Inday TrendingInday Trending
Isang Surpresa ang Inihanda ng Binata para sa Kaniyang Ina; Imbes na Matuwa ay Napuno pa Ito Lalo ng Kalungkutan at Pangungulila

Isang Surpresa ang Inihanda ng Binata para sa Kaniyang Ina; Imbes na Matuwa ay Napuno pa Ito Lalo ng Kalungkutan at Pangungulila

Nararamdaman kong masama ang pakiramdam ni nanay ng mga sandaling iyon dahil hindi siya makabangon. Ilang araw na rin kasi siyang hindi makatulog nang maayos. Parang hinihintay na lang niya ang katawan niyang mapagod hanggang sa dalawin na siya ng antok. Kaya naman kapag nakikita ko siyang tulog ay hinahayaan ko na lang siya. Sa ganitong pagkakataon kasi ay parang payapa ang kaniyang isip.

Malapit na ang araw ng mga ina at hindi na ako makapaghintay sa surpresang inihanda ko sa kaniya. Tiyak akong kapag nakita niya ito’y mapapatalon ang puso niya sa galak. Siguradong ang lahat ng mabigat na nararamdaman niya’y mawawala kahit pansamantala lang.

Hindi rin naging madali ang buhay ni nanay. Nakailang asawa na rin siya. Hindi ko nga alam kung bakit pinagsisiksikan pa niya ang sarili niya sa ibang lalaki simula nang iwan siya ni tatay at ipagpalit sa iba. Minsan, iniisip ko kung hindi ba ako sapat para sa kaniya. Nangako pa naman siya sa akin noon na ako lang ang tanging lalaki sa buhay niya. Pero matapos ang dalawang taon ay nagkaroon na naman siya ng nobyo.

Tulad ni tatay ay iniwan din siya nito at ipinagpalit sa iba. Ang akala ko nga ay matatauhan na si nanay at magiging sapat na kaming dalawa na lang ang magkasama, pero lagi niyang sinasabi sa akin, “Jepoy, kailangan mo ng ama na magpapalaki sa iyo. Kailangan mo ng lalaking titingalain. Gusto kong lumaki ka na buo ang pamilya.”

Pero kung alam lang ni nanay, ayos naman na ako na kaming dalawa lang. Mas masaya nga ang buhay. Dahil sa tuwing nakikita ko siyang nagmamahal ng ibang lalaki ay lagi siyang nasasaktan.

Ilang buwan ang nakalipas simula nang iwan siya ng pangalawa niyang karelasyon ay dumating si Danilo sa buhay niya. Ang sabi ni nanay sa akin ay ibahin ko raw ito sa tatay ko at sa dati niyang kinakasama. Mabait daw kasi ito at tanggap na may anak na siya.

Akala ko naman nagsasabi ng totoo itong si nanay. Simula nang lumipat kasama namin ang lalaking iyon ay halos araw-araw ko nang nakikita si nanay na umiiyak. Lulong pala kasi sa ipinagababawal na gamot kaya kung anu-ano ang pumapasok sa isip. Madalas tuloy silang mag-away ng nanay ko.

Isang araw nga ay naabutan ko na lang si nanay na nakahandusay sa sahig. Ang akala ko talaga’y nilisan na niya ako. Humingi agad ako ng tulong sa kapitbahay. Buti na lang at nadala agad siya sa ospital. Nawalan pala siya ng malay nang suntukin siya ng dem*nyong si Danilo. Bakit kasi hindi pa siya palayasin sa bahay namin?

Kinausap ko si nanay para tuluyan nang iwan ang lalaking iyon.

“”Nay, hindi na po maganda ang nangyayari sa atin. Hindi naman po natin siya kailangan sa bahay. Hindi naman po siya ang tunay kong tatay. Ganyan po ba ang gusto n’yong lalaking tingalain ko?” tanong ko sa kaniya.

“Pasensya ka na, anak, sa Tiyo Danilo mo. Dala lang talaga ng init ng ulo niya kaya hindi kami nagkakaunawaan. Pero nagkausap na kami. Humingi na rin siya ng tawad sa akin. Ang sabi niya’y magbabago na raw siya. Bigyan pa natin siya ng isang pagkakataon,” wika muli ni nanay.

Kahit na labag sa loob ko ay sumunod ako sa gusto niya. Nararamdaman ko kasing mahal niya talaga ang lalaking iyon.

