
Hindi Maintindihan ng mga Tao Kung Bakit Ganoon na Lamang ang Pagtingin ng Bata sa Pera; Nagulat Sila nang Malaman ang Dahilan
Nagmamadaling binabagtas ni Miriam ang daan patungo sa kaniyang unibersidad dahil mahuhuli na siya sa klase. Tulad ng mga nakaraang araw, hirap siyang sumakay sa pampublikong sasakyan. Hindi naman siya basta na lamang makakapagrenta ng taxi dahil mahal ito.
Habang nagmamadali at iniisip muli ang idadahilan sa kaniyang propesor ay nabangga niya ang isang batang namamalimos kasama ang iba pang batang parehas niya ng kalagayan.
“Pasensiya na, bata!” paumanhin ni Miriam nagmamadali.
“Ate, baka po may pagkain kayo d’yan. Pahingi naman po. Gutom na gutom na po ako,” pagmamakaawa ng bata habang sinusundan niya ang mabilis na paglalakad ng dalaga.
Agad bumunot si Miriam ng barya upang ibigay agad sa bata para tantanan na siya nito. Tutal, nabangga rin naman niya ito.
“Ito bata, bumili ka na lang,” sambit n Miriam.
“Pagkain po, ate. Pagkain po ang kailangan ko,” patuloy na saad ng bata. Ngunit hindi na ito tuluyang inintindi ni Miriam dahil sa pagmamadali. Hangang sa nilubayan na rin siya ng bata. Nang lumingon siya ay nakita niyang ipinamigay lamang ng bata ang iniabot niyang limang pisong barya sa iba pang bata.
Dahil sa lubusan na ngang nagmamadali ay hindi na inintindi ni Miriam ang kaniyang nasaksihan.
Pagkatapos ng klase ni Miriam ay pahirapan na naman ang pagsakay pauwi. Habang nakapila sa sakayan ay muli niyang natanaw ang bata na sumasalubong ng mga naglalakad at nanghihingi ng pagkain.
“Ate, sige na po baka mayroon po kaya diyan kahit na po biskwit,” sambit ng bata sa isang babaeng tila walang naririnig.
“Ate, baka pwedeng sa akin na lang po ang kinakain niyo,” wika muli nito sa isa pang dumadaang babae.
“Kuya, akin na lang po ‘yang iniinom niyo. Uhaw na uhaw na po ako,” wala siyang tigil sa panghihingi ng mga pagkain ngunit tila walang naririnig at nakikita ang mga tao. Palagi lamang nilalagpasan ang bata.
Malapit nang makasakay si Miriam nang makita niyang may isang lalaki ang nagmagandang loob na bigyan ng bente pesos ang nasabing bata.
“Kuya, pagkain na lang po. Bigyan n’yo na lang po ako ng pagkain,” pakiusap ng bata.
“Aba at mapili ka pang bata. Ikaw na ang bumili ng pagkain mo. Ito na ang ang bente pesos. Marami ka nang mabibili diyan kahit paano,” tugon ng binata.
“Kuya, pagkain na lang po,” pangungulit ng bata. Ngunit hindi na siya inintindi pa ng lalaki at tuluyan nang sumakay ng dyip.
Sumakay na rin si Miriam ng sasakyan. Ngunit nananatili sa isipan niya ang bata.
“Bakit kaya mas gusto niya ang pagkain lang?” tanong nito sa sarili.
“Hindi kaya kasama sa sindikato ang batang iyon at pakulo lang nila iyon?” muli niyang tanong sa isip.
Marahil ay puwede ngang kasama sa sindikato ang batang iyon dahil sa tuwing aabutan mo ng pera ay ibinibigay niya ito sa ibang kasamahan. Ngunit napagtanto rin ni Miriam na kung kasama nga sa sindikato ang bata ay dapat mas pinupursigi nito ang pamamalimos ng pera dahil maaaring may mangayari sa kaniya kung hindi ito kikita.
Hindi na naalis pa sa isipan niya ang bata kaya nagpasya siya na kinabukasan ay muling obserbahan ito.
