
Pinagtatawanan ng Dalaga ang Pinsang Tindera, Nabigla Siya nang Malaman kung Magkano ang Kinikita Nito
“Bakit kaya parang hindi na nagtitinda ng mga damit, sapatos, at alahas sa social media si Jelly, ano? Hindi ko nakikita ang sandamakmak na post niya, eh,” sambit ni Inna sa kapatid niyang abala rin sa pagpipindot ng selpon.
“Baka nalugi na siya kaya ganoon? Hindi ko na rin nakikita ang mga paninda niyang nagkalat sa social media, eh,” tugon ng kaniyang kapatid habang kumakain ng paborito nitong prutas.
“Hindi naman talaga imposibleng hindi siya malugi sa mga paninda niya! Marami rin kayang nagtitinda nang ganoon, hindi ba? Bukod pa roon, ang mamahal pa ng mga paninda niya! Minsan akong nagtanong ng presyo ng isang manipis na tsinelas, aba, tatlong daan daw! Diyos ko, kaya siguro siya nalugi, manggagantso kasi siya!” paglalabas niya ng sama ng loob dahilan upang mapatigil ito sa ginagawa.
“Sinabi mo pa! Kaya mabuti nga sa kaniya, nalugi siya!” tugon nito habang hinahanap niya sa internet ang account nito.
“Sigurado na akong nalugi na siya, tignan mo, limang buwan na ang nakararaan mula noong huli siyang magpost ng litrato ng paninda niya sa social media account niya! Kawawang bata naman ‘to! Hindi na ako magtataka kung isang araw, kakatok ito sa pintuan natin para manghingi ng bahaw!” sambit niya nang makumpirmang wala na itong bagong post saka sila labis na naghagalpakan.
Simula pagkabata, inis na ang dalagang si Inna sa pinsan niyang si Jelly na paborito ng lahat ng kanilang tiyahin dahil bukod sa matalino ito, madiskarte pa ito sa buhay.
Sa katunayan, sa edad nitong sampung taong gulang, hindi ito nahihiyang maglako ng polvoron, pastillas at kung ano pang paninda sa kanilang paaralan. Hindi katulad niya na hiyang-hiya sa ginagawang ito ng kaniyang pinsan. May pagkakataon pa ngang hindi niya ito pinapansin sa paaralan kapag ito’y may bitbit na mga paninda. Ayaw niya kasing malaman ng ibang mga estudyante na kamag-anak niya ito dahil mukha itong mahirap sa ginagawa nitong pagtitinda.
Kaya naman, hanggang sila’y lumaki at magdalaga, tuluyang nalayo ang loob nila sa isa’t-isa. Kahit pa ganoon, hindi niya ito alintana dahil alam niyang mas maganda ang buhay niya kumpara rito.
Ang pagkainis niyang ito sa pinsang iyon ay napasa niya pa sa kaniyang kapatid na galit din dito dahil sa mga paninda nitong mamahalin sa internet. Kaya naman nang malaman nilang tumigil na ito sa pagtitinda, ganoon na lang nila itong ginawang katatawanan.
Siya’y tilang nagdilang anghel noong araw na ‘yon, dahil pagkatapos nilang maghalakhakan ng kaniyang kapatid, bigla na lang may kumatok sa kanilang bahay at nang ito’y buksan niya, ito ang pinsan nilang si Jelly. May bitbit-bitbit itong lalagyan ng pagkain dahilan upang siya’y mapatawa.
“Manghihingi ka ba ng bahaw?” biro niya rito dahilan upang mag-ihit kakatawa ang kapatid niyang nakarinig nito.
“Ah, hindi, pinabibigay lang ni mama itong hipon. Naparami kasi ang bili ko, eh,” sagot nito saka iniabot sa kaniya ang lalagyan na may hipon.
“Aba, mukhang may pera ka pa rin hanggang ngayon, ha? Saan mo nakukuha ang lakas ng loob na gumastos para sa mamahaling pagkain kahit na nalugi ka na?” taas kilay niyang tanong dito.
“Hindi naman ako nalugi, eh. Tumigil lang ako sa pagtitinda dahil may bago na akong pinagkakaabalahan. May mga tindera na rin ako kaya hindi na ako nagpopost sa social media ng mga paninda ko,” kwento nito sa kaniya na ikinapagtaka niya. “Anong ibig mong sabihin?” pang-uusisa niya pa.
“Nabili ko na kasi ‘yong pangarap kong kompyuter. Gamit ‘yon, naghanap ako ng mga online job na nagbibigay sa akin ng libo-libong pera kada araw. Bukod pa roon, sumubok din akong mag-invest sa stocks. Ikaw, anong pinagkakaabalahan mo bukod sa pagbabantay at pandidiri sa buhay ko?” pambabara nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatahimik at kaagad na isara