
Matagal na Itinago ng Ina ang Tunay Niyang Trabaho sa Kaniyang Anak; Bandang Huli’y Nabisto rin Siya ng Binata
Tandang-tanda pa ni Sonia ang magkahalong lungkot at ngiti sa mga mata ng kaniyang mga anak nang ihatid siya ng mga ito sa paliparan. Natanggap na kasi siya bilang isang kasambahay sa ibang bansa at malaking tulong ito upang kahit paano ay makaangat ang kanilang pamumuhay.
Apat ang kaniyang mga anak na kailangan niyang pag-aralin. Solong katawan lang niyang binubuhay ang mga ito simula nang iwan sila ng kaniyang asawa dahil sumama na sa iba.
Ngunit ang hindi alam ng kaniyang mga anak ay ilang buwan pa lamang nananatili si Sonia sa ibang bansa ay tinangka na siyang pagsamantalahan ng kaniyang amo. Ang masakit pa roon ay imbis na ang kaniyang amo ang makulong ay binaligtad pa siya nito.
Nakulong siya ng ilang linggo at saka siya pinabalik sa Pilipinas.
Upang hindi mag-alala sa kaniya ang kaniyang mga anak ay mas pinili na lang ni Sonia na hindi ipaalam sa mga ito. Nang makabalik siya sa Pilipinas ay agad niyang tinawagan ang isang kaibigan at nagpatulong na maghanap ng mapapasukang trabaho sa Maynila.
Upang hindi makahalata ang kaniyang mga anak ay patuloy pa rin ang pagpapadala niya ng pera at mga balikbayan box sa mga ito. May inilalaan siyang pera para tuwing sahod upang makabili ng paunti-unting mga bagay na nakasale sa grocery. Iniipon niya ang mga ito at inilalagay sa isang box at saka ipinadadala sa kaniyang mga anak.
“Anak na tanggap niyo na ba ang pinadala ko? Pasensya na kayo at hindi kasi ako nakakalabas dito kaya ‘yan lang ang naipadala ko,” saad ng ina sa kaniyang mga anak.
“‘Opo, ‘nay, natanggap na namin!” saad ng panganay na si Buboy.
“Siya nga pala, ‘nay, sa isang buwan ay kaarawan ko na. E, kinakantyawan po ako ng tropa. Baka po pwedeng makapaglambing sa inyo at makapaghanda ako dito sa bahay,” sambit pa ng binata.
“A, s-sige, anak. Asahan mo ang ipapadala ko. Basta ipangako mo sa akin na walang inuman, ha. O siya, sige, kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Lagi mong titignan ang mga kapatid mo. Mag-iingat kayo d’yan,” paalam ni Sonia.
Pagbaba pa lang ng telepono ay agad nag-isip ang ginang kung saan siya kukuha ng pera na ipapadala sa kaniyang anak.
“Hanggang kailan mo balak itago sa mga anak mo ang nangyari sa’yo, Sonia?” tanong ng kabigang si Maricel sa ginang.
“Hindi mo lang alam kung gaano ko nais na sabihin sa kanila ang totoo. Ngayon pa lang kasi makakaranas ang mga anak ko ng maginhawang buhay. Ngayon lang sila hindi mahihiya na sabihin kung ano ang trabaho ng kanilang ina. Iba kasi kapag sa ibang bansa ka nagtatrabaho, ‘di ba? Kahit anong trabaho pa iyan,” tugon naman ni Sonia.
“Karapatan nilang malaman ang nangyari sa iyo. Saka para kahit paano ay matulungan ka rin nila. Huwag mo nang hintayin na sila pa mismo ang makatuklas. Maliit lang ang mundo, Sonia. Hindi mo maitatago ang kalagayan mo habangbuhay,” paalala pa ni Maricel.
Sa totoo lamang ay palagi itong iniisip ni Sonia. Nais man niyang aminin ang katotohanan ay natatakot siya sapagkat alam niya kung gaano siya ipinagmamalaki ng kaniyang mga anak.
Upang may maipanghanda ang kaniyang anak ay napilitan si Sonia na mag-advance ng kaniyang sahod at saka niya ipinadala kay Buboy. Tuwang-tuwa naman ang binata.
Ang hindi alam ni Sonia ay nagbabalatkayo ang kaniyang anak na si Buboy sa kaniyang mga kaibigan. Upang maging “in” siya sa mga itinuturing na barkada ay sinabi ng binata na malakas kumita ang kaniyang ina sa ibang bansa.
“Nagpadala na ang mama ko, mga tol! Kahit saan niyo, gusto ay ako ang bahala!” saad ni Buboy sa kaniyang mga kaibigan.