Kahit hapon pa ang pasok ni Miriam ay maaga siyang umalis ng bahay. Nagbabakasakali na muli niyang makita ang bata. Hindi nga siya nagkamali at muling naroon ang bata at nanghihingi ng pagkain.
Nilapitan niya ito at binigyan ng sampung pisong barya.
“Ate, pagkain lang po,” sambit ng bata.
“Ito singkwenta, boy, mas malaki ito. Itago mo,” saad ng dalaga. Ngunit tumanggi pa rin ang bata na kunin ito.
“Gusto mo ba ng mas malaking halaga?” alok ni Miriam. Nagulat siya sa sinagot ng bata.
“Hindi po, ate. Ang gusto ko po ay pagkain. Biskwit, kanin at ulam at saka inumin,” wika ng bata.
Nagpasya si Miriam na alukin ang bata na kumain silang dalawa sa isang malapit na karinderya. Agad namang sumama ang bata.
Pinaorder niya ito ng kaniyang mga gusto at hindi magkandaugaga ang bata sa pagtuturo. Tila gutom na gutom ito sa bilis ng pagkain nito.
“Ate, pwedeng bang ‘yung matitira dito ay balutin ko para may pagkain ako mamaya?” pakiusap ng bata.
Tumango naman si Miriam.
“Puwede ko bang malaman ang pangalan mo, boy?” tanong ng dalaga.
“Don-don po,” tugon ng bata.
“Don-don, napansin ko kasi na may mga nagbibigay sa’yo ng pera pero ayaw mong tanggapin. Bakit ba gusto mong ibinibigay lang sa’yo ay pagkain? Hindi mo ba alam na mas marami kang pagkaing mabibili kung iipunin mo ang mga perang binibigay nila? Para kung kinabukasang walang magbigay sa’yo ng pagkain ay may maitatabi ka pambili mo,” paliwanag ni Miriam sa bata.
“Ayoko po ng pera. Masama po ang pera!” saad ng bata.
“Hindi masama ang pera. Paano ka makakain kung wala kang pera? Paano ka makakapag-aral, makakabili ng pangangailangan, at higit sa lahat ay paano ka makakaalis sa lugar na ito kung wala kang pera?” patuloy na tanong ni Miriam.
Napatigil sa pagkain ang bata.
“Ayoko po ng pera kasi dahil po sa pera kaya po ako nandito sa lugar na ito,” malungkot nitong sambit.
“Iniwan po ng nanay ko ang tatay ko dahil sa pera. Nasawi sa sakit ang kapatid ko nang hindi bigyan ng lunas sa ospital dahil walang pera ang tatay ko. Nasawi rin ang tatay ko nang sinubukan niyang magdelihensya ng pera para mabuhay kami,” hindi na napigilan ni Don-don ang umiyak.
“Kaya hindi nyo po ako masisisi kung bakit ayaw ko po sa pera. Sinisisi ko po ang lahat sa pera kaya ganito ang buhay ko,” patuloy sa hinagpis ang bata.
Nahabag ang kalooban ni Miriam. Alam niyang sa ngayon ay wala pa siyang magagawa para tuluyang mabago ang buhay ng batang ito. Ngunit ayaw niyang manatili ang bata sa ganitong sitwasyon. Ulila na pala ito at gagala-gala na lamang sa kalsada.
Dahil naantig siya sa kwento ng bata ay agad niya itong inilapit sa kaniyang mga kakilala upang kahit paano ay matulungan, Isang nagmagandang loob na dalhin ang bata sa isang kumbento. At doon ay kinupkop ito ng mga pari.
Kinalinga siya ng mga ito. Pinag-aral at binigyan ng masisilungan. Mula noon ay hindi na kinailangan pa ni Don-don na makipagpatintero sa lansangan para lamang mabuhay. Dahil din dito ay nag-iba na ang pananaw ni Don-don sa pera. Hindi na siya lubusang nagagalit dito at ginamit niya ang kaniyang karanasan para lamang maiba ang kaniyang buhay.
Lubusan ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang Ate Miriam. Hindi akalain ni Miriam na ang isang araw na pagkahuli niya sa klase ay magdudulot pala ng malaking pagbabago sa buhay nilang dalawa.