Inday TrendingInday Trending
Tinanggap ng Binatang Ito ang Alok ng Mayamang Pamilya na Maging Saksi; Kaibigan Niya nga ba Talaga ang may Sala?

Tinanggap ng Binatang Ito ang Alok ng Mayamang Pamilya na Maging Saksi; Kaibigan Niya nga ba Talaga ang may Sala?

Ilang araw nang pinag-iisipan ng binatang si Lando ang malaking alok na pera ng isang mayamang pamilya sa kaniya kapalit ng pagiging saksi niya sa isang krim*ng hindi naman ginawa ng kaniyang matalik na kaibigan. Kitang-kita niya sa kaniyang dalawang mga mata na malinis ang kamay ng kaniyang kaibigan sa nangyaring krim*n sa harapan nilang dalawa.

Araw ng Lunes noon, naglalakad silang dalawang magkaibigan patungo sa isang mall upang mag-apply ng trabaho. Kaya lang, bago pa sila makasakay ng bus, may isang lalaking bumaba ng sasakyan at pinagsasaks*k ang isang tricycle drayber na nakatambay mag-isa sa gilid ng kalsada.

Bago pa sila makatakbo dalawa, iniabot ng kawatan sa kaniyang kaibigan ang naturang kutsilyo at ito ang tinurong salarin nang dumating na ang mga pulis.

Sa sobrang pagkabigla niya sa nasaksihang pangyayari, hindi niya magawang makapagsalita sa harap ng mga pulis upang mapagtanggol ang kaibigan dahilan para siya’y ilagay muna ng mga pulis sa isang silid upang magpahinga.

Dito na siya walang sawang kinontak ng mga tauhan ng isang mayamang pamilya para tuluyang makulong ang kaibigan niyang kaaway ng mga ito dahil sa lupa sa probinsya.

Panakot pa ng mga ito, “Kung hindi ka papayag, pati ikaw, sasabihin naming kasabwat at tuluyan mong hindi mapapagamot ang kawawa mong nanay.” dahilan para siya’y tuluyan na ring bumigay sa alok nito na labis na ikinagalit ng isa pa nilang kababata nang kaniya itong ikwento.

“Sigurado ka na ba talaga, Lando, na aanib ka sa pamilyang kalaban ng matalik nating kababata? Magpapanggap ka talagang saksi sa isang krim*ng hindi niya naman ginawa para lang sa pera?” pang-uusisa nito sa kaniya habang siya ay tulalang humihithit ng sigarilyo sa kanilang tambayan.

“Kung ikaw ba ang nasa sitwasyon ko, hindi ka kakagat sa isang oportunidad na makapagpapabago ng buhay mo?” sagot niya habang nakatitig nang masama sa kaibigang nag-aalala.

“Hindi! Lalo na kung may magdudusa sa desisyon kong iyon! May trabaho naman ako, eh, kayang-kaya…” sagot nito na agad niya ring pinutol.

“O, diba, magkaiba kasi ang sitwasyon natin sa buhay kaya hindi ka kakagat sa ganoong oportunidad! Jose, kapag hindi ko tinanggap ang alok na ‘yon, mawawala na lang ang nanay ko sa mundong ito nang hindi ko man lang napapatingin sa ospital!” galit niyang sigaw dito habang dinuduro-duro.

“Magtrabaho ka kasi nang marangal!” payo nito sa kaniya na lalo niyang ikinagalit.

“Kung hindi mo ako naiintindihan, manahimik ka na lang!” bulyaw niya rito.

“Hinding-hindi talaga kita maiintindihan dahil mali ang ginagawa mo! Sana patulugin ka ng konsensya mo!” sigaw din nito sa kaniya dahilan para kaniya itong masapok. Tumingin lang ito nang masama sa kaniya saka siya dinuraan at nilayasan.

Kahit pa ganoon na ang naging usapan nila ng isa niya pang kaibigan, itinuloy niya pa rin ang umanib sa mayamang pamilyang may galit sa kaibigan niyang pangkasalukuyan nang nasa kamay ng mga pulis. Katulad ng kanilang napag-usapan, siya ay humarap sa korte bilang saksi sa nangyari. Gumawa pa siya ng kwento upang tuluyang makulong ang kaniyang kaibigan.

Kitang-kita man niya ang hindi makapaniwalang mukha ng kaibigan niyang bugb*g sarado na sa kulungan, nagtuloy-tuloy pa rin siya sa paggawa ng kwento na sinuportahan pa ng mga gawa-gawang ebidensya ng abogado ng pamilya ng tricycle drayber na binayaran din ng mayamang pamilya.

Dahil doon, tuluyan ngang nasintensiyahan ng ilang taong pagkakakulong ang kaniyang kaibigan. Natanggap niya na rin ang humigit kumulang tatlong milyong pisong bayad ng mayamang pamilya sa kaniya na agad niyang ginamit sa pagpapagamot ng kaniyang ina.

Ngunit kahit pa napaopera niya na at bumalik na ang lakas ng kaniyang ina, ramdam na ramdam niya pa rin ang bigat na naninirahan sa puso niya. Hindi siya nito pinapatulog sa gabi, wala siyang gana kumain, at kung minsan pa, napapaginipan niya ang hirap na dinaranas ng kaibigan sa kulungan na labis na nagbibigay ng pangongonsenya sa kaniya.

Lalo pang umiigting ang pangongonsenyang nararamdaman niya tuwing makikita niya ang kaibigang si Jose na hanggang ngayon, hindi siya kinikibo. Pilit man siyang humingi ng tawad dito, isa lang ang palagi nitong sinasabi, “Mapapatawad lang kita kapag nasa tama na ang pag-iisip mo,” saka na naman siya muling dinuraan nito.

Dahil nga wala na siyang makausap ni isang kaibigan, kung anu-ano na lang ang pumapasok sa isip niya hanggang sa mapagtanto niyang kung hindi niya itatama ang maling ginawa, hindi matitigil ang utak niya.

Dito na siya nagpasiyang muling dumulog sa mga pulis at inuwi sa probinsya ang ina upang may mag-alaga. Alam man niyang maaari siyang makulong sa pagsisinungaling sa korte, hindi na niya ito naisip. Ang tanging nais niya lang, matahimik na ang kaniyang pag-iisip.

Binigay niya sa mga pulis ang lahat ng dokumentong iniabot sa kaniya ng mayamang pamilya, pinakita niya rin ang mga mensaheng pinadala ng mga ito na puro pagbabanta, at ang natitira pang pera sa malaking halagang bigay ng mga ito.

Dahil doon, muling nabuksan ang kaso ng kaniyang kaibigan hanggang sa tuluyan na ngang lumitaw ang katotohanan.

Napawalang sala na nga ang kaniyang kaibigan ngunit siya naman ang pumalit sa selda nito. Kahit pa ganoon, sa unang pagkakataon, siya’y nakaramdam ng kaluwagan sa pakiramdam.

“Mabuti na ‘to, kaysa magdusa ang kaibigan kong wala namang ginawang masama. Lilipas din naman ang panahon, mabilis lang ang tatlong taon,” sabi niya habang nakatanaw sa maliit na bintana ng selda.

Advertisement