Lumipas ang mga taon at nagbinata na ako, pero hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo ni Danilo sa nanay ko. Lalo pa nga siyang sumama. Madalas siyang magdala ng mga kaibigan niya sa bahay at doon sila gumagamit ng bato. Walang magawa si nanay dahil tinakot daw siya nito na gagawan kami ng masama kung magsusumbong sa awtoridad.

Mula noon ay parang naging alipin na ng impyernong sitwasyon na iyon si nanay. Pilit man niyang pinagtatakpan ang lahat ay hindi maitatago ng mga pasa niya sa mukha at katawan ang tunay na nangyayari.

“Akala ko ba ay magbabago na ang lalaking iyan? Mas masahol pa siya kay tatay!” wika ko kay nanay.

“Huwag kang maingay at baka marinig ka ng Tiyo Danilo mo. Huwag mo na lang siyang pansinin sa mga ginagawa niya, anak. Ako na ang bahala. Basta magpatuloy ka lang sa pag-aaral mo. Asikasuhin mo na lang ang buhay mo, anak,” giit pa ni nanay.

Labis ang sama ng loob ko dahil hinahayaan ni nanay na gawin ito sa kaniya. Kung ayaw umalis ni Danilo sa bahay ay maaari naman kaming umalis. Mas mainam pa talaga kung kami na lang ni nanay.

Habang pinagmamasdan ko ngayon ang nanay ko ay nababanaag ko pa rin sa kaniya ang lungkot. Pero mas ayos na rin dahil unti-unti nang naghihilom ang mga pasa at sugat sa kaniyang katawan. Sa wakas ay nakalaya na rin siya sa lalaking iyon.

Ilang sandali pa ay nariyan na ang kaibigan kong si PJ. Nagtatrabaho kasi siya bilang isang delivery boy. Hindi na ako makapaghintay na makita ang reaksyon ni nanay kapag nakita niya ang inihanda kong surpresa sa kaniya.

Nagising si nanay sa tawag ni PJ. Bumangon na siya. Marahan niyang tinungo ang pinto upang tingnan kung sino ang naroon.

“Nandito ka ba para dalawin si Jepoy?” tanong niya kay PJ.

“Hindi po, tita. Narito po ako dahil may inutos sa akin si Jepoy. Ibigay ko raw po ito sa inyo,” wika naman ng mabait kong kaibigan.

Kitang-kita ko ang mga ngiti sa labi ni nanay. Maging ang kaniyang mga mata ay hindi maiwasan ang pagluha sa sobrang saya nang makita niya ang mga bulaklak at ang larawan naming dalawa na inilagay ko sa kuwadro. Sinulatan ko pa ito na siya ang pinakamagiting na nanay sa balat ng lupa.

Nagtagumpay ang plano ko. Pero lahat ng mga ngiti ng nanay ko ay napalitan ng tuloy-tuloy na pagluha. Parang lalo siyang nalungkot.

“Ito talagang si Jepoy, walang ginawa kung hindi paiyakin ako. Paano niya magagawa ang bagay na ito?” anong ni nanay kay PJ.

“Matagal na po niyang binilin sa akin ito, tita. Sabi nga po niya sa akin ay mangako raw po akong tutuparin ko ito. Parang alam na niyang matagal kayong hindi magkikita,” sagot naman ng kaibigan ko.

Nilapitan ako ni nanay, sa kabaong kung saan ako nahihimlay. Nagwakas na kasi ang buhay ko dahil sinalag ko ang bala na dapat sana ay babaon sa tagiliran ng aking ina. Pero kahit kailan ay hindi ako nagsisi, sapagkat alam kong dahil sa ginawa kong iyon ay muling nabigyan ng panibagong buhay si nanay. At ang dem*nyong si Danilo ay tuluyan nang mabubulok sa bilangguan.

Ilang araw mo rin akong hinintay, ‘nay, para maiburol. Tapos na ang pag-ootopsiya sa katawan ko kaya naman narito na ako ngayon. Sayang lang dahil matagal ko nang hinintay na magkasama tayong dalawa lang ngunit sa ganitong tagpo pa.

“Anak, maraming salamat sa surpresa mo akin. Pahahalagahan ko ang regalo mong ito. Kahit wala ka na ay ako pa rin ang iniisip mo. Mahal na mahal na mahal kita, anak. Patawarin mo si nanay. Patawarin mo ako, anak. Labis akong nangungulila sa iyo.”

Alam kong hanggang ngayon ay hindi ka pa makapaniwala na wala na ako, ‘nay. Pero sana ay napasaya kita sa munting regalong iyan. Wala man ako sa tabi mo ay palagi pa rin kitang babantayan. Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko.

Advertisement