Inday TrendingInday Trending
Matindi ang Hinala ng Magkapatid sa Asawa ng Kanilang Ate; Ang mga Sulat Kamay na Liham ng Babae ang Magpapatunay ng Lahat

Matindi ang Hinala ng Magkapatid sa Asawa ng Kanilang Ate; Ang mga Sulat Kamay na Liham ng Babae ang Magpapatunay ng Lahat

“Gio, kumusta? May balita ka na ba kay Ate Mildred? Napuntahan mo na ba ‘yung bahay na sinasabing tinitirhan daw nilang mag-asawa?” tanong ni Lucille sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Hindi ko pa napuntahan, ate. Pero nakapagtanung-tanong na ako. Sabi sa akin ay sa isang masukal na lugar daw iyon sa probinsiya. Pero inaayos ko na ang lahat para agad akong makapunta sa lugar na iyon,” tugon naman ni Gio. “

Sige, salamat, Gio. Alam mo namang ipinangako natin kay nanay na hahanapin natin si ate. Kailangang tuparin natin ang pangako na iyon. Nakakahinayang lang at nakam@tayan na ng nanay ang paghahanap sa nakatatandang kapatid natin,” sambit muli ni Lucille.

“Tama ka d’yan, ate. Minsan nga nagsisisi ako kung bakit hindi pa ako tumutol noong kinakasal si ate. Noon pa man ay masama na rin ang kutob ko kay Timothy. Parang wala talaga siyang gagawing maganda,” dagdag pa ni Gio.

“Basta, ate, babalitaan na lang kita kapag may nakuha pa akong ibang impormasyon. Hayaan mo at isang araw ay matatapos din ang paghahanap na ito at tuluyan na nating makikita si Ate Mildred,” saad muli ng binata.

Labing dalawang taon na ang nakalilipas at hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ng kaniyang pamilya itong si Mildred. Simula kasi nang maikasal ito sa kaniyang asawang si Timothy ay hindi na ito nagparamdam pa sa kaniyang ina at mga kapatid.

Ang hinala ng mga ito ay may masamang nangyari na kay Mildred. Dahil pati ang asawa niya ay hindi na rin matagpuan pa.

Ngunit isang araw ay nakatanggap na lamang ang magkapatid ng impormasyon na may nakakita nga daw sa kaniyang kapatid at sa asawa nito na naninirahan na sa isang liblib na parte malapit sa kabundukan.

Lalo itong nakabahala sa magkapatid. Ngayon ay tiyak na nilang inilalayo nga ni Timothy ang kanilang Ate Mildred.

Makalipas pa ang isang linggo ay natunton na ni Gio ang tinitirhan ng kapatid at asawa nito.

Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay ng mga ito ngunit labis siyang nagtataka sa mga sagot nito.

“Minsan lang naming nakita ‘yung babae simula nang tumira sila riyan. Hindi namin malaman kung ano ang nangyayari dahil nga ang taas ng bakod pero madalas ay nakakarinig kami ng mga sigaw noon,” sambit pa ng isang lalaki.

“Ngayon ba ay nakakarinig pa rin kayo ng mga sigaw galing doon sa babae?” tanong pa ni Gio.

“Hindi na. Usap-usapan nga dito na siguro ay may ginawa na ‘yung lalaki sa asawa niya. Ni hindi nga rin iyon nakikihalubilo. Lalabas lang kapag bibili ng kailangan nila sa bayan pero walang magtangkang lumapit diyan kasi natatakot kami sa kaniya,” tugon muli ng lalaki.

Dahil dito ay kinailangan ni Gio at Lucille na hingin ang tulong ng mga pulis. Nang maayos na ang lahat ay agad na nagtungo ang magkapatid kasama ang mga awtoridad upang siyasatin ang bahay na pinaniniwalaan nilang kinaroroonan ng kanilang ate.

“Malakas ang kutob ko na nariyan pa ang Ate Mildred. Pero natatakot ako na baka hindi maganda ang kaniyang kalagayan,” saad ni Lucille kay Gio.

Pilit na pinasok ng mga awtoridad ang lupa at bahay ng mag-asawa. Labis naman ang takot at pagkabigla ni Timothy nang makita ang mga kapatid ni Mildred pati na rin ang mga pulis.

“A-anong ginagawa niyo rito? Hindi kayo maaaring pumasok sa pamamahay ko!” sigaw ni Timothy.

“Nasaan ang Ate Mildred namin? Ilabas mo siya! Anong ginagawa mo sa kaniya?!” bulyaw naman ni Lucille.

