Inday TrendingInday Trending
Imbis na Paupuin ng Lalaki ang Matandang Pilay ay Pinagsalitaan pa Niya Ito ng Hindi Maganda; Isang Matinding Aral ang Kaniyang Matututunan

Imbis na Paupuin ng Lalaki ang Matandang Pilay ay Pinagsalitaan pa Niya Ito ng Hindi Maganda; Isang Matinding Aral ang Kaniyang Matututunan

Pagod na pagod si Lester at wala na siyang gustong gawin kung hindi makauwi na lang ng bahay sa pagkakataon na iyon. Ang dami kasi niyang ginawa sa trabaho ng araw na iyon. Ngunit tila mas mapapagod pa siya sa kinakaharap niyang pamamasahe pauwi ng kanilang bahay.

Siksikan ang tao sa tren ngunit maswerteng nakaupo itong si Lester. Sa wakas ay kahit paano’y maipipikit niya ang kaniyang mga mata dahil sa dulong istasyon pa naman ang kaniyang baba.

Nang bumukas ang tren sa sumunod na istasyon ay may isang matandang lalaki na sumakay at iika-ika ito. Tumayo ito sa kaniyang harapan. Nararamdaman ni Lester na nais ng matanda na makiupo ngunit imbis na paupuin ang iika-ikang matanda ay pumikit na lamang siya.

“Napapagod din ako. Sa iba na lang siya makiusap sana,” sambit niya sa kaniyang isipan.

Ngunit marahan siyang tinapik ng matandang lalaki.

“Boy, nahihirapan kasi akong tumindig. Hindi ko na makaya ang paggalaw ng tren baka mamaya ay amtumba ako. Baka maaari naman akong makiupo,” pakiusap ng matandang lalaki.

Kunwari ay walang narinig si Lester.

Muli siyang tinapik ng matandang lalaki at muling nakiusap sa kaniya.

“Baka maaari naman ako ang umupo, boy? Apat na istasyon lang naman ako. Makahingi lang ng kaunting minuto mo,” saad pa ng matanda.

Ngunit sa inis ni Lester ay agad niya itong sinagot.

“Hindi niyo po ba nakikita na natutulog ako. Pagod po ako at tulad nyo ay nagbayad ako. Nauna po ako dito, e. Kung gusto niyo talagang umupo at nahihirapan kayo ay sana sa bagon kung saan naroon ang mga matatanda at may kapansanan, doon kayo umupo. Nakakaistorbo kayo ng ibang tao!” sambit ni Lester sa matanda.

“Pasensya ka na. Dito na kasi ako inabutan ng pagbukas ng tren. Nais ko kasing makauwi kaagad kaya dito na ako sumakay. Sige, pasensya ka na at naistorbo ko pa ang tulog mo,” nahihiyang sambit ng matanda.

Muling bumalik sa pagtulog si Lester. Mabuti na lamang ay may ibang nagpaupo sa matandang lalaki.

Alam ni Lester na pinagtitinginan na siya ng mga tao sa loob ng tren at marahil ay hinuhusgahan na siya ng mga ito.

Ngunit hindi kasi niya maipaliwanag ang pagod na kaniyang nararamdaman.

Bago bumaba ng tren ay may isang lalaking tumapik ng kaniyang likod.

“Ginoo, sana hindi niyo na lamang pinahiya ang matanda. Maaari niyo naman itong ipaliwanag sa kaniya ng maayos,” saad ng isang lalaki.

“Tama naman ang sinabi saka pagod na pagod din ako. Ang nais ko lang ay makapagpahinga ng kaunti mula sa trabaho. Bakit parang ako pa ang may mali?” sambit wika ni Lester.

“Mas malakas kasi tayo kaysa sa matandang iyon kaya sana ay konting konsiderasyon,” dagdag pa ng ginoo.

Sa inis ni Lester ay iniwan na lamang niya ang lalaki at hindi na nagpaliwanag pa.

Sa kaniyang pagmamadali na makasakay muli ng dyip pauwi ay nakipag-unahan na naman si Lester at hindi niya inaasahan madudulas siya sa pagkakasabit sa naturang sasakyan. May kabilisan pa naman ang andar nito kaya nang mahulog siya ay nagtamo ng pilay ang kaniyang paa.

Bago makauwi ay agad siya ng ospital at doon nakita na kailangang sementuhan ang bumalikong buto sa kaniyang paa.

Dahil dito ay hirap siya sa paglakad.

Ilanga araw ang nakalipas at kailangan na niyang muling bumalik sa trabaho.

Hirap na hirap siya sa paglakad ngunit kailangan niya itong gawin dahil baka tuluyan na siyang sesantihin.

Nang pauwi na siya ay labis ang kaniyang pagmamadali na makahabol sa huling byahe ng tren. Dahil mabagal ang kaniyang paglalakad ay muntik na siyang maiwan nito kaya sumakay na lamang siya sa bagon na kaya niyang abutan.

Hingal na hingal siya at sa pagmamadali ay hindi din niya sinasadya na maitapak ang paa niya na nakasemento. Dahil maraming tao nang sandaling iyon ay hindi na niya nagawa pang makaupo.

Dahil hindi na rin niya matiis ang sakit ng kaniyang paa, isama mo pa ang ngalay at hirap sa pagkakatindig ay napilitan siyang makiusap sa lalaki sa kaniyang harapan.

“Baka naman maaari akong makiupo,” pakiusap niya sa isang lalaki.

“Pasensiya ka na pero pare-pareho naman tayong nagbayad. Kung gusto mo talagang makiupo ay doon ka dapat sumakay sa bagon kung nasaan ang may mga may kapansanan,” sagot ng ginoo sa kaniya.

Nagulat siya sa sinagot na ito sa kaniya ng ginoo. Tandang-tanda niyang ganito din ang kaniyang sinabi noon sa matandang lalaking nakiusap sa kaniya na umupo.

Sa pagkakataong iyon ay labis siyang nagsisi. Lalo na nang walang kahit sino man lamang sa mga tao na nasa tren ang nais na magpaupo sa kaniya.

Kaya walang ibang nagawa si Lester kung hindi tiisin ang hirap at sakit sa pagkakatayo.

Labis ang kahihiyan na naramdaman niya sa sarili ng mga sandaling iyon. Ganito marahil ang nararamdaman ng matandang lalaking hindi niya pinagbigyan at sinabihan pa niya ng masama.

Napagtanto niyang tunay ngang babalik sa iyo ang ano mang ginawa mo, kasamaan man ito o kabutihan.

Advertisement