
Tatlong Beses nang Nabyuda ang Ginang at Takot na Siyang Magmahal Muli; Kaya Niya Pa Kayang Buksan ang Puso sa Pagkakataong Ito?
Blanko ang isipan ni Glenda habang inililigpit niya ang mga damit at gamit ng kaniyang kakayao lamang na asawa. Hindi lubusang maisip ng ginang na sa ikatlong pagkakataon ay muli niyang mararanasan ang ganito.
Ang dalawa kasing dating asawa ng ginang ay sumakabilang buhay na rin. Ang una ay nasawi dahil sa isang malalang sakit at ang pangalawa nama’y dahil sa isang aksidente. Ngayon naman ang dahilan ng pagkasawi ng kaniyang kasalukuyang asawa ay ang lubusan nitong kabaitan.
Tinulungan kasi nito ang isang lalaki na nanakawan ng bag habang nakasakay sila sa dyip. Hinabol niya ito ngunit hindi alam ng ginoo na may patalim palang bitbit ang kawatan. Sinunggaban niya ng saksak ang butihing ginoo at doon na mismo binawian ng buhay.
Hindi akalain ni Glenda na ang tawag bago makasakay ng dyip ang kaniyang asawa ang magiging huling beses niyang maririnig ang boses ng mister.
“Bakit kasi kailangan mong maging matulungin, mahal? Nakatulong ka nga pero ako naman itong naiwang mag-isa at nangungulila sa’yo,” walang paglagyan ang lungkot ng ginang habang yakap ang damit ng asawa.
Magmula nang ilibing ang kaniyang mister ay hindi na nagawa pa ni Glenda na makisalamuha sa iba. Bukod kasi sa kalungkutang nararamdaman niya ay napapaisip na rin siya kung talaga bang malas siya sa pag-ibig.
“Lumabas ka naman ng bahay, Glenda. Tara at sumama ka sa amin,” paanyaya ng kaniyang kumareng si Sylvia.
“Wala akong gana, mars. Kayo na lang. Napapagod na ako sa buhay kong ito. Hindi ko alam kung bakit sa akin pa kailangan ito mangyari. Ganoon ba ako kasama? Bakit tila wala akong karapatang maging maligaya,” panlulumo ni Glenda.
“H’wag kang magsalita ng gan’yan, Glenda. May dahilan ang lahat. Magpakatatag ka,” tugon ng kaibigan.
“Paano ako magpapakatatag? Paano ako magsisimula? Ilang beses na ba nangyari sa akin ito? Akala ko sa pelikula lang nangyayari ang mga ganitong bagay,” walang tigil sa pagluha ang ginang.
“Hindi ko pa rin maintindihan ang nangyari, mars. Hanggang ngayon ay naguguluhan ako. Napapatanong ako. Bakit dahil sa kabutihan ng loob ng asawa ko kaya pa siya napahamak?” sambit ni Glenda.
“Naiisip ko pa rin hanggang ngayon kung kinausap ko pa kaya siya ng sandali at sa ibang dyip siya nakasakay. Hindi niya ma-iingkwentro ang ganong pangyayari. Hindi sana ay buhay pa siya ngayon at kasama ko,” walang tigil sa paghagulgol ang byuda.
Hindi na alam ni Sylvia kung paano aaluhin ang kaibigan kaya pinakinggan na lamang niya ito. Kahit anong pilit din naman niya na sumama si Glenda upang maaliw kahit panandalian ay malimit tumanggi ito. Kaya madalas na lamang niyang dalawin ang kaibigan sa bahay nito.
Isang araw ay nagpasya si Glenda na dalawin ang puntod ng kaniyang yumaong asawa. Dala ang bulaklak, suot ang itim na panluksang damit ay tinahak niya ang daan papunta sa kinahihimlayan ng kaniyang asawa.
Doon ay nakita niya ang isang lalaking nakatayo sa puntod at tila nagdadasal. Nang maaninagan ng lalaki na paparating na si Glenda ay agad ito umalis.
“Sino ka?” sigaw ni Glenda. “Bakit ka nagtitirik ng kandila sa puntod ng asawa ko?” dagdag pa niya.
Kahit na lubusang kahihiyan ang nararamdaman ng lalaki ay nilakasan niya ang loob na magpakilala sa byuda.