Hinalungkat nila ang bahay ngunit wala roon si Mildred. Ang tanging nakita lamang nila ay isang puntod sa likod bahay.

“H@yop ka! Anong ginawa mo sa ate namin? Sinusigurado namin sa iyo na makukulong ka!” walang patid sa pagtangis ang magkapatid.

Napatunayan ng mga pulis na si Mildred nga ang nakalibing sa puntod sa likod ng bahay. Agad na dinakip si Timothy upang magpaliwanag sa totoong nangyari.

Malakas ang kutob ng magkapatid na ang asawa ng kanilang ate ang may kasalanan sa nangyaring ito.

Ngunit mariing tinatanggi ito ni Timothy.

“Namatay sa karamdaman ang kapatid niyo! Hindi ako ang may sala! Wala akong ginagawang masama sa kaniya! Sa katunayan ay siya ang lahat ng may ideya sa bagay na ito! Siya ang nagsabi sa akin na magpakalayo-layo na kami,” giit ni Timothy.

Ngunit walang naniniwala sa kaniya.

Muling binalikan ng magkapatid at mga pulis ang naturang bahay upang humanap ng ilang ebidensiya. Ngunit nagulat na lamang sila nang buksan ang isang silid.

Ang pader ng naturang silid ay pinalilibutan ng mga liham na sulat kamay ni Mildred. Doon ay nakasulat kung gaano niya kamahal si Timothy.

Hindi makapaniwala sina Gio at Lucille sa kanilang mga nababasa. Tumitindig ang kanilang mga balahibo sa bawat linya ng liham na isinulat mismo ng kanilang Ate Mildred.

Mahal, nawawala man ako sa aking sarili ay palagi kong ipinaalala na ikaw ang mahal ko.

Mahal ko, Timothy ko, patawarin mo ako kung nasaktan muli kita. Hindi ko alam kung anong klaseng dimonyo ang sumasanib sa akin. Ipagdasal mo palagi ako.

Mahal ko, kapag ako ay sumakabilang buhay ay ilibing mo ako sa malapit sa iyo. Huwag mo hayaang magkawalay tayo, ipangako mo.

Ilan lamang iyan sa mga sulat na kanilang nabasa.

Nang tanungin nila si Timothy sa tunay na nangyari sa kapatid ay lalo silang nagimbal sa isiniwalat nitong katotohanan.

“Naniniwala ang Ate Mildred niyo na sinasaniban siya. Ngunit dinala ko na siya sa mga albularyo at hindi pa rin siya gumagaling. Ang sabi ko ay kailangan ko na siyang dalhin sa doktor upang ipasuri. Naniniwala kasi ako na mayroong sakit sa pag-iisip ang ate niyo,” salaysay ng ginoo.

“Mula nang magbago siya ay gusto na niyang magpakalayo-layo kami dahil nga may pagkakataon na hinuhusgahan na kami ng maraming tao. Minsan ay normal siya ngunit mas maraming pagkakataon na kung anu-ano na lamang ang pumapasok sa kaniyang isipan. Madalas ay saktan niya ako at ang kaniyang sarili. Hindi ko magawang iwan siya dahil mahal na mahal ko ang ate niyo,” hindi na napigilan pa ni Timothy na mapaluha.

“Gusto ko man bumalik na sa normal na buhay ngunit ayaw kong iwan ang labi ng ate niyo sa bahay namin dahil nangako ako sa kaniya. Nais kong sabihin sa inyo ang katotohanan at hingin ang tulong niyo ngunit siya na ang nagsabi sa akin na ilihim ang lahat ng ito. Nahihirapan na rin kasi ako!” dagdag pa ng ginoo.

Napaluha na lamang din sina Lucille at Gio sa sinapit ng kanilang kapatid. Kaya pala sa tagal nila itong hinanap ay hindi nila ito matagpuan dahil mismong si Mildred ang ayaw nang magpakita.

Masakit man ang sinapit ng kanilang Ate Mildred ay kailangan itong tanggapin ng magkapatid.

Humingi sila ng tawad kay Timothy dahil sa mga nagawa nilang panghuhusga.

Napagpasyahan ng magkapatid na iuwi ang labi ng kanilang Ate Mildred at bigyan ito ng disenteng libing. Habang si Timothy ay pinalaya na rin nila mula sa pagkakakulong sa mga pangako sa kanilang yumaong ate.

Sa wakas, makalipas ang labing dalawang taon ay tuluyan na ring natuldukan ang paghahanap ng pamilya kay Mildred. Ang tanging magagawa na lamang nila ngayon ay maipagdasal ang kaluluwa nito at tuluyan nang matahimik.

Advertisement