Pinahiya ng Sosyalerang Dalaga ang Kaklaseng Namimili ng Damit sa Ukay-Ukay; Bandang Huli’y Siya pa ang Pinagtawanan ng Lahat

Taas noo ang dalagang si Rica habang papasok sa paaralan. Sigurado kasi siyang magkakagulo na naman ang kaniyang mga kaklase sa mamahaling damit na kaniyang suot. Pinabili pa kasi niya ito sa ama sa ibang bansa.

“Ibang klase ka talagang pumorma, Rica, tiyak akong magiging maganda ka rin sa darating na acquaintance party. Baka tuluyan nang umamin sa’yo si John ng nararamdaman niya,” saad ng isang kaibigan.

“Siyempre, mas mamahalin ang ipabibili kong damit sa daddy ko sa abroad para lalo akong mapansin ni John. Sinisigurado kong sa akin lang siya titingin sa gabing iyon. Gusto n’yo palang samahan ako sa mall para bumili ng sapatos at bag? Tumingin na rin tayo ng ibang damit! Balita ko ay may nagbukas na bagong store doon,” wika naman ni Rica.

Habang nag-uusap ang magkakaibigan ay nakasalubong nila ang kaklaseng si Jenny na kausap naman si John. Malapit ang dalawa sa isa’t isa dahil magkasama sila sa Art Club. Labis itong ikinainis ni Rica.

“Asungot talaga ‘yang Jenny na ‘yan! Hindi tuloy ako mapansin ni John dahil kinakausap niya! May araw din sa akin ang babaeng ‘yan. Sigurado akong may crush din ‘yan kay John, e!” wika ng dalaga.

“Wala namang panama sa iyo si Jenny, Rica. Alam naman ng lahat na kaya lang narito sa paaralan natin ‘yan dahil iskolar siya. Sa dinami-dami ng mga eskwelahan na papasukan ay dito talaga sa paaralan ng mga mayayaman,” sulsol ng isang kaibigan.

“Siyempre nga naman gusto nyang makadagit ng mayaman din! At gusto pa talaga niyang si John ang makuha niya! Nakakabwisit talaga siya!” dagdag pa ni Rica.

Pagkatapos ng klase ay nagtungo ang magkakaibigan sa mall upang magshopping. Hindi sinasadyang nakita nila sa isang ukayan si Jenny at namimili ng kaniyang susuotin.

Advertisement

Lumapit si Rica para komprontahin ang kaklase.

“Dito ka lang bibili ng susuotin mo sa party? Napaka-cheap mo talaga! Nakakadiri ka! Pinaglumaan na ng ibang tao ang mga damit dito!” sita ni Rica.

“Anong masama sa pagbili ng damit sa ukay? Ayos naman ang mga damit dito. ‘Yung iba nga ay parang bago pa. Kaunting diskarte lang at may damit na ako para sa isang araw na party,” saad naman ni Jenny. 

“Sabagay, wala ka namang pambili talaga ng magandang damit, hanggang ukayan ka lang talaga! Kawawa ka naman! O siya, maiwan na kita dito, a. Hindi ko kayang magtagal sa ganitong lugar,” wika muli ni Rica sabay irap sa dalaga.

“Sigurado akong mukhang katatawanan ang suot niyang si Jenny sa party. Nakakadiri at gamit na ang binibiling damit. Baka mamaya ay kung anong sakit pa ang makuha niya d’yan! Tara na nga at ang baho ng mga damit dito! Baka may makakita rin sa akin dito at akalain ay dito lang ako bumibili ng sinusuot ko, ew!” dagdag pa nito.

Siguradong-sigurado si Rica na siya talaga ang pagtitinginan sa gaganapin na acquaintance party. Sa mahal at ganda ba naman ng mga damit na binili niya ay wala nang masasabi ang ibang tao.

Kinabukasan ay suot ni Rica ang isa sa mga damit na nabili niya sa mall. Nang makita niya si John ay inayos niya ang sarili at nagpa-cute sa binata.

“John, pupunta ka ba sa party sa Sabado? May ka-date ka na ba? Kasi ako, hinihintay ko ‘yung lalaking gusto ko na yayain ako. Siya lang naman talaga ang hinihintay ko na magyaya sa akin,” parinig ni Rica.

Advertisement

“Nag-iisip pa ako ng paraan kung paano ko itatanong sa babaeng gusto ko. Ikaw, Rica, paano mo gustong yayain ka ng lalaki sa isang date?” tanong naman ni John.

Hindi ipinapahalata ni Rica na labis ang kaniyang kilig. Nararamdaman niyang siya kasi ang babaeng tinutukoy nito.

