Labis ang Inis ng Isang Ginoo sa Asong Pabalik-Balik sa Kaniyang Bakuran; Ito pala ang Magsasalba sa Kaniyang Buhay

Masaya at palabati ang matandang si Mang Quintin. Ngunit nang yumao ang asawa nito mula sa isang matinding karamdaman ay nagbago na ang kaniyang ugali. Dahil marahil sa lungkot at pangungulila sa misis ay mas minabuti na lamang nito ang mag-isa at magmukmok sa kaniyang tahanan.

Retirado na si Mang Quintin. Sa kasamaang palad ay hindi rin sila nagkaanak ng kaniyang asawa kaya ngayon ay mag-isa na lamang siyang naninirahan sa kanilang tahanan. Tila nawalan ng kulay ang kaniyang buhay simula nang iwan siya ng kaniyang asawa.

Sa edad na pitumpu’t lima ay tila hinihintay na lamang ni Mang Quintin ang kaniyang pagyao.

Tuwing umaga ay matatanaw mo siyang nagdidilig ng mga halamang tinanim pa noon ng kaniyang asawa. Pinapakain din niya ang mga manok na kanilang alaga. Tahimik ang kaniyang pamumuhay hanggang sa isang aso ang balik ng balik sa kaniyang bahay. 

“Umalis ka rito at wala kang mapapala!” pagtataboy ni Mang Quintin sa aso.

Kahit na anong taboy nito ay hindi pa rin umaalis ang nasabing aso. Kinabukasan ay matatagpuan niya itong muli na nasa kaniyang bakuran.

“Kung kanino mang aso ito ay kuhain niyo na! Kung hindi ay isasama ko kayo sa ipapadampot ko! Nakakaperwisyo kayo ng buhay!” sigaw pa ng matanda sa kapitbahay.

Maya-maya ay lumapit sa kaniya ang kapitbahay na si Isidro.

Advertisement

“Sa iyo ba ang asong ito? Kunin mo na at iuwi mo. Itali mo nang hindi nakakawala!” inis na sambit ng matanda.

“Hindi po, Mang Quintin. Lumapit lamang po ako para tignan kung makikilala ko ba iyang aso. Kaso parang hindi taga-rito ang may ari niyan,” tugon naman ng ginoo.

“O siya, tutal ay nandito ka na rin lang ay isama mo na ang asong iyan! Dalhin mo sa mga nangunguha ng aso o hindi naman kaya ay ipakatay mo sa mga manginginom!” dagdag pa ni Mang Quintin.

“Sobra naman kayo, Mang Quintin. Napakagandang aso nito sa totoo lang saka hindi na uso ang pagkatay ng aso para gawing pulutan,” pabirong sambit pa ni Isidro.

Dahil batid niya na galit na ang matanda ay agad na niyang tinawag ang aso upang alisin sa bakuran ng matanda. Ngunit ayaw nitong sumama. Wala nang nagawa pa ang lalaki kung hindi sapilitang itaboy ito.

Ang akala ni Mang Quintin ay doon na magtatapos ang pangungulit sa kaniyan ng naturang aso. Ngunit isang umaga pagpunta niya sa kaniyang bakuran ay naroroon na naman ito at binubungkal ang mga tanim na halaman ng kaniyang asawa.

“Lumayas ka diyan! Sinabi nang huwag ka ng babalik, ‘di ba?” sa galit ni Mang Quintin ay binato niya ito ng kaniyang tsinelas.

Sapul naman ang aso at napaiyak ito ng kaunti.

Advertisement

“Alis! Umalis ka ditong aso ka! Kung hindi ay tatamaan ka talaga sa akin ulit!” sigaw pa ng matanda.

Dahil sa lakas ng sigaw ni Mang Quintin ay napabalik muli si Isidro upang tignan ang nangyayari sa bakuran ng matanda.

“Mang Quintin, ano na naman ho ang problema?” tanong ng ginoo.

“Narito na naman ang pesteng asong ito! Kanino ba ito at hindi man lamang tinatali? Kinalukay ng letseng asong iyan ang halaman ko! Hahambalusin ko na talaga iyan!” sambit pa ng matanda.

