Inday TrendingInday Trending
Aksidenteng Pagkakabati

Aksidenteng Pagkakabati

Napatigil sa paghila sa kaniyang maleta si Criselda nang mamataan mula sa malayo ang isang pamilyar na mukha. Nasa airport si Criselda para sa kaniyang flight. Ngayon ang araw ng kaniyang business trip patungong Singapore. Makakasalubong niya ang dating kaibigan at ngayon ay mortal na kaaway na si Stephanie. May hila-hila rin itong maleta.

Kung nakamam*tay lamang ang mga titig, kanina pa bumulagta ang dalawa. Nagbabaga ang kanilang mga paningin para sa isa’t isa. Biglang nagningas ang alaala ng kahapon.

“Oh well, maganda na sana ang araw ko pero nakita kita,” parunggit ni Criselda kay Stephanie. Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan nito. Ngumiti ng tila nakaloloko si Stephanie.

“Dear, eh ‘di sana umalis ka sa daraanan ko para hindi mo ako makita. Hindi ko kasalanang napakaganda ko’t lahat ng atensyon ay nasa akin. Back off,” ganti ni Stephanie.

Isang matalim na sulyap pa ang itinapon nila sa isa’t isa bago sila naghiwalay at nagtungo sa kani-kanilang mga eroplano. Subalit tila pinaglalaruan sila ng tadhana. Magkatabi sila ng upuan! Dahil doon ay agad na tinawag ni Stephanie ang isa sa mga flight attendant.

“May possibility bang makapagpalit ako ng seat?” matimpi at kunwari’y nakangiting tanong ni Stephanie. Ayaw niyang mawala ang poise niya.

“Ma’am sorry po. Wala na po kasi tayong vacant seat as of the moment, unless may pumayag po sa ibang mga passengers,” magalang na tugon ng flight attendant.

Walang nagawa sina Criselda at Stephanie kundi tiisin ang isa’t-isa na magkatabi sila sa upuan.

Lumipad na nga ang kanilang eroplano. Habang nasa ere ito, napansin nilang parang hindi stable ang takbo ng sasakyang panghimpapawid. Hanggang sa magulat sila nang tumama ang isang matalim na kidlat sa isa sa mga pakpak ng eroplano. Isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap at naging napakabilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap, bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano sa dagat.

Nagising na lamang sina Criselda at Stephanie na sila ay nasa isang malawak na isla. Hindi nila alam kung saang bahagi ito ng Pilipinas. Walang ibang mga pasaherong napadpad sa naturang isla kundi silang dalawa lamang. Walang ibang gamit maliban sa maleta ni Criselda.

“A-anong nangyari? Nasaan tayo?” tanong ni Stephanie kay Criselda.

“Bumagsak ang eroplanong sinasakyan natin. Thank God at buhay ako,” sagot ni Criselda.

“Ang sabihin mo, bakit hindi ka pa kasamang nawala ng eroplanong bumagsak!” galit na sabi ni Stephanie.

“Teka lang, hindi ito ang tamang panahon para mag-away tayo. Kalimutan muna natin ang mga away natin. Kailangan nating makaligtas!” pakiusap ni Criselda kay Stephanie.

“Mag-isa ka! Hindi kita kailangan,” sabi ni Stephanie kay Criselda. Lumakad siya nang bahagya, subalit napahinto siya dahil masakit ang kaniyang kanang paa. Noon lamang niya napansing may malaking sugat pala siya rito.

Kinuha ni Criselda ang kaniyang maleta at inilabas ang kaniyang betadine, bulak at band aid.

“Halika’t gamutin natin iyan,” malamig na sabi ni Criselda kay Stephanie.

Nang una’y nagmatigas pa siya subalit wala namang mawawala kung aalisin muna niya ang kaniyang pride. Hinayaan ni Stephanie na gamutin siya ni Criselda.

Matapos linisin ang sugat at malagyan ng band aid, binigyan siya ng biscuit ni Criselda.

“Kailangang makaalis tayo rito sa lalong madaling panahon. Gagawa tayo ng paraan,” sabi ni Criselda kay Stephanie.

“Pero paano natin gagawin? Mukhang tayo lang ang narito,” tanong ni Stephanie sa kasama.

Hinalungkat ni Criselda ang laman ng kaniyang maleta. Puro make up kit, damit, first aid kit, ilang mga biscuit at chocolate, at iba pang personal na gamit ang naroon. Kumislap ang mga mata niya nang makita ang lighter na ginagamit niya sa paninigarilyo.

Naisipan nilang gumawa ng siga. Nangalap sila ng mga tuyong dahon at kahoy. Kailangang makagawa sila ng makapal na usok upang may makapansin sa kanila.

“Hanggang ngayon, sanay na sanay ka pa ring gumawa ng siga,” nasabi ni Stephanie kay Criselda. “Cowgirl ka pa rin. Para ka talagang girl scout. Laging handa.”

Bahagyang ngumiti si Criselda.

“Lagi naman akong handa. Handa na rin ako para pag-usapan yung mga nangyari noon. At sana magkapatawaran na tayo,” nasabi ni Criselda.

At pinag-usapan na nga nila ang naging dahilan ng kanilang pagkakagalit. Dahil lamang nagkagusto sila sa iisang lalaki na pareho lamang silang niloko. Pinasya nilang wakasan na ang kanilang hidwaan na kaya lamang lumaki ay dahil sa matagal na hindi pag-uusap.

“Siguro pinag-adya ng pagkakataong mangyari ito para maayos na natin ang pagkakagalit natin Steph,” sabi ni Criselda.

“Oo nga. Sang-ayon ako,” nasabi ni Criselda.

Nagyakap at nagkasundo ulit ang dalawa. Napagtanto nilang masyadong maiksi ang buhay upang patuloy na mamuhay nang may galit sa kapwa.

Maya-maya, isang helicopter ang nakapansin sa malaking usok na nilikha ng sigang ginawa nila kanina. Mga rescuers pala ito. Iniligtas nila ang dalawa at nakabalik sila sa kani-kanilang mga buhay, at ibinalik na rin nila ang dating pagkakaibigan na may dagdag na pagpapahalaga ngayon nang dahil sa kanilang mga natutunan mula sa naging karanasan.

Advertisement