Inday TrendingInday Trending
Nakahanap ng Kaibigan ang Binata sa Katauhan ng Isang Aleng Kaniyang Nakilala; Isang Katotohanan ang Sasambulat sa Kaniya

Nakahanap ng Kaibigan ang Binata sa Katauhan ng Isang Aleng Kaniyang Nakilala; Isang Katotohanan ang Sasambulat sa Kaniya

“Kurt, ano na naman itong gulong pinasok mo? Nakakahiya sa principal at sa ilang guro dahil kapita-pitagan sa eskwelahang pinapasukan mo ang lolo mo, tapos ay nakikipagbasag ulo ka lang! Talaga bang wala ka nang gagawing matino?” galit na sambit ng amang si Samuel.

“Hindi naman po talaga ako ang nauna, ‘pa. Pinagtanggol ko lang ang sarili ko. Hindi naman p’wedeng agrabyado ako. Ano na lang sasabihin mo kung uuwi ako dito ng sugatan, ‘di ba? Sasabihin n’yo na naman sa akin na lampa ako! Mabuti lang sa kanila ang napala nila dahil ayaw nila akong tigilan,” pabalang na sagot naman ng binata.

“Tigilan mo na ang pagpasok mo sa gulo, Kurt. Kung hindi ay ipadadala kita sa probinsya para maranasan mo ang hirap ng buhay. O mas malala, patitigilin kita sa pag-aaral! Huwag mong sagarin ang pasensya ko!” dagdag pa ng ama.

Noon pa man ay kulang na sa atensyon ang binatang si Kurt. Hindi na nga niya kapiling ang ina dahil nilisan na siya nito upang sumama raw sa ibang lalaki. Maging ang ama niya ay nag-asawa na ng iba at napapansin na lang siya kung nagkakamali. Kaya naman palaging nasasangkot siya sa mga away at gulo sa paaralan. Kilala pa naman ang kanilang pamilya dahil isa sa mga board members ang kaniyang lolo.

Pinag-isipang mabuti ni Kurt ang kaniyang ginawa. Sa totoo lang ay nahihiya na rin siya sa kaniyang ama. Ngunit ang nais lang naman niyang sabihin talaga’y kailangan ng taong aagapay sa kaniya. Mas higit kailanman ay kailangan niya ng magulang ngayon.

Napagtanto niyang mali ang kaniyang ginawa kaya naman napagdesisyunan niyang puntahan ang ama sa silid nito upang humingi ng tawad, ngunit hindi niya sinasadyang marinig ang pag-uusap nito at ng bagong asawa.

“Huwag nang mainit ang ulo mo, Samuel. Ganyan talaga ang mga binata, matitigas ang ulo. Dumaan ka rin sa ganiyan,” saad ni Carmela.

“Palibhasa ay dugo ng ina niya ang nananalaytay sa batang iyan kaya walang magawang mabuti. Wala nang dinala sa akin kung hindi kahihiyan at init ng ulo. Dapat d’yan ay sinama na ng ina niya nang wala na akong problema, e!” sambit naman ni Samuel.

“Nasaan na ba kasi ang nanay niya? Ipadala mo na lang kaya doon? Baka sakaling maging maayos siya, ‘di ba? Saka isa pa, para masolo na rin kita at tuluyan na tayong makagawa ng sarili nating pamilya,” muling saad ng ginang.

“Iyan ay kung mapapangako mong mabibigyan mo ako ng anak na ipagmamalaki ko,” saad muli ng ginoo.

Napayuko si Kurt sa kaniyang narinig. Nasaktan siya dahil pakiramdam niya’y hindi talaga siya mahal ng kaniyang ama.

Kinabukasan ay walang ganang pumasok sa paaralan ang binata. Inaya niya ang mga kaibigan para mag-cutting classes.

“H’wag na tayong pumasok dahil wala rin namang pumapasok sa isip natin, e! Uminom na lang tayo ng alak at maglaro ng bilyar!” paanyaya ng binata.

Tinanggihan siya ng mga kaibigan dahil kailangan nilang pumasok. Kinausap na rin daw kasi sila ng mga magulang nila na huwag nang sumama sa kaniya dahil mapapahamak lang sila.

“E, ‘di huwag kayong sumama! Makakaalis pa rin naman ako kahit wala kayo. Hindi ko kayo kailangan!” sigaw ni Kurt.

Isa-isang pumasok na sa paaralan ang mga binata at naiwan na lang sa may kanto ng eskinita si Kurt. Labis ang sama ng kaniyang loob at hindi na niya alam ang gagawin. Maglalasing na sana siya nang makabangga niya ang isang babaeng may talukbong ang ulo.

“Pasensya ka na, hijo. Hindi ko sinasadya,” saad ng ginang.

“Pasensya na rin po at hindi ako tumitingin sa nilalakaran ko,” wika naman ng binata.

“Mukhang malalim nga ang iniisip mo, hijo. Gusto mo bang ikwento? Ang sabi pa naman nila’y mas madaling magkwento sa isang estranghero,” dagdag pa ng babae.

