
Sabi ng Lalaking Ito, Hari raw Siya ng Kalsada dahil sa Laki ng Trak na Minamaneho Niya; Dito Siya Dadalhin ng Kayabangan Niya
Drayber ng isang pabrika ng semento ang padre de pamilyang si Toto. Mahigit kumulang tatlong taon na siyang nagtatrabaho rito dahilan upang kaniya nang magamay ang bawat sulok sa pagmamaneho ng isang malaking trak. Sa katunayan, kahit ilang sako pa ng semento ang karga ng trak na minamaneho niya, kaniya lamang itong minamani.
Paminsan pa nga, nagagawa niya pang makipag-usap sa kaniyang mga kaibigan sa selpon habang nagmamaneho. Sigurado kasi siyang hinding-hindi siya madidisgrasya dahil siya ang iniiwasan ng iba’t ibang sasakyan dahil sa laki ng trak na dala niya. Ito ang dahilan para ipagmalaki niya sa lahat na siya ang hari ng kalsada.
Ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin maiwasan ng kaniyang asawa na hindi mag-alala dahilan para halos araw-araw siya nitong paalalahanan na pumapasok at lumalabas lang din naman sa kaniyang tainga.
“Mahal, lagi kang mag-iingat sa pagmamaneho, ha? Hindi biro ang laki ng trak na minamaneho mo kaya kailangan mong magdoble ingat,” paalala nito sa kaniya, isang umaga bago ssiya pumasok sa trabaho habang siya ay pinaghahandaan nito ng babauning pagkain.
“Ang mahal ko talagang asawa, sobrang maaalalahanin! Ilang taon na akong drayber ng trak na iyon, dati nga, mas malaki pang trak ang minamaneho ko pero ni isang aksidente, wala akong naranasan! Kaya, huwag ka nang kabahan d’yan!” kumpiyansado niyang sagot habang umiindak-indak pa.
“Naku, paano ako hindi kakabahan? Kilalang-kilala kita pagdating sa kalsada! Hanggang may lulusutang espasyo, papasok ka!” sambit pa nito sabay palo sa likuran niya na lalo niyang ikinatawa.
“Mahal, sa motorsiklo ko lang ‘yon ginagawa! Syempre, hindi ko ‘yon pwedeng gawin kapag trak ang minamaneho ko. Para sabihin ko lang sa’yo, mahal, kapag trak ang gamit ko, para akong hari ng kalsada! Lahat ng sasakyang nakakasabay ko, nagbibigay daan para sa akin! Kaya, imposible talagang madisgrasya ako!” katwiran niya pa rito sabay kindat.
“Sana nga! Manalangin ka muna bago ka magmaneho, ha? Ingat ka! Uwian mo kami ng mainit na pandesal mamayang gabi!” bilin nito matapos iabot ang baon niya dahilan para siya’y agad nang humalik dito at umalis ng kanilang bahay.
Pagkarating na pagkarating niya sa pinagtatrabahuhang pabrika, agad na siyang pinaghatid ng humigit kumulang isang daang sako ng semento sa isang construction site.
Habang kinakarga ng ilan pang empleyado ang mga sako ng sementong dadalhin niya, siya’y kalmado lamang na nagselpon sa loob ng trak. Nakatanggap man siya ng mensahe sa asawa na siya’y muling pinapaalalahanang magdasal, hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagbabad sa social media.
Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan nga siyang umarangkada sa kalsada. Katulad ng inaasahan niya, muli na naman siyang binibigyan ng daan ng ilang motorista sa kalsada dahilan para mapabilis ang biyahe niya.
Ngunit, hindi niya lubos akalaing ang pagdadalhan niya pala ng mga semento ay nasa tagong lugar. Kinakailangan niya pang dumaan sa isang makipot na kalsada na saktong-sakto lang sa dala niyang trak.
“Kaya naman siguro ‘to, tatabi naman ‘yang mga taong ‘yan kapag nakita akong papalapit,” sabi niya sa sarili nang makitang mataong kalsada ang kaniyang dadaanan.
Kagaya ng sabi niya, nang mapansin nga ng mga tao ang malaking trak na minamaneho niya, nagsitabihan nga ang mga ito. May iba pa ngang natarantang pumasok sa kani-kanilang bahay habang ang ibang sasakyang pasalubong sa kaniya, biglang nag-atrasan.
“O, ‘di ba? Hari talaga ako ng kalsada!” masaya niyang sabi saka niya mabilis na pinaandar ang sasakyan.
Kaya lang, habang patawa-tawa siyang nagmamaneho, bigla na lang siyang nakaramdam ng bahagyang pag-angat sa kaliwang gulong ng trak. Hindi na niya sana ito papansinin kaya lang nakita niyang nagtakbuhan ang mga tao pasalubong sa kaniya dahilan para siya’y mabilis na magpreno.
“Nakasag*sa ka ng bata!” sigaw sa kaniya ng isang matanda kaya siya’y agad na sumilip sa kaliwang bintana at halos mapasuka siya nang makitang labas ang laman loob ng batang pilit na binubuhat ng inang umiiyak.
Batay sa kwento ng mga taong nakasaksi, nakaupo pala sa tapat ng kanilang tindahan ang naturang bata na agad na natakot nang siya’y makita. Papasok pa lang sana ito ng kanilang bahay nang bigla niya itong masag*saan dahil sa mabilis niyang pagpapatakbo.
Hinang-hina siyang naghintay ng mga pulis sa loob ng trak na iyon. Nang matapos ang imbestigasyon ng mga pulis, napag-alamanan nang siya ang may kasalanan sa insidenteng ito.
Halos mabaliw ang kaniyang asawa nang malaman ito. Kahit na sa presinto na sila nagkita nito, todo hagulgol pa rin ito sa harap ng mga pulis.
“Sabi ko sa’yo, mag-ingat ka! Hindi lang ‘yon para sa sarili mong kapakanan, para rin ‘yon sa mga taong makakasalubong mo sa kalsada, Toto!” sigaw nito sa kaniya na lalo niyang ikinaiyak at ikinakonsensya.
Wala man siyang magawa upang maibalik ang buhay ng walang muwang na bata, sa unang pagkakataon, siya’y nanalangin upang humingi ng tawad at pagsisihan ang kaniyang kayabangan sa kalsada.
“Pangako po, paglabas ko rito, magiging maingat na ako,” hikbi niya habang binibilang ang mga araw ng pagdudusa niya sa kulungan.