“Hinay-hinay kayo, Mang Quintin, baka mamaya ay may makarinig sa inyong iba. Hindi niyo ba alam na may batas na nagpoprotekta sa mga aso. Baka mamaya ay kayo pa ang makulong. Ipinagtanong ko na rin kasi kahapon ang aso na iyan ngunit wala talagang nakakaalam kung sino ang may-ari,” pahayag pa ni Isidro.

“At talagang dito pa napili ng aso na ‘yan na mamerwisyo. Tatawag ako sa barangay para dakipin nila ang asong iyan nang hindi na makaistorbo pa,” wika pa ni Mang Quintin. 

Ngunit kahit ilang beses nang sabihin sa baranggay ni Mang Quintin ang aso at ilang beses na rin nila itong dinadakip ay nakakagawa ito ng paraan upang makatakas. Pagkatapos ay muli itong babalik sa bakuran ng matanda.

Hanggang sa nagsawa na lamang si Mang Quintin at hinayaan na lamang niya doon ang aso.

Advertisement

“Sinasabi ko sa iyo, kapag may halaman kang nasira ay ipakakatay na talaga kita!” wika nito sa aso.

Naging mabait naman ang aso kay Mang Quintin. Unti-unti na rin itong nasanay sa bago niyang alaga. Hindi man niya ito nilalaro at inaamo ay hinahayaan lamang ng matanda na manatili sa kaniyang bakuran ang nasabing aso. 

Napapansin ni Mang Quintin na unti-unting gumaan ang loob niya dito.

Habang nagdidilig ng halaman, isang umaga, tulad ng kaniyang nakagawian ay sandaling isinara ni Mang Quintin ang gripo at umupo. Bigla kasi siyang nahilo. Hanggang sa nawalan na siya ng malay.

Natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na nasa isang silid sa ospital.

“Salamat sa Diyos at nagising na din kayo, Mang Quintin,” saad ni Isidro sa matanda.

“A-anong ginagawa ko rito? Bakit ako narito sa ospital?” pagtataka ni Mang Quintin.

“Dalawang araw na po akong pabalik-balik dito, Mang Quintin. Dalawang araw na rin po kayong walang malay. Natagpuan ko na lang po kayo sa inyong bakuran nakasandusay sa sahig. Ang sabi po ng mga doktor ay inatake kayo sa puso. Mabuti na lamang po at nadala kayo sa ospital kaagad,” kwento ng ginoo. 

Advertisement

“Maraming salamat sa iyo. Mabuti na lamang ay palagi kang tumitingin sa bakuran ko,” wika ng matanda.

‘Naku, Mang Quintin, nakakatawa nga po dahil sa pagkakatong iyon ay abala ako sa paggawa ng bentilador. Bigla na lamang nagpunta sa bahay namin ang aso niyo at nagkakakahol. Muntik ko na ngang buhusan ng tubig dahil akala ko ay nauul*ol. Hindi niya ako tinigilan hanggang hindi ko siya sinundan.

Nataranta talaga ako nang makita ko kayo ng nakahandusay sa sahig at walang malay. Mabuti na lamang ay may napadaang tricycle kaya naihatid ko kayo agad sa ospital,” kwentong muli ni Isidro.

Biglang bumalik sa kaniyang ala-ala ang lahat ng ginawa niyang pangtataboy sa nasabing aso. Napangiti na lamang siya at napaluha ng bahagya dahil sa kabutihang ginawa nito sa kaniya. Hindi niya akalain na ito pa pala ang magsasalba ng kaniyang buhay.

Tuluyan nang bumuti ang kalagayan ni Mang Quintin. Sa pag-uwi niya sa kaniyang bahay ay naroon pa rin ang aso at sabik na sabik siyang sinalubong nito.

“Maraming salamat sa iyo, kaibigan. Mula ngayon ay dito ka na maninirahan sa bahay ko. Papangalanan kitang Savio dahil ikaw ang nagligtas ng buhay ko!” sambit ni Mang Quintin sa aso habang sabay yakap dito ng mahigpit. 

Mula noon ay hindi na mapaghiwalay si Mang Quintin at ang kaniyang alagang si Savio. Muling binigyan ng aso ng kulay ang malungkot na buhay ng matanda.

Malaking pasalamat ni Mang Quintin kay Savio dahil ito ang muling nagbalik ng kaniyang saya at sigla.