“P-pasensiya na at tila huli ako,” saad ng ginoo. “Ako nga pala si Allan. H’wag ka sanang magalit sa akin,” bwelta agad nito.
“Sino ka? Kaibigan ka b ang asawa ko? Bakit hindi kita kilala?” sunud-sunod na tanong ng ginang.
“Patawarin mo ako. Pero hindi ko rin inaasahan ang nangyari. B-bigla na lang tumakbo ang asawa mo, e,” natataranta nitong paliwanag.
“Sino ka nga?” galit na sigaw ni Glenda.
“A-ako ang lalaking nakasabay ng asawa mo sa dyip na kinuhaan ng mga snatcher ng gamit,” nakayuko nitong tugon.
Hindi na naiwasan pa ni Glenda ang tumulo ang luha. Kahit gusto niyang sisihin ang ginoo ay hindi niya magawa dahil alam niyang kahit sino pa man ang nasa ganong kalagayan ay alam niyang tutulungan pa rin ng kaniyang asawa.
“A-alam ko hindi ko na maibabalik ang buhay ng asawa mo. P-pero gusto kong bumawi sa’yo. Kahit ano, sabihin mo lang,” sambit ng lalaki.
“Tama ka, hindi mo na maibabalik ang buhay ng asawa ko kaya wala nang saysay ang sinasabi mo. ‘Yun lang naman ang gusto kong mangyari sa ngayon,” malungkot na saad ni Glenda sabay punas ng kaniyang luha.
Nais pa sanang magpaliwanag ni Allan kay Glenda ngunit alam nitong walang sasapat na salita upang maibsan ang kalungkutan ng byuda. Kaya naisip niya na maging kaibigan na lamang para dito. Pilit na tinanong ni Allan ang mga malalapit kay Glenda kung ano-ano ba ang mga ginawa ng dati nitong asawa para sa kaniya nang sa gayon ay gumaan ang loob nito.
Madalas magtungo si Allan sa bahay ng ginang upang ipagkumpuni ito. Madalas ay bigyan din niya ito ng bulaklak at kung pumupunta ng pamilihan ay madalas siyang sumasama rito.
Dito niya lubusang nakilala ang kabaitan din ng puso ni Glenda. At araw-araw na lumilipas ay nagiging malapit sila sa isa’t isa.
Hindi naglaon ay hindi na maitanggi ni Allan ang kaniyang nararamdaman sa ginang.
“Alam ko na kahit kailan ay hindi ko mapapalitan ang asawa mo pero gusto kong magdala ng bagong ligaya sa buhay mo,” saad ni Allan.
“Nagugustuhan na rin kita, Allan. Pero may problema ako. Ayaw kitang mapahamak,” wika ng ginang.
Inamin niya ang kaniyang nakaraan sa binata. Inilahad niya na ang kaniyang yumaong asawa ay pangatlo na sa mga asawa niyang binawian ng buhay.
“Malas ako sa pag-ibig, Allan. Lahat na lang ng mahal ko ay nawawala sa akin na parang may sumpa ako. Kaya hindi ko hahayaan na mangyari rin ito sa’yo. Marami pang ibang babae riyan, magmahal ka ng iba. Huwag na ako,” saad ni Glenda.
“Matagal ko nang alam ang tungkol sa nakaraan mo, Glenda. At sinasabi ko sa’yo na hindi ka malas. May mga bagay lang talaga sa buhay natin na hindi natin kayang ikontrol o ipaliwanag. Pero sana hindi ito maging dahilan ng pagtigil mong maniwala sa pagmamahal. Kung sa tingin mo ako naman ang mawawala sa’yo, mas pipiliin ko ang kahit katiting na panahon na iyon basta makasama at mapasaya lang kita– kahit hindi habambuhay,” pahayag ni Allan.
Takot man muling magmahal si Glenda ay pinatunayan ni Allan ang kaniyang tunay na pagmamahal sa byuda hangang mapapayag din ito. Dahil kay Allan ay muling naniwala ang ginang sa kapangyarihan ng pag-ibig. Hindi niya akalain na ang isang malungkot na pangyayari sa kaniyang buhay ang siyang magdadala sa kaniya sa tunay na kaligayahan.
At sa pagkakataong ito, nagsama ang dalawa ng matiwasay kasama ang kanilang mga anak hangang sila ay tuluyan ng tumanda.