“W-wala naman po. ‘Di bale na lang po at problema ko na ito. Pasensya na po ulit sa inyo, ginang. Aalis na po ako,” sambit pa ni Kurt.

“Kung gusto mo ng makakausap na hindi huhusga sa iyo ay narito lang ako. Alam mo, naaalala ko sa iyo ang anak ko. Sana’y mawala na ang dinadala mong mabigat diyan sa dibdib mo,” saad pa ng ale.

Napatigil si Kurt sa kaniyang paglalakad. Sa unang pagkakataon ay gumanda ang kaniyang pakiramdam. Marahil ay dahil sa sinabi ng ale na naaalala nito ang anak nito sa kaniya, at siguro rin ay matindi ang pagnanais niya ngayon na sabihin sa kaniyang mga magulang ang kaniyang pinagdadaanan.

Binalikan ni Kurt ang ale at saka niya ito niyaya na kumain sa isang malapit na restawran.

“Nakakahiya naman kung makikita ka ng ibang tao na may kasamang may edad na babae na tulad ko. May masarap na turon sa kabilang eskinita. May alam din akong magandang lugar sa parke na p’wede tayong magkuwentuhan,” saad naman ng babae.

Sa parke ay pinagsaluhan nga ng dalawa ang binili nilang pagkain. Inumpisahan na ni Kurt na magkwento tungkol sa nararamdaman niya tungkol sa ama.

“Nag-asawa lang siya ng bago ay wala na talaga siyang pagtingin sa akin. Kahit katiting na pag-aalala ay wala na. Lagi na lang siyang nagagalit sa akin! Lagi na lang mali ang nakikita niya!” paglalabas ni Kurt ng sama ng loob.

“N-nasaan na ba ang nanay mo, hijo?” tanong ng babae.

“Naku, huwag na po nating pag-usapan ang babaeng iyon. Simula sanggol pa lang ako ay iniwan na niya ako dahil sa ibang lalaki. Hindi ako mahalaga sa kaniya kaya ni dulo ng kaniyang kuko ay ayaw kong makita. Huwag na po natin siyang pag-usapan!” tugon nito.

Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay parang guminhawa ang pakiramdam ni Kurt. Masarap din pala sa pakiramdam ang may nasasabihan ng problema.

“Dahil po sa inyo, Manang Tinay, ay parang may magulang na rin ako. Hindi na masyadong sumasama ang loob ko sa papa ko. Mabuti na lang po talaga at nakilala ko kayo,” saad ni Kurt.

“Basta, Kurt, ayusin mo ang buhay mo. Tama naman ang papa mo, iwasan mo ang mga gulo. Isa pa, hindi tama ang nakikipag-away. Wala itong magandang idudulot. Baka mapahamak ka pa,” sambit ng ginang.

Sa araw-araw na pagkikita at pag-uusap ng dalawa ay talagang napalapit na ang loob ni Kurt dito. Pagkatapos lagi ng klase ay palagi niyang kinikita ito sa parke.

“Sana kayo na lang po ang naging nanay ko, Manang Tinay. Ang sarap palang may magulang na umiintindi sa’yo,” saad ng binata.

“Hindi ako naniniwala na hindi ka mahal ng nanay mo, Kurt, walang magulang na hindi mahal ang anak. Siguro ay may dahilan siya kung bakit siya lumisan. Sana ay mabigyan pa kayo ng pagkakataon para makapagpaliwanag naman siya sa iyo at makabawi,” wika ni Tinay.

“Wala na talaga akong pakialam sa taong iyon. Hindi ako naniniwala na mahal niya ako. Kasi kung totoong mahal niya ako’y hindi niya ako iiwan basta na lang. Wala siyang kwenta! Wala siyang kasing sama! Sana ay hindi na lang siya ang naging nanay ko!” aniya, masama pa rin ang loob.

Makalipas ang ilang minuto ay nagulat si Kurt nang makita ang ama sa kaniyang harapan.

“Hoy babae, layuan mo ang anak ko! Kurt, tara na at uuwi na tayo! Ayaw kong nakikipag-usap ka sa babaeng iyan!” galit na sambit ni Samuel.

“Pero, ‘pa, wala naman pong ginagawang masama si Manang Tinay. Sa katunayan nga po ay malaki ang naitulong niya sa akin. Kaibigan ko po siya,” sagot ng binata.

“Gusto mo bang malaman kung sino talaga ang kaharap mo? Walang iba kung hindi ang magaling mong ina! Tingnan mo nga ang kalagayan niya. Malamang ko kaya lumalapit ‘yan sa iyo dahil naghihirap na ang buhay niya!” sambit pa ng ama.

Natulala na lang bigla si Kurt. Ang taong kaniyang kinamumuhian ay siya palang nasa kaniyang harapan at laging kausap.

“I-ikaw ba talaga ang mama ko? Itong buong panahon na nagkikita at nag-uusap tayo ay wala ka man lang balak sabihin sa akin ang totoo? Niloloko mo na naman ako! Lumayo ka sa akin! Kumukulo ang dugo ko sa iyo! Wala kang kwentang tao!” bulyaw ni Kurt sa ina.