“Siguro ay mas kikiligin ako kapag binigyan niya ako ng bulaklak. Pero ayaw ko nang magpaligoy-ligoy pa siya at tanungin na lang niya ako nang direkta,” nakangiting sambit ng dalaga.

“Maraming salamat sa iyo, Rica! Maganda ‘yang ideya mo. Sigurado akong tatanungin ka na rin ng taong nagugustuhan mo,” sambit muli ng binata.

Hindi na makapaghintay pa si Rica na tanungin siya ni John.

Pagkatapos ng kanilang klase ay nakita niya ang binata na may hawak na bulaklak at naghihintay sa corridor.

“Sabi ko na nga ba’t aayain na niya ako bilang date sa party. Ayos lang ba ang hitsura ko? Amuyin mo nga ako at baka kulang pa ‘yung pabango ko!” sambit ni Rica sa kaniyang mga kaibigan.

Tumayo lang sa malapit ang dalaga upang matanaw siya ni John. Nang bumaling ng tingin ang binata’y agad naman itong lumapit.

Advertisement

Hanggang tenga ang ngiti ni Rica. Hindi niya alam ang gagawin niya sa sobrang kilig habang papalapit sa kaniya si John. Kaso, nilagpasan lang siya nito at dumiretso kay Jenny! Iniabot nito ang bulaklak sa dalaga at agad na tinanong kung payag ba itong maging ka-date sa party.

Gigil na gigil si Rica sa pagkakataong ito. Hindi niya akalain na si Jenny pala ang tinutukoy ni John.

“John, bakit sa dinami-dami ng babae ay si Jenny pa ang nagustuhan mo? Hindi mo ba alam kung gaano ka-cheap ang babaeng iyan? Sa sobrang kahirapan nga niya ay sa ukayan siya bumibili ng damit. Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko? Bumibili siya ng damit na gamit na ng iba!” kompronta ni Rica.

“Ano naman ang masama doon, Rica? Hindi naman din niya tinatago ang bagay na ‘yan. Sa katunayan nga ay ipinagmamalaki pa niya sa akin sa tuwing nakakabili siya ng magandang damit sa ukayan sa murang halaga. Inaayos niya ito upang gumanda lalo sa kaniya. Saka hindi na niya kailangan pang magpa-impress kahit kanino. Kasi hindi lang maganda ang pisikal na anyo ni Jenny, mabuti din ang kaniyang kalooban,” saad pa ni John.

Labis na napahiya si Rica sa naging komprontasyon na ito kay John. Pinamukha talaga sa kaniya ng binata na angat sa kaniya si Jenny kahit ano pa ang gawin niya.

“Magsisisi ‘yang si John sa ginawa niya sa akin. Nakita ko ang biniling damit ni Jenny sa ukay-ukay at wala itong kasing pangit. Magiging katawa-tawa lang sila. Kapag nangyari ‘yun ay tiyak akong magkakandarapa siya para ako ang makuha niyang kapareha,” sambit pa ni Rica.

Dumating ang araw ng party at walang ginawa si Rica kung hindi hintayin ang kaklaseng si Jenny. Nais niyang makita kung ano ang magiging hitsura nito sa katawa-tawa nitong damit na nabili sa ukayan.

“Wala na sa uso ang nabili niyang damit. Kawawa nga dahil iyon lang siguro ang kinaya ng pera niya!” natatawang sambit ni Rica.

Advertisement

Ilang sandali pa ay dumating na si Jenny. Lahat ay napalingon sa ganda ng suot ng dalaga. Lalong umangat ang ganda nito. Habang si John naman ay napatulala sa kaniyang ka-date.

“P-paano nangyari na ganyan ang suot mo? Nakita ko sa ukayan kung ano ang binili mong damit! Saan mo ninakaw ang damit na ‘yan para sa gabing ito?” sambit ni Rica.

“Ano ka ba naman, Rica, ito pa rin naman ang damit na ‘yun. May mga tinanggal lang ako at idinagdag. Sinigurado ko lang na maganda ang hubog nito sa aking katawan at komportable. Sa murang halaga ay nagkaroon na ako ng magarang damit,” pagmamalaki pa ng dalaga.

Tinalbugan ni Jenny ang mamahaling damit ni Rica. Higit pa doon ay kapareha niya si John. Halata sa mukha ng dalawa na masaya sila nang gabing iyon.

“Tandaan mo, Rica, hindi nasusukat ang ganda ng damit kung gaano ito kamahal. Ang mahalaga ay marunong kang magdala. Higit sa lahat, aanhin mo ang ganda kung umaalingasaw naman ang mabahong pag-uugali?” sambit pa ni Jenny sa kaniya bago tuluyang tumalikod kasama ang binatang pinapantasya siya.

Tiyak na matapos ang gabing iyon ay sisimulan na niyang baguhin ang pag-uugali niya.