
Malungkot ang Matanda sa Pagsasara ng Kaniyang Maliit na Karinderya; Sa Huling Gabi ng Tindahan ay Darating ang Magsasalba Rito
Lumalalim na ang gabi at kasasarado pa lamang ng maliit na karinderya ni Aling Remedios. Kasama ang kaniyang dalagang apong si Mina ay masinsin nilang niligpit ang mga kasangkapan sa kanilang tindahan.
Habang pinagmamasdan ni Aling Remedios ang bawat sulok ng kaniyang maliit na karinderya ay hindi maiwasan ni Mina na mapansin ang nangingilid na luha nito. Alam niyang malungkot ang matanda dahil anumang araw ay kailangan na nilang lisanin ang tindahan.
“Huwag na po kayong malungkot, lola. Naniniwala po akong may mas magandang plano sa atin ang Panginoon,” wika ni Minsa sa kaniyang Lola Remedios.
“Hindi ko lang maiwasan na malungkot dahil naging malaking parte na ng buhay ko itong karinderyang ito. Magkatuwang kaming itinayo ng lolo ang maliit na karinderyang ito. Natatandaan ko pa nang halos hindi na kami magkanda-ugaga ng lolo mo sa pag-aasikaso dito sa tindahan. Masakit lamang sa aking makita itong tuluyang magsara,” pahayag ni Aling Remedios.
Kinabukasan ay binalikan ang maglola ng kasera.
“Pinapaalala ko lang sa iyo, Remedios, hanggang sa katapusan na lang kayo dito. Maayos ang usapan natin kaya ayaw ko nang umabot pa ito sa barangay. Umalis na lang kayo ng maayos,” saad ng kasera sa matanda.
“Nauunawaan kita. Pero baka pwedeng makahingi naman kami ng ilang araw pang palugit,” pakiusap ng matanda.
“Iyan ang sinasabi ko sa’yo, Remedios. Akala ko’y napag-usapan na natin ito. Hindi na pwede. Napakarami nyo nang utang sa akin. Saka isa pa, nag-usap na kami ng bibili ng lupang ito. Plantsado na ang lahat kaya kailangan nyo nang umalis,” sambit pa ng kasera.
“Hindi ko kasalanan, Aling Remedios kung nalulugi ang karinderyang ito. Sa totoo lang ay masarap naman ang mga putahe dito ngunit kailangan nyong sumabay sa uso. Hindi na ito ang gusto ng marami ngayon at isa pa, tumataas din ang renta kaya dapat ay tinataasan nyo rin ang presyo ng paninda nyo. Nasa inyo ang problema at wala sa akin,” saad pa ng ginang.
Napayuko na lamang si Aling Remedios. Nang makaalis ang kasera ay agad siyang bumalik sa pagsisilbi sa kaniyang mga kostumer.
“Ayos lang po ba kayo, lola?” tanong ni Mina sa matanda.
“Ayos lang ako, apo. Sige na at ituloy na natin ang trabaho,” saad pa ni Aling Remedios.
Lubos na naaawa si Mina sa lungkot na nararamdaman ng kaniyang lola ngunit wala naman siyang magawa upang isalba ang tuluyang pagsasara ng kanilang karinderya.
Dalawang araw bago ang katapusan ay bukas pa rin ang tindahan sa huling pagkakataon.
“Sigurado po ba kayong magbubukas pa rin tayo, lola? Baka gusto nyo na munang magpahinga dahil marami pa tayong ililigpit dito para sa pag-alis natin,” tanong ng dalaga sa matanda.
“Magbubukas tayo ngayon, Mina. May kumain man o wala’y patuloy na magbubukas ang karinderya. Nais kong sulitin ang oras natin dito,” wika ni Aling Remedios.
Ngunit dahil kaunti lamang ang kumakain ay paunti-unti na ring nagliligpit itong si Mina. Nais niyang kahit paano ay gumaan na ang trabaho nila bukas.
Gumagabi na kaya inaya na rin niya ang kaniyang Lola Remedios na magsara ng tindahan.
“Lola, magliligpit na po ako, a. Isasara ko na po itong karinderya,” magalang na sambit ni Mina sa matanda.
“Sige, Mina. Pasensya ka na sa akin, apo. Nalulungkot lang talaga ako dahil isasara na natin itong karinderya. Hindi ko kasi alam ang gagawin dahil ito lang naman ang alam kong kabuhayan,” tugon ni Aling Remedios.
Ngunit bago pa man makatayo si Aling remedios upang magligpit ng tindahan ay may dalawang ginoong napadpad sa kanilang maliit na karinderya.
“Pasensya na po, bukas pa po ba ang karinderyang ito? Pwede pa po ba kaming kumain ng boss ko?’ tanong ng lalaki.
“Opo, sa katunayan ay pasarado na kami pero pasok po kayo. Ipaghahanda namin kayo ng masarap na putahe,” nakangiting wika ni Aling Remedios.
Nang makapili ng kakainin ang dalawang ginoo ay agad itong inihanda ng matanda. Nais niyang maging magandang ala-ala ang paglisan nila sa naturang tindahan kaya labis niya pang sinarapan ang pagkain.
“Napakasarap ng pagkain nyo dito. Hindi ako makapaniwala na sa isang maliit na karinderya ko lang matatagpuan ang ganitong lasa. Tiyak kong babalik-balikan ko ito,” saad naman ng lalaking amo.
“Maraming salamat pero ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na magsasara na kasi kami. Ito na ang huling araw na magbubukas kami. Bukas ay kailangan na naming lisanin ang lugar na ito,” sambit pa ng matanda.
“Nakakapanghinayang naman po kung gayon. Napakasarap pa naman ng luto nyo rito. Maaari ko po bang malaman kung ano ang dahilan?” tanong pa ng ginoo.
“Sobrang nagtaas kasi ng renta ang kasera ko. Matagal na akong hindi nakakabayad sa kaniya. Hindi ko kasi makuhang taasan ang paninda ko dahil sa maraming trabahador, estudyante at mahirap na pamilya ang bumibili dito. Kung tataasan ko’y baka pati sila’y hindi na makakain dito. Kaya nakakalungkot man ay kailangan ko nang isara ang tindahan ko,” malungkot na kwento ni Aling Remedios.
“Pero huwag kang mag-alala. Hindi mo na kailangan bayaran ang kinain nyo dahil sagot na namin iyan. Nais kong magkaroon ng magandang ala-ala sa pagsasara nitong karinderya ko,” dagdag pa ng matanda.
Kinabukasan ay handang handa na sina Aling Remedios at Mina na umalis. Ngunit laking gulat nila nang dumating ang kaniyang kasera at pinapatigil nito ang kanilang paghahakot.
“Hindi nyo na kailangn pang umalis riyan, Aling Remedios,” saad ng ginang.
“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ng matanda.
“‘Nakausap ko kasi ‘yung bumili ng lupa. Ang sabi’y hahayaan lang daw niya kayong gamitin ang lupang tinitirikan ng inyong karinderya hanggang kailangan nyo gusto,” wika pa ng kasera.
Hindi makapaniwala ang maglola sa kanilang narinig.
“Pwede ba naming makausap ang nakabili ng lupa upang mapasalamatan siya?” saad ni Aling Remedios.
“Sa katunayan ay papunta na siya rito dahil nais ka rin niyang makausap,” sagot naman ng ginang.
Labis na nagulat si Aling Remedios nang makita ang ginoong kumain sa kanila nang gabing iyon na papalapit sa kanila.
“I-ikaw ang nakabili ng lupang ito?” tanong ng matanda.
“Opo, ako nga. Ako po si Mohammad at labis po akong nasiyahan sa inihain nyo sa akin kagabi. Nanghihinayang ako sapagkat hindi dapat maisara ang isang karinderyang tulad ng sa inyo. Lalo pa at mabuti ang inyong hangarin sa inyong kapwa,” wika pa ng ginoo.
Walang mapagsidlan ang tuwa ng maglola lalo na si Aling Remedios. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala sa nangyari dahil tila isang mirakulo ang lahat.
Bukod sa walang renta ang pananatili ng kanilang tindahan ay tinulungan din ni Mohammad ang maglola na pagandahin ang kanilang karinderya upang mas maging patok ito.
Simula noon ay patuloy ang pagbubukas ng karinderya ni Aling Remedios. Hindi pa rin nagtataas ng presyo ang matanda dahil nais niyang maging abot kaya sa lahat ang kaniyang masarap na lutuin.