Iniwan ng Lalaki ang Asawa at ang Kanilang Ampon; Hindi Niya Akalang Magtatagpong Muli ang Landas Nila sa Pinakamadilim na Parte ng Buhay Niya

Ilang araw nang iyak nang iyak si Aya. Naghihinagpis ito sa pagkawala ng kanilang isang taong gulang na anak na magmula nang ipanganak ay halos sa ospital na namalagi dahil sa sakit nito. Isang linggo na ang nakalilipas simula nang tuluyan nang sumuko ang katawan ng kanilang munting anghel at labis na sakit ang idinulot n’on sa mag-asawa. Ngunit alam ng lalaking si Wilbert na kailangan pa rin nilang magpatuloy sa buhay kaya naman pilit siyang nagpapakatatag para sa kaniyang asawa.

“Ano ang gagawin natin, Wilbert? Wala na ang anak natin! Siya na nga lang ang huling pag-asang magkakaanak pa ako, pero ngayon ay nawala pa siya! Paano na?!” Halos wala nang mailuha pa si Aya dahil sa sobrang pag-iyak kaya naman awang-awa na sa kaniya si Wilbert. “Wala na akong silbi bilang asawa mo, Wilbert! Isa na akong inutil!” dagdag pa nito kasabay ng mga titig ng malamlam at nangingitim nitong mga mata.

“Mahal, huwag mo ngang sabihin ’yan! Hindi pa naman katapusan ng mundo, hindi ba? P’wede pa tayong mag-ampon!” nabibigla tuloy na mungkahi niya at huli na para bawiin niya ang sinabi.

Ang totoo kasi ay ayaw ni Wilbert na mag-alaga sila ng batang hindi naman nila kadugo, ngunit nang makita niya ang biglang pag-aliwalas ng tingin ni Aya ay hindi na siya nakatanggi pa. Lalo na nang bigla siyang yakapin ng babae at halik-halikan sa pisngi sa sobrang tuwa nito sa kaniyang sinabi.

At ganoon na nga ang nangyari. Nag-ampon sila ng isang sanggol na lalaki na pinangalanan nilang Albert. Pinilit naman ni Wilbert na mahalin ang bata, ngunit talagang hindi niya maapuhap sa kaniyang puso ang simpatya para dito. Dahil doon ay nagsimula na ring lumayo ang loob niya sa kaniyang asawa, lalo na nang magsimulang mahati ang atensyon nito sa kaniya at sa batang iyon!

Lumipas ang apat na taon ngunit talagang walang pagmamahal na nabuo sa puso ni Wilbert para kay Albert. Hanggang sa may makilalang isang babae si Wilbert sa isang bar na kaniyang nakas*ping ng isang gabi lang, ngunit makalipas ang tatlong linggo’y muling bumalik sa kaniya at sinabing siya ang ama ng dinadala nito!

Sa sobrang tuwa ni Wilbert ay hindi na siya nag-isip pa at agad na nagdesisyon. Hindi na siya nag-isip pa at agad na iniwan ang asawang si Aya at ang ampon nilang si Albert. Nakipagtanan siya sa kaniyang babae at pinalaki ang anak niya rito, ngunit hindi niya akalaing sa paglipas ng taon ay pagsisisihan niya pala iyon.

Nalaman niya kasing hindi naman pala talaga siya ang tunay na ama ng batang pinalaki niya sa loob ng labing siyam na taon! Kaya pala hindi rin siya nakaramdam ng anumang koneksyon sa bata, ngunit dahil sa kasabikang magkaroon ng tunay na anak ay pinilit niyang paniwalain ang sarili sa isang kasinungalingang hindi naman pala totoo!

Advertisement

Sa huli ay iniwan din siya ng babaeng kinakasama at ng inaakala niyang anak, dahil bumalik na ang tunay na ama nito na isa palang mayamang negosyante sa ibang bansa! Ngayon ay wala nang pamilyang babalikan si Wilbert dahil nahihiya na siyang haraping muli si Aya dahil sa ginawa niya rito noon.

Hindi nagtagal, dala ng labis na kalungkutan ay nawalan ng pag-asa sa buhay si Wilbert. Iniwan niya ang kaniyang trabaho at inabuso niya ang katawan sa pamamagitan ng halos araw-araw na pag-inom at paninigarilyo na kalaunan ay nagbigay sa kaniya ng malubhang sakit.

Sa mga panahong iyon ay tinanggap na ni Wilbert ang kaniyang kapalaran. Handa na siyang harapin ang kaniyang huling hantungan nang mag-isa at walang karamay. Iniisip niyang kinakarma na siya sa kaniyang ginawang pang-iiwan sa mapagmahal niyang asawa na ngayon lang niya napagtatantong mahal niya pa rin hanggang ngayon, at sa anak nilang hindi man nila kadugo ay binuo naman ang kanilang pamilya—na kalaunan ay sinira niya rin.

Ngunit sa pinakamadilim na parteng iyon ng kaniyang buhay, hindi niya inaasahan na muli silang magkikita ng kaniyang asawa’t anak na noon ay kaniyang iniwan…

Nalaman niyang matagal na pala siyang hinahanap ng mga ito simula nang gumanda ang buhay nila dahil sa pagiging henyo ni Albert pagdating sa pagnenegosyo. Taos puso siyang tinanggap muli ng kaniyang mag-ina at ipinagamot siya sa pinakamagagaling na espesyalista. Pinatawad nila siya nang buong-buo na nagsilbing inspirasyon naman kay Wilbert upang magpatuloy sa paglaban.

Ngayon ay muli nang nabuo ang kanilang pamilya. Bumawi si Wilbert sa mga panahong sinayang niya. Ipinaramdam niya sa mga ito ang pagmamahal na noon ay hindi niya naibigay dahil sa pagiging makasarili niya, at ngayon ay nakamtan niya ang tunay na kaligayahan.