Laging Hinahamak ng Mayabang na Ginoo ang Maglalakong Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Ito pa pala ang Magsasalba ng Kaniyang Buhay

“Pido, hindi ba sinabi ko na sa iyo na huwag mong iharang ang kariton mo sa daanan ko? Hindi tuloy makalabas itong sasakyan ko! Alisin mo na kung hindi ay pababayaran ko sa iyo kapag nagasgas ang kotse ko!” galit na sita ng mayabang na kapitbahay na si Tony. 

Agad namang iniusod ni Mang Pido ang kaniyang kariton na naglalaman ng kaniyang panindang fishball at samalamig.

“Pasensya ka na, Tony. May inayos lang kasi ako. Hindi ko napansin na nakaharang pala ang kariton ko. Hayaan mo at hindi na mauulit,” mapagkumbabang wika naman ni Pido.

“Talagang dapat ay hindi na maulit dahil sagabal ang kariton mo dito. Kapag nabangga ko iyan ay lugi pa ako dahil mas malaki ang magagastos sa sasakyan ko. Hindi mo naman mababayaran dahil ‘yang pagtitinda lang ang kinabubuhay mo! Lagi na lang kaming napeperwisyo ng mahihirap na tulad mo!” sambit pa ng ginoo.

Masakit man ang sinabi ng hambog na kapitbahay ay hindi na ito pinatulan pa ni Mang Pido dahil alam niyang wala din siyang laban dito. Alam niyang kapag may nangyari ay mas papanigan si Tony ng mga tao dahil mas nakakaangat ito sa buhay.

Kaya imbis na sumagot ay umiwas na lamang sa gulo itong si Mang Pido. Isa pa, kailangan na rin naman niyang umalis para magtinda upang may kainin sila ng kaniyang tatlong anak sa araw na iyon.

Kaya tuluyan nang nagtungo si Mang Pido sa kaniyang pwesto sa isang bangketa malapit sa isang simbahan.

Hindi pa man nakakarating sa kaniyang pwesto ay nasalubong na niya ang isang kasama niyang nagtitinda malapit sa simbahan.

Advertisement

“Pido, huwag ka nang tumuloy sa simbahan at may nanghuhuli. Hindi na raw nila papayagan pa ang pagtitinda sa bangketa. Ang ilang kasamahan natin ay kinuha ang mga kariton pati ang paninda. Kaya kung ako sayo’y umuwi ka na,” wika ng isang lalaki.

Walang nagawa pa si Mang Pido kung hindi magmadali ding malayo sa lugar na iyon.

Labis ang panghihinayang ni Mang Pido dahil maraming tao ang labas masok ng simbahan. Marami siyang nabebenta nang hindi na niya kailangan pang mapagod sa paglalako.

Kaya naisipan niyang maglako muna sa kanilang lugar.

Tumigil siya sa isang iskinta nang isang grupo ng kabataan ang nais bumili ng fishball at samalamig. Masikip lamang ang daan kaya pilit na itinatabi ni Mang Pido ang kaniyang kariton.

“Dito lamang tayo sa may gilid upang hindi makaabala sa daan,” pakiusap ni Mang Pido sa mga mamimili. 

Ilang sandali pa ay hindi niya inaasahan ang pagdaan ng isang sasakyan. Binusinahan siya nito ng walang patid upang tuluyan siyang umalis sa kaniyang kinalulugaran.

“Sandali lang po at itatabi ko lang,” pakiusap ni Mang Pido.

Advertisement

Ngunit laking gulat niya nang makita ang sasakyang dumaraan ay ang pag-aari ng hambog na kapitbahay na si Mang Tony.

“Kahit saan ba nama’y naroon ka at namemerwisyo, Pido? Hindi dapat nakaharang ang karito dito dahil daanan ito! Baka gusto mong ipahuli na talaga kita sa baranggay!” sambit ni Tony sa kawawang tindero.

“Pakiusap, huwag mong gawin ‘yan, Tony. Naghahanapbuhay lang naman ako upang may panggastos ang pamilya ko,” depensa naman ni Mang Pido.

“Pero hindi lang sa inyo umiikot ang mundo, Pido! Kailangan ding dumaanng sasakyan ko dahil may kailangan akong asikasuhin at nagmamadali ako! Kahit kailan ay sagabal at perwisyo ka! Nakakasira ka ng araw!” sambit pa ng ginoo.

Ilang sandali pa habang binubulyawan ng walang tigil ni Tony ang kawawang ginoo ay bigla na lamang nagkagulo. May usok na palang lumalabas sa sasakyan ni Tony. Nang makita ni Pido na tila nag-aapoy na ang unahang bahagi ng sasakyan ng kapitbahay ay walang pagdadalawang isip na ibinuhos niya ang tinda niyang palamig dito.

Agad din siyang humingi ng tubig sa mga kabahayan upang ibuhos sasakyan hanggang sa tuluyang maapula ang apoy.

Laking gulat ni Mang Tony sa bilis ng pangyayari. Hindi niya akaling ang lalaking kaniyang minamaliit at hinahamak ang siya pa palang tutulong sa kaniya.

Labis ang paghingi ng paumanhin ni Mang Tony kay Mang Pido.

Advertisement

“Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi ko sa’yo, Pido. Malaki ang utang na loob ko sa’yo. Nais ko sanang makabawi sa lahat ng masasamang ginawa ko sa iyo,” wika ni Mang Tony sa ginoo.

“Walang anuman ‘yun, Tony. Bukal sa loob ko ang tulungan ka. Tungkulin ng bawat isa na tumulong sa mga taong nangangailangan kahit sa kabila ng hindi pagkakaunawaan,” tugon naman ni Mang Pido.

Mula noon ay naging maganda na ang pagtrato ni Mang Tony kay Mang Pido. Upang makaganti din sa kabutihang loob ng ginoo ay binigyan ng pedicab ni Mang Tony itong si Mang pido upang hindi na ito mahirapan pa sa paglalako.

Labis ang paghanga ni Mang Tony sa ipinakitang kabutihan ng kaniyang kapitbahay. Natutunan din ng ginoo na maging mahinahon sa bawat pagkakataon at huwag humusga ng kapwa dahil hindi natin alam, baka isang araw ay ang taong iyon pa pala ang magbibigay sa atin ng tulong na ating kailangan.