Walang Habas ang Pagbubunganga at Pagsasalita nang Masakit ng Isang Ginang; Mapapahiya Siya sa Kaniyang Makakatapat

Maaga pa lamang ay dinig na dinig na sa iskinita ang pagbubunganga ni Aling Marta. Tila nasanay na ang mga kapitbahay dahil kilala nila si Aling Marta na wala talagang tigil ang bibig.

“Letseng buhay talaga ‘to! Naturingan ka nangang may mga anak ngunit wala ka namang mapakinabangan!” naiinis na sigaw niya habang naglilinis ng kanilang bahay.

“Hoy! Baka gusto niyo nang magsibangon at para kayong mga prinsesa at prinsipe d’yan! Daig nyo po ang may alila, a!” bulyaw pa ni Aling Marta sa kaniyang mga anak.

“‘Nay ang aga-aga pa! Wala na naman kayong ginawa kung hindi magbunganga! Baka pwedeng hinaan nyo naman ang boses nyo! Nakakahiya sa mga kapitbahay,” naasar na sambit naman ng kaniyang anak na si Marlon.

“Wala akong pakialam sa mga kapitbahay na ‘yan! Hindi naman sila ang nagpapalamon sa atin!” sigaw pa ng ginang.

“‘Nay, pagod naman po ako galing sa trabaho. Hayaan nyo naman akong magpahinga,” reklamo pa ng binata.

Maya-maya’y nariyan na ang kaniyang bunsong anak na si Jun.

“Ano ba ang problema dito, ‘nay? Bakit kay aga-aga ay galit na naman kayo?” tanong ng bunso.

Advertisement

“Walang tumtulong sa akin dito sa bahay. Lahat kayo ay batugan! Wala kayong awa sa akin!” saad pa ni Aling Marta.

“Siya nga po pala, ‘nay. Nasuspinde po ako sa eskwelahan at pinapatawag kayo ng prinsipal. Baka pwedeng mamayang hapon ay puntahan mo na po para kausapin. Pero, ‘nay, ipangako mo naman sa akin na itikom mo ang bibig mo dahil baka lalo akong mapatalsik sa ekwelahan namin,” pakiusap ni Jun sa ina.

“Aba’y sira ulo ka palang bata ka, e! Gagawa-gawa ka ng gulo tapos ngayon ay uutusan mo pa ako! Kung hindi ko kaya puntahan ‘yang eskwelahan mo? Wala ka nang dinala talaga sa pamamahay na ito kung hindi sakit ng ulo. Pare-parehas kayo ng ama mo!” bulyaw niya sa bunsong anak.

Ilang sandali pa at umuwi ang kaniyang asawa mula sa pamamasada. Tulad ng dalawang anak ay nakatikim din ng pagbubunganga ang kawawang mister.

“Sira na naman ang dyip na ‘yan? E, di wala na naman tayong kakainin? Ewan ko ba sa’yo, Roger, puro pagtitiis na lang ang gusto mong mangyari sa amin. Mas may pakinabang pa ako sa panganay mong anak kaysa sa iyo!” saad pa ni Aling Marta sa kaniyang asawa.

Labis na nasaktan dito ang kaniyang mister ngunit hindi na lang pinahalata ng ginoo.

Nang marinig naman ito ng panganay na anak ay agad itong bumangon at inawat ang komosyon na nangyayari sa kanilang bahay.

“‘Nay, hindi naman po tama na sabihin niyo ‘yan kay tatay. Nagtatrabaho naman po siya ng maayos. Saka ngayon lang naman pumalya ang dyip ng tatay. Hindi tama na sumbatan nyo siya ng ganyan,” saad ni Marlon sa ina.

Advertisement

“Hay naku, bahala na nga kayo sa buhay nyo!” inis na sambit ni Aling Marta.

“O, saan po kayo pupunta ‘nay?” tanong naman ng panganay na anak.

“Saan pa ba? Pupunta ako sa eskwelahan ng kapatid mo at kailangan daw akong kausapin ng prinsipal. Hay, puro talaga kayo sakit ng ulo!” sigaw pa ng ginang.

Tuluyan nang natahimik ang bahay nang makaalis si Aling Marta.

Mainit ang ulo nitong umalis ng bahay. Lalo pang nag-init ang ulo nito nang hirap siyang sumakay ng pampasaherong sasakyan papunta sa istasyon ng tren.

Nang makarating sa istasyon ng tren ay ubod ng dami ng tao dahilan upang magsiksikan ang lahat.

Sa kaniyang tabi ay may isang matabang babae. Dahil sa babaeng ito ay hindi makaupo ng maayos si Aling Marta.

“Baka naman gusto mong umusod ng kaunti at sinakop mo na ang lahat ng upuan,” wika ni Aling Marta sa ginang.

Advertisement

Agad namang umusod ang matabang babae.

