Inday TrendingInday Trending
Plano ng Isang Babae na Akitin ang Dating Nobyo na may Asawa na Upang Balikan Siya Nito; Magugulat na Lamang Siya sa Gagawin ng Lalaki

Plano ng Isang Babae na Akitin ang Dating Nobyo na may Asawa na Upang Balikan Siya Nito; Magugulat na Lamang Siya sa Gagawin ng Lalaki

“Beshie! Hulaan mo kung sino ang nakita ko sa bayan kanina!” bungad ni Anne sa kaniyang kumareng si Jackie.

“Bruha ka, ikwento mo na at binibitin mo pa ako! Sino ba ang nakita mo sa bayan kanina?” pagtataka naman ng dalaga.

“Nakita ko si Emma kanina namamalengke. At hulaan mo kung sino ang kasama niya. Walang iba kung hindi ang matagal mo nang inaasam-asam na si Robin. Akalain mo ‘yon, ang daming nagkakandarapa kay Robin ay kay Emma lang pala ang bagsak niya!” sambit pa ng kaibigan.

“Alam mo sa totoo lang ay naiinis ako sa mga post niyang si Emma sa social media. Kesyo si Robin na daw ang pinaka tapat at pinakamabuting asawa. Nanggigigil ako at talagang ibinabalandra pa niya ang masaya nilang larawan!” dagdag pa ni Jackie.

“Nagseselos ka naman! Malay mo naman talagang masaya na sila sa isa’t isa. Hindi ko nga din lubos akalain na seseryosohin ni Robin iyang si Emma. Ang akala ko ay ginagamit lang niya ito para pagselosin ka noon. Ikaw naman kasi, nasa iyo na si Robin, naghanap ka pa ng iba. Ayan tuloy ang napala mo!” pangbubuska ni Anne.

“Isang araw, itaga mo sa bato, babalik din sa akin iyang si Robin!” sambit pa ng dalaga.

“Bakit? Ano na naman ang iniisip mo, beshie?” usisa ng kaibigan.

“Basta, ako ang bahala. Isang araw ay magiging sa akin muli iyang si Robin,” saad pa ni Jackie.

Dating kasintahan ni Jackie si Robin. Ngunit nang mahuli siya nito na may ibang kasamang lalaki ay agad siya nitong hiniwalayan at niligawan ang kaklase nilang si Emma.

Malaki ang pagkakaiba ni Jackie at Emma. Marami ang nagkakagusto kay Jackie dahil sa ganda nito at sa taglay na alindog. Maganda din ang hubog ng katawan nito. Samantalang si Emma ay losyang kung manamit at wala lagi sa uso. Simple lamang ito ngunit mabait at talagang matalino.

Ang buong akala ni Jackie ay paglalaruan lamang ni robin itong si Emma at ginagawa lamang ito ng binata upang pasakitan siya. Ngunit laking gulat ng dalaga nang mabalitaang nagpakasal na ang dalawa.

Mula noon ay hindi pa rin naaalis sa isipan ni Jackie si Robin at handa siyang gawin ang lahat upang mabawi ito kay Emma.

Isang araw ay hindi sinasadya na magtagpo ang landas nila Emma at Jackie.

“Kumusta ka Emma? Kumusta kayo ni Robin?” bati niya sa dating kaklase.

“Ayos naman ang pagsasama namin ni Robin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na siya pala ang mapapangasawa ko,” tugon naman ni Emma.

“Kahit kami ay hindi rin makapaniwala. Ang ibig kong sabihin ay bagay na bagay naman talaga kayo. Kumusta nga pala si Robin ano na ang trabaho niya ngayon?” tanong muli ng dalaga.

“Delivery man siya. Buti nga ay malakas ang kita niya ngayon at kahit paano ay nakakaipon para sa paghahanda namin sa pagkakaroon ng anak. Kung may negosyo ka ay pwede mong ipa-deliver sa kaniya ang mga orders mo,” sambit pa ni Emma.

Tila nakakuha ng ideya itong si Jackie para sa kaniyang pinaplano.

“Tamang-tama, Emma. Sige nga at pag-usapan natin ito sa susunod. Tatawag na lang ako sa inyong mag-asawa para malaman ko ang mga kailangang gawin. Maraming salamat, Emma, a. Masaya ako na nakita kitang muli ngayon,” sambit ni Jackie na may pilit na ngiti.

Pag-uwi ng kaniyang bahay ay agad na nag-isip ng plano si Jackie upang magkita silang muli ni Robin.

“Loka-loka ka na talaga, beshie. Bakit hindi mo na lang pabayaan ang dalawa. Mukha namang seryoso talaga si Robin kay Emma,” sambit ni Anne sa kaibigan.

“Sigurado ako, beshie, kapag nakita akong muli ni Robin ay babalik ang pagtingin niya sa akin. Saka nakita mo naman ang itsura ni Emma. Wala pang anak ay losyang na losyang na!” wika pa ni Jackie.

Napapailing na lamang si Anne sa mga inisiip ng kaibigan.

Hanggang isang araw ay handa na si Jackie na ikatuparan ang kaniyang mga plano.

Tinawagan niya si Robin dahil mayroon daw siyang nais na ipadeliver sa isang kliyente.

Habang papunta sa kaniyang bahay ang ginoo ay naghahanda na si Jackie upang akitin muli ang dating kasintahan.

Suot niya ang damit na kitang-kita ang kurba ng kaniyang katawan, makapal ang lipstick niyang pula at ayos na ayos ang kaniyang buhok.

Nang dumating na si Robin upang kunin ang kaniyang ipapadeliver ay saglit niya itong pinatuloy sa kaniyang bahay.

“Hindi na ako papasok, Jackie. Nagmamadali din kasi ako para makarami ng idedeliver. Ilabas mo na lang dito ang gamit na ipahahatid mo,” saad ni Robin sa dating nobya.

“Pumasok ka na muna, Robin. Ito naman, parang wala tayong pinagsamahan. Huwag kang mag-alala at hindi makakarating ito sa asawa mo. Pinaghanda kita ng kaunting meryenda. Sige na, huwag mo naman akong pahiyain,” pakiusap pa ni Jackie.

Pinaunlakan naman ito ng ginoo. Ngunit pagpasok pa lamang niya ng bahay ay agad siyang hinila ni Jackie sa silid nito at saka hinalikan.

“Ano ba itong ginagawa mo, Jackie?” piglas ni Robin.

“Alam kong gusto mo pa rin naman ako, Robin. Ramdam kong hindi ka tunay na masaya kay Emma at ako pa rin ang gusto mo. Payag ako na maging pangalawa kung ito ang nais mo. Hinding-hindi malalaman ito ng asawa mo basta bumalik ka na lang muli sa akin,” sambit ni Jackie sabay halik muli sa ginoo.

Siya namang pag-iwas nito.

“Mali ang akala mo, Jackie. Hindi ko pinakasalan si Emma para gawing panakip-butas. Mahal ko talaga ang asawa ko at kailangan mo ‘yang tanggapin!” bulalas ng ginoo.

“Simula nang ipagpalit mo ako ay saka ako natauhan na hindi tulad mo ang babaeng nararapat sa akin. Mabuting tao si Emma at maganda ang kaniyang kalooban. Dahil sa simpleng pagkatao niya ay lubos akong nahulog sa kaniya. Kaya masasabi ko sa iyo na wala na akong hihilingin pa sa asawa ko.

Kung wala kang ipapadeliver ay aalis na ako at kailangan kong maghanapbuhay upang magampanan ko ang responsibilidad ko sa aking asawa,” pahayag ni Robin.

Labis na napahiya si Jackie sa sinabing ito ng dating kasintahan. Hindi niya akalain na ganito ang gagawin sa kaniya ni Robin. Binalewala lamang ng ginoo ang itsura ni Jackie dahil sa labis na pagmamahal sa asawang si Emma.

Hindi pa rin matanggap ni Jackie na ipinagpalit siya ni Robin kay Emma.

Habang nabubuhay na masaya at puno ng pagmamahalan ang mag-asawa ay mag-isa naman at puno ng pait sa puso itong si Jackie.

Advertisement