“S-sandali, Kurt, hayaan mo naman akong magpaliwanag. May dahilan kung bakit ako nagbalik. May dahilan ako bakit hindi ko kaagad sinabi sa iyo ang totoo. Parang awa mo na, anak, pakinggan mo naman ako kahit ngayon lang!” pagmamakaawa ng ginang.

Ngunit hindi na nga siya pinakinggan pa ni Kurt at sumama na sa ama na umuwi ng bahay. Naiwan sa parke na luhaan si Tinay.

Lumipas ang mga araw at tuluyan nang nilayuan ni Kurt ang ina. May mga pagkakataong pinupuntahan siya nito sa eskwela pero agad din niya itong tinataboy. Hanggang sa isang araw ay hindi na lang ito nagpakita nang tuluyan.

Limang buwan din ang nagdaan ngunit hindi pa rin maiwasan ni Kurt na isipin ang mga sandaling nag-uusap sila ng ina. May mga pagkakataong namimiss niya talaga ito. Ngunit nauunahan pa rin siya ng galit.

Isang araw ay napansin ng tiyahing si Glenda na malungkot ang binata.

“Ayos ka lang ba? Hanggang ngayon ay iniisip mo pa rin ang nanay mo, ano? Kurt, patawarin mo ako, a. Pero matagal ko na dapat sinabi ito sa iyo. Dapat ay hindi ako nanahimik,” wika ng ginang.

“Lumayo ang ina mo dahil pinagtabuyan siya ng ama mo. Nahumaling kasi sa isang babae ang papa mo dati at nabilog ang kaniyang ulo. Pilit kang kinukuha ng nanay mo pero hindi ka ibinigay. Ilang beses ka niyang binalikan pero hindi pa rin siya nagtagumpay. Tinakot siya ng papa mo na sasaktan ka kung patuloy pa rin ang paglapit sa iyo,” dagdag pa ni Glenda.

“Ibig n’yo po bang sabihin, tiya, buong buhay ko ay pinaniwala lang ako ni papa sa lahat ng kasinungalingan niya? Mahal ako ng nanay ko! Mahal talaga niya ako!” nangingilid ang luha ni Kurt.

Agad siyang tumakbo patungo sa parke kung saan sila laging nagkikita dati ng ina. Pilit niya itong hinanap. Gulung-gulo na ang kaniyang isip dahil sa lahat ng pangyayari ngunit nawalan na siya ng pag-asa na makita pa niya ito dahil sa kaniyang mga nasabi noon.

Isang lalaki ang lumapit sa kaniya habang siya ay naghahanap.

“Ikaw ang anak ni Tinay, ‘di ba? Alam mo bang bata ka pa lang ay balik na siya nang balik sa lugar na ito para lang makita ka? Noon nga ay hindi ako naniniwala kapag sinasabi niyang anak ka niya. Ang sabi niya sa akin ay isang araw ay magpapakilala siya sa iyo pero humahanap lang siya ng tiyempo. Inabot na siya ng isang dekada kakahintay. Kaya nga masaya rin ako para sa kaniya nang makita ko kayong nagkakausap. Kaso nang malaman mo ang totoo’y pinagtabuyan mo siya at nilayuan. Sayang, hijo. Sinayang mo ang panahon,” wika ng lalaki.

“Nasaan na po ba ang nanay ko? Gusto ko siyang makita at makausap! Ituro n’yo naman kung nasaan siya, parang awa n’yo na at pupuntahan ko kaagad siya!” saad pa ng binata.

“Huli na ang lahat, hijo. Dalawang buwan na ang nakalilipas nang sumakabilang buhay ang nanay mo. Matagal na kasi siyang nakikipaglaban sa karamdaman. Binawian siya ng buhay nang mag-isa,” kwento pa ng lalaki.

Napaluhod sa labis na pagsisisi si Kurt. Lubos siyang nagdadalamhati sa sinapit ng relasyon nila ng ina. Sobra ang kaniyang panghihinayang sa panahong kaniyang sinayang. Ngayon ay wala nang pagkakataon upang makausap at makasama niyang muli ang ina.

Patuloy ang pagluha ng binata habang naaalala niya ang masasayang sandali na kasama niya ang inang si Tinay. Ngayon ay napatunayan na niyang tunay siyang mahal ng kaniyang ina.

Nais sanang magalit ni Kurt sa kaniyang ama dahil sa paglilihim sa kaniya ngunit naalala niya ang bilin ng kaniyang ina na pakawalan na ang lahat ng galit sa kaniyang puso. Nanghihinayang man sa nasayang na panahon ay nagpapasalamat pa rin si Kurt sa mga oras na magkapiling sila ng ina at masayang nagkukwentuhan. Gagamitin niyang inspirasyon ang kaniyang ina upang patuloy na lumaban sa buhay. Itutuwid na niya ang baluktot na landas na kaniyang tinatahak upang mapangiti ang ina mula sa langit.

Advertisement