Inday TrendingInday Trending
Ang Pinakamalupit Na Ganti Sa Bully

Ang Pinakamalupit Na Ganti Sa Bully

“Zach, ilang kilo na naman ba ng kaning baboy ang kinain mo at parang magigiba na naman itong cafeteria kapag naglalakad ka?”

Pang-iinsulto na naman ang ibinungad ng grupo nina Sandro kay Zach, habang sila ay nakapila sa cafeteria, lunch break nang araw na iyon. Napahinga nang malalim si Zach. Ito na naman kasi ang kaniyang kalbaryo.

“Pʼwede ba, Sandro, hindi ko naman kayo inaano kaya tigilan nʼyo na ako!” pangangahas niyang sagot sa kilalang bully ng kanilang eskuwela.

“Bakit, papalag ka na ba, ha taba?” nangingisi pang panghahamon nito sa kaniya.

Isa sa mga kasama nito ang nanghablot sa kaniyang bag na naging dahilan upang mapigtas ang isa sa mga strap niyon. Hagalpakan naman ang magbabarkada nang malaglag sa sahig ang kaniyang gamit.

“Balang araw, makakaganti rin ako sa inyo,” sa isip-isip ni Zach.

Naiiling na pinulot na lamang ni Zach ang kaniyang mga gamit bago siya nag-umpisang um-order. Paalis na sana siya sa pila nang mapansin niya ang isang lalaki na nilalaslas ang bag ng babaeng kasunod niya sa pila! Kinuha nito mula roon ang wallet at cellphone ng babae at inilagay iyon sa bag ni Sandro. Sina Sandro naman at ang mga kabarkada nito na siyang kasunod naman ng babae ay walang kamalay-malay dahil naghaharutan ang mga ito.

Sa takot ay minabuti na lamang ni Zach na manahimik. Ayaw niyang mapagbalingan ng galit dahil baka pati siya ay gawan ng masama ng lalaking may hawak na patalim. Tutal ay may CCTV naman doon at makikita naman ng mga ito ang tunay na salarin.

“Mga magnanakaw kayo!”

Maya-maya pa ay nagkaroon na ng komusyon sa cafeteria nang malaman na ng babae ang nangyari sa kaniyang bag.

“Anong kami? Hindi kami ang kumuha noʼn!” depensa naman nina Sandro.

“Kayo lang ang kasunod ko sa pila at kayo rin ang bunggo nang bunggo sa akin. Siguro, strategy nʼyo iyon ano?!” galit na galit ang babae kina Sandro. Kilala kasing bully ang mga ito kayaʼt siguro ay naghinala talaga itong sila nga ang may kagagawan ng pagkuha ng kaniyang gamit.

“Miss, huwag kang mambintang! Hindi kami ang gumawa niyan sa bag mo!” muli ay protesta ni Sandro, ngunit huli na ang lahat dahil may tunawag na pala ng mga guard upang dalhin sina Sandro sa office ng kanilang principal.

“Sir, wala po akong ginagawa. Pakitingnan po ang CCTV para malaman nʼyo!” naghuhumiyaw na sabi si Sandro.

“Walang CCTV footage dahil may sumira ng CCTV kaninang umaga. Sigurado akong kayo lang naman ang may lakas ng loob na gawin iyon!” saad ng guwardiya ng kanilang school.

“Ano?! Hindi po talaga kami ʼyon, sir! Maniwala naman kayo!”

Halos manlumo na ang mukha ni Sandro at ng mga kasamahan nito dahil ayaw silang paniwalaan ng kahit sino.

Dapat nga ay natutuwa si Zach sa mga nangyayari. Dapat nga ay pinagtatawanan niya ang mga ito! Ngunit bakit mas nakadarama siya ng awa? Bakit mas ginugulo siya ng konsensiya na dapat ay sabihin niya ang totoo upang hindi sila mapahamak?

Likas talaga ang kabutihan ni Zach… at sa palagay niya ay iyon na lamang ang kaniyang igaganti. Ang kabutihan ng puso niya ang kaniyang pinakamalupit na ganti sa bully.

“Sir,” tinawag ni Zach ang guwardiya ng kanilang esluwela. “Nakita ko po ang buong pangyayari… hindi po sila Sandro ang salarin,” sabi niya.

Ikinagulat iyon ng grupo ng mga bullies. Hindi nila inaasahang gagawin iyon ni Zach!

“Kung ganoʼn, sumama ka rin sa amin sa principalʼs office para makapagbigay ka ng statement.”

Tango lang ang isinagot ni Zach sa sinabi ng guwardiya.

Isiniwalat ni Zach ang kaniyang nakita simula sa umpisa na agad namang pinaniwalaan ng kanilang principal. Bukod kasi kay Zach ay may ilan ngang nakakita sa salarin na lumapit sa puwesto nila sa pilahan noon.

Napawalang sala sina Sandro at ang mga kabarkada nito na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin makapaniwalang tinulungan sila ng taong lagi nilang binubully.

“Patawarin mo kami, Zach. Maraming salamat sa pagtulong mo sa amin sa kabila ng mga nagawa naming masama sa ʼyo,” sabay-sabay na paghingi ng tawad ng magkakaibigan kay Zach.

Labis na hiya ang nararamdaman ng magbabarkada para kay Zach. Kulang na nga lang ay lumuhod sila at halikan ang paa nito, ngunit sadya talaga sigurong mabuti ang kalooban nito.

Agad naman silang pinatawad ni Zach. Dati pa man, iyon lang ang hinihintay niya. Ang paghingi ng tawad ng mga bullies na ito.

Nangako sina Sandro at ang kaniyang mga kaibigan na simula noon ay magbabago na at hinding-hindi na mang-aalipusta ng kapwa.

Advertisement