“Baka naman pwedeng umusod ka pa ng kaunti dahil hindi na talaga ako makaupo. Nagbayad din naman ako! Baka mamaya pagpreno nitong tren ay malaglag pa ako!’ muling sambit ng ginang.

Dahil nasisikipan pa rin si Aling Marta sa kaniyang pagkakaupo ay hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili.

“Dapat ako ang nakaupo ng maayos at hindi ikaw. Kasi nagbayad ako ng tama. Dapat ang binayad mo ay dalawang tao! Hind ka ba nahihiya sa amin na siksik na siksik kami nang dahil sa iyo! Ubod ng laki ng balakang mo at kung makaupo ka ay kala mo’y nabili mo na ang bagon na ito,” inis na sambit ni Aling Marta.

“Napakasakit nyo naman pong magsalita. Maaari nyo naman po akong kausapin ng maayos. Pinipilit ko naman pong umusod,” paliwanag ng matabang babae.

“Dapat kasi kapag ganiyang kalaki ay hindi ka na sumasakay sa siksikan na tren tulad ngayon. Napakalaking espasyo ang inuokupa mo! Ang mas maganda ay sumakay ka na lang taxi dahil tiyak na kakasya kang mag-isa,” sambit naman ni Aling Marta.

Napayuko na lamang ang matabang babae dahil sa labis na pagkapahiya. Makalipas ang ilang minuto ay tuluyan nang bumaba ang matabang babae sa sumunod na istasyon.

Makalipas ng ilang istasyon ay tuluyang nakarating na rin si Aling Marta sa eskwelahan ng anak.

Advertisement

“Narito po ako dahil ipinatatawag daw po ako ng prinsipal. May nagawa po ata ang anak ko,” mahinahong sambit ni Aling Marta sa babaeng sumalubong sa kaniya sa tanggapan ng prinsipal.

“Gano’n po ba? Umupo muna po kayo at hintayin ang prinsipal natin. Medyo mahuhuli lang daw po siya sa pagpasok,” saad ng babae.

“Baka naman po pwedeng tulungan niyo akong magpaliwanag sa prinsipal. Mabait naman ang anak ko ngunit naiimpluwensyahan kasi ng mga kaibigan. Hindi naman ako nagkulang ng paggabay sa kaniya. Baka pwedeng makabalik na siya dito,” saad pa ng ginang.

“Naku, hindi po ako ang makakapagdesisyon niyan. Ang mainam po ay hintayin nyo na lang ang prinsipal at sa kaniya kayo makiusap,” tugon pa ng assistant.

Maya-maya ay pumasok na ang prinsipal sa kaniyang tanggapan.

“Pasensya na at nahuli ako. Kinailangan ko kasing bumaba kaagad ng tren. Nagtaxi ako papunta rito at sobrang bagal ng andar ng trapiko,” saad ng prinsipal sa kaniyang assistant.

Nagulat na lamang si Aling Marta nang makita ang prinsipal Ito pala ang matabang babaeng kaniyang nakaalitan sa tren. Hindi alam ni Aling Marta ang kaniyang gagawin.

Nang makita siya ng prinsipal ay agad na humingi ng tawad si Aling Marta.

Advertisement

“Humihingi kayo ng tawad sa akin dahil ngayon ay alam mo nang ako ang prinsipal ng iyong anak. Ngunit kanina ay hindi mo man lamang naisip ang pagpapahiya at masasakit na salitang sinabi mo sa akin. Hinusgahan nyo ang pagiging mataba ko,” saad ng prinsipal sa ginang.

“Ngayon ay malinaw na sa akin kung bakit walang respeto ang iyong anak. Tandaan po natin na ang mabuting asal ay hindi lamang itinuturo sa paaralan. Ito po ay nagsisimula sa ating tahanan. Dahil sa paulit-ulit na panggugulo ng anak nyo sa eskwelahang ito ay wala na po akong magagawa kung hindi patalsikin siya.

Sana po ay makahanap kayo ng eskwelahang tatanggap sa kaniya,” dagdag pa ng prinsipal.

Labis na pagkapahiya ang naramdaman ni Aling Marta. Sa unang pagkakataon ay natahimik na lamang siya at wala nang masabi pa. Umuwi siya ng bahay at ibinalita sa anak na si Jun na hindi na ito maaari pang bumalik sa kaniyang eskwelahan.

Unti-unting napagtanto ni Aling Marta ang kaniyang pagkakamali. Dahil sa pangayayaring iyon ay pilit niyang binago ang sarili. Iniingatan na rin niya ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Mas hinangad din ni Aling Marta na maging isang magandang ehemplo siya sa kaniyang mga anak.

Dahil sa pagbabago ng ugali ni Aling Marta ay mas naging maayos na ang pagsasama nilang mag-anak.