“Kung gusto mo ay sa amin na lang. Alam naman naming hindi ka pa pinayagang uminom ng alak. Hihiramin ko ang kotse ng daddy ko para may gamitin tayong sasakyan papunta sa amin,” saad ni Josh, isang kaklase.
Walang balak na ipaalam ni Buboy sa kaniyang ina ang plano niyang makipag-inuman sa kaniyang mga kaklase.
Nang dumating ang araw na iyon ay sama-sama silang magkakaibigan na pumunta sa bahay nila Josh.
Habang masayang nag-iinuman ang magkakaibigan ay nagkagulatan na lamang si Sonia at si Buboy na makita ang isa’t isa.
“A-anak, ano ang ginagawa mo rito?At bakit ka nakikipag-inuman?” laking pagtataka ng ina.“H-hindi ba dapat kayo po ang tanungin ko kung bakit kayo naririto? Hindi po ba dapat ay nasa ibang bansa kayo?” sambut ni Buboy kay Sonia.
“Nanay mo si Manang Sonia? Akala ko’y nasa ibang bansa ang nanay mo? Matagal na namin siyang kasambahay,” sambit naman ni Josh.
Dahil napahiya si Buboy ay nais na niyang umalis ngunit agad siyang pinigilan ng ina.
“Anak, patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sa iyo ang totoo? Natatakot kasi akong baka madismaya ka sa akin,” saad ng ina.
“Hindi po ba nakakadismaya ang ginawa niyo, ‘nay? Nakakahiya dahil kasambahay pa kayo ng kaklase ko. Sana ay sinabi mo na lang sa akin kaagad! Napakawalang kwenta mong ina!” wika pa ni Buboy sa ginang.
Napayuko na lamang si Aling Sonia sa masakit na sinabi ng kaniyang anak. Tuluyan nang umalis si Buboy at hinabol naman siya ng kaniyang kaibigang si Josh.
“Pare, bawiin mo ang sinabi mo sa nanay mo! Wala namang masama sa pagiging kasambahay ng nanay mo, e. Kung kami ang iniisip mo ay huwag kang mahiya sa amin. Ang dapat mong gawin ay humingi ng tawad sa kaniya,” wika ng binata kay Buboy.
“Alam mo bang nakakaawa ‘yang si Manang Sonia? Matindi ang dinanas niyan sa ibang bansa. Dahil sa pagnanais na mabuhay ang mga anak niya’y humanap agad siya ng trabaho dito sa Pilipinas nang mapa-deport siya. Kaya hindi tama ang ginawa mo sa nanay mo,” pahayag pa ni Josh.
Ikinuwento ni Josh ang lahat ng nangyari kay Sonia sa ibang bansa. Gulat na gulat si Buboy dahil wala siyang kaalam-alam sa mga nangyari.
Habang nasa kaniyang naman si Aling Sonia ay hindi niya maiwasan ang umiyak ng matindi dahil sa ginawang pambabastos sa kaniya ni Buboy. Ngunit nauunawaan niya ang anak.
Ilang sandali lang ay bumukas ang pinto at nakita niya si Buboy sa kaniyang harapan.
“‘Nay, patawarin mo po ako sa ginawa ko. Nabigla lang po ako. Hindi ko po sinasadya ang lahat,” umiiyak na wika ni Buboy sa ina.
Hindi na napigilan ni Sonia na hagkan ang binata.
“Naiintindihan kita, anak. Kasalanan ko naman talaga ang lahat ng ito. Patawarin mo rin ako kung naglihim ako sa inyong magkakapatid,” pagtangis naman ng ina.
“Hindi, ‘nay, mali po ang mga sinabi ko. Hindi po totoong wala kayong kwentang ina. Sa katunayan ay dapat kong ipagpasalamat ang lahat ng sakripisyo mo sa amin. Patawad, ‘nay! Patawarin mo ako,” saad pa ni Buboy.
Tuluyan nang nagkapatawaran ang mag-ina. Inamin na rin ni Sonia sa iba pa niyang mga anak ang nangyari sa kaniya.
Samantala, si Buboy naman ay naging totoo na sa kaniyang sarili. Hindi na niya ikinahihiya ang trabaho ng kaniyang ina at tanggap naman siya ng mga tunay niyang kaibigan.
Mula noon ay naging mas maayos at maluwat na ang pagsasama ng pamilya. Lalong nagsikap itong si Buboy nang sa gayon ay kung siya naman ang makakatapos ng pag-aaral ay nais niyang tulungan ang ina na laging nagsasakripisyo para sa kanilang magkakapatid.