugong ang bulung-bulungan.
“Ano ba ‘yan, bakit siya sumali? Hindi ba siya nahihiya?”
“Siguro walang pagkain sa kanila.”
Agad niyang sinaway ang estudyanteng nagbubulungan. Ayaw niyang ikahiya ni Angel ang pagsali sa feeding program
“Sige, Angel, ililista ko ang pangalan mo. Tuwing recess, pumunta ka sa lang sa canteen, ha? Ipagbibilin kita sa kakilala kong teacher.”
“Thank you po, Ma’am Rita,” kiming sagot ng bata, na sinuklian niya ng tipid na ngiti.
Ikinatuwa ni Rita ang pagsali ni Angel sa feeding program. Simula kasi noong magsimula ang programa ay napansin niya na naging mas masigla na si Angel.
Napapansin niya na mas madalas na itong ngumiti, at kung minsan ay nakikisali na ito sa diskusyon nila sa klase. Noon kasi ay halos hindi ito nagsasalita. Marahil ay talaga nakatulong dito ang feeding program.
“Angel, kumusta naman ang feeding program? Ano’ng ginagawa niyo roon?” isang araw ay narinig niyang tanong ng mga kaklase nito.
“Pinapakain kami ng masasarap na pagkain,” simpleng tugon nito.
“Masasarap na pagkain kagaya ng?” muli ay tanong ng kaklase.
“Sopas, lugaw, pansit, saka mga gulay. Minsan spaghetti,” kwento ni Angel.
“Masarap ba ‘yun? Simpleng pagkain lang naman ‘yun, Angel. Akala ko naman kung ano,” nakangiwing komento ni Ella, isa sa magkaklase.
“Ella, para sa akin, masarap na ‘yun!” malawak ang ngiting bulalas ni Angel, dahilan upang pagtawanan ito ng mga kaklase.
“Ang simple naman ni Angel! Ignorante!” narinig pa niyang komento ng ilan.
Bagaman binubuska ito ng mga kaklase ay tila hindi iyon alintana ng bata dahil masigla pa rin ito sa tuwing pumapasok.
Nagtataka man ay ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Rita. Ang mahalaga ay nakikita niya ang positibong pagbabago ng kaniyang munting estudyante.
Subalit isang araw ay natuklasan din nila kung bakit tila masayang-masaya si Angel na mapasama sa feeding program.
“Class, magkakaroon tayo ng activity. Gusto kong sabihin niyo sa akin ano ang paborito niyong ginagawa dito sa school,” pagsisimula niya.
Nag-unahan sa pagtataas ng kamay ang mga bata. Napangiti si Rita sa isipin na maraming bata ang masayang pumasok sa eskwelahan.
“Gustong gusto ko po pumasok dahil nakikita ko po ang mga kaibigan ko!” bibong sagot ng estudyanteng si Daniel.
“Kaya pala madalas kita nakikitang nakikipagdaldalan, ha!” biro niya sa bata kaya naman nagtawanan ang mga kaklase nito.
“Natutuwa po ako na magaling po kayong teacher sa science kaya madami po akong natututunan. Pangarap ko po kasi maging isang doktor,” sagot naman ng batang si Victor.
Sa likod ay nakita niya ang masiglang pagtataas ng kamay ng batang si Angel. Agad niyang tinawag ang bata.
Ibang iba ang naging sagot nito sa karamihan.
“Gustong gusto ko po pumapasok sa school dahil sa feeding program tuwing recess.”
Agad na nagtawanan ang mga klase, sa pag-aakalang nagbibiro lamang si Angel. Natahimik lamang ang mga ito nang magsaway siya.
“Bakit naman iyon ang paborito mo, Angel?” nakangiting usisa niya sa bata.
“Kasi po sa feeding program lang ako nakakakain nang masarap ng pagkain.”
Awtomatikong huminto ang bulungan at nabalot ng katahimikan ang buong klase.
“Sa bahay po, madalas wala kaming pagkain ni Lola. Tinapay at tubig lang ang madalas naming kainin. Kasi sabi ni Lola, kapag kanin ang kinain namin, hindi masarap kasi walang ulam.”
“Kaya nga po excited ako lagi kapag recess na, makakakain na ako ng masarap. Sayang nga po, hindi ko nabibigyan ng pagkain si Lola. Hindi raw po kasi pwedeng iuwi ‘yung pagkain,” nakangiwing dagdag pa nito.
Matagal bago nakabawi sa pagkabigla si Rita. Binalot kasi siya ng matinding awa para sa bata.
“Kaya pala laging masaya si Angel pagtapos ng recess.”
“Kaya pala kahit simpleng pagkain ay masarap na para kay Angel,” narinig niyang bulong ng isang estudyante.
Tapos na ang klase ay hindi pa rin maalis ni Rita ang nararamdamang awa para sa estudyanteng si Angel. Sa murang edad nito ay danas na danas na nito ang lupit ng mundo.
Kaya naman kinabukasan ay gulat na gulat siya sa naabutang tagpo sa kanilang silid aralan.
“Angel, nagbaon ako ng madaming adobo. Masarap ‘to, pwede mo ring bigyan ang Lola mo para makatikim siya.”
“Angel, nagbaon ako ng cake. Mamayang recess, kainin natin!”
“Angel, may baon akong fried chicken. Hati tayo!”
Maluha-luha si Rita sa naabutan. Sa murang edad kasi ng kaniyang mga estudyante niya ay marunong na ang mga itong bumawi sa mga naging pagkakamali.
Ngunit sa kanilang lahat ay pinakamasaya si Angel. Akala niya ay huhusgahan siya ng kaniyang mga kaklase kapag sinabi niya ang tunay na lagay niya sa buhay. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na ang mga ito pa pala ang tunay na magmamalasakit sa kaniya.