
Pilit Itinatago ng Nobyo ng Dalagang Ito ang Kanilang Relasyon, Halos Mabaliw Siya nang Malaman ang Tunay na Dahilan
Magdadalawang taon nang may tagong relasyon ang dalagang si Naldin sa isang binatang kaniyang nakilala sa isang restawran. Serbidor doon ang naturang binata habang siya naman ay suki roon dahil bukod sa mura na ang pagkaing hinahanda roon, malapit pa ito sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya.
Kahit pa gustong-gusto niya nang ipakilala ang naturang binata sa kaniyang buong pamilya, lalo na sa kapatid niyang malapit na malapit sa kaniya, palagi siya nitong pinipigilan at tinatakot na hihiwalayan kapag sinabi niya sa iba ang relasyon nilang dalawa.
Katwiran pa nito, “Bakit pa kailangang malaman ng iba ang relasyon natin? Ang importante, mahal kita at mahal mo ako. Ayoko ring humarap sa pamilya mo na isa lang akong waiter. Gusto ko, haharap ako sa kanila kapag mayaman na ako katulad niyo,” dahilan para sang-ayunan niya ito sa kagustuhan nito.
Wala rin ni isang litrato ito sa selpon niya dahil napaka-ilap nito sa kamera kaya wala rin siyang maipakitang larawan sa kaniyang bunsong kapatid na ngayo’y naunahan pa siyang magpakilala ng nobyo sa kanilang pamilya.
“Hanggang ngayon, ate, hindi pa rin ako makapaniwalang sa wakas, may nobyo na ako!” masayang sabi nito habang nilalagyan niya itong make-up, ilang minuto bago ito makipagkita sa bagong tagpong binata.
“Oo nga, eh, sobrang saya ko para sa’yo, bunso. Sana alagaan ka niyang mabuti at huwag ka niyang pabayaan. Basta, kapag sinaktan o kahit inaway ka lang no’n, isumbong mo agad sa akin, ha? Malalagot ‘yon sa akin!” sabi niya rtio habang patuloy na naglalagay ng mga kolorete sa mukha ng dalaga.
“Mahal na mahal mo talaga ako, ate, ‘no? Hayaan mo, yayayain ko siyang magpunta rito mamaya pagkatapos naming kumain sa labas! Ka-edad mo ‘yon, ate, siguradong magkakasundo kayo!” masigla pa nitong sabi na labis niyang ikinangiti.
“Ayan, magandang ideya ‘yan para makilala ko ‘yan nang husto! Dapat, ipagmalaki ka niya, hindi katulad ng nobyo kong gusto lang ng patagong relasyon!” tugon niya dahilan para bahagya itong mapasimangot.
“Sabi ko naman sa’yo, ate, hiwalayan mo na ‘yan, eh! Marami pang lalaki riyan sa tabi-tabi na kayang-kaya kang ipagmalaki!” payo nito sa kaniya habang iiling-iling.
“Bunso, ilang beses ko bang sinasabi sa’yo na mahal na mahal ko ‘yon kaya hindi ko kayang iwan ‘yon. Hayaan mo, kukumbinsihin ko siyang magpunta rito o kahit magpadala ng litrato sa akin para makilala mo siya,” katwiran niya na agad naman nitong sinang-ayunan upang matapos na ang kanilang usapan na paulit-ulit na lamang.
Matapos niya itong lagyan ng make-up, agad na rin itong naghandang umalis. Kaya lang, biglang bumuhos ang ulan dahilan para siya’y magpasiyang ihatid na ito sa mall kung saan nito kikitain ang binatang nobyo.
Wala pang kalahating oras, agad na niyang naihatid ang kapatid sa mall at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makita kung gaano kamaginoo ang nobyo nito. Bumeso pa nga ito sa kaniya saka siya inabutan ng bulaklak na katulad sa kapatid niya.
“Ang sweet mo naman! Ingatan mo ang kapatid ko, ha?” sambit niya rito, ngunit pagkaalis na pagkaalis ng kapatid niya at ng nobyo nito, naagaw ng isang lalaking may kargang bata ang atensyon niya at siya’y halos mapaupo sa semento nang mapagtantong ito ang kasintahan niya.
Maya maya pa, may sumunod pa ritong babae na agad na kumuyabit sa kamay nito. Naisipan niya itong tawagan at halos tumigil ang tibok ng puso niya nang sagutin nito ang tawag at sabihing, “Ano ba? Alam mo namang nasa trabaho ako, tawag ka nang tawag!”
“Pagiging tatay na ba ang trabaho mo ngayon? Bakit hindi mo naman ako sinabihan?” mangiyakngiyak niyang tanong habang pinagmamasdan ang nobyong palinga-linga sa paligid.
Doon na siya nagpasiyang sumakay sa kaniyang kotse at doon humagulgol.
“Kaya pala! Kaya pala ayaw mong ipapaalam ko sa iba ang relasyon natin dahil may pamilya ka na!” sigaw niya habang nagdadabog sa kaniyang sasakyan.
Dito niya na labis na napagtantong ang isang lalaking hindi siya kayang ipagmalaki ay isang lalaking walang intensyon na makasama siya habang buhay.
Hirap man siyang magmahal muli at kumilos nang normal dahil sa bigat na nararamdaman, pinili niyang magpatuloy sa buhay sa tulong ng kapatid niyang palagi siyang inaalalayan. Paminsan pa nga’y sinasama siya nito sa mga paggagala kasama ang nobyo dahilan upang siya’y bahagyang makalimot kahit paunti-unti.
“Tandaan mo, ate, siya ang nawalan, hindi ikaw. Makakatagpo ka rin ng lalaking kaya kang ipagsigawan sa buong mundo dahil ikaw lang ang minamahal niya,” payo pa nito sa kaniya nang minsan na naman siyang umiyak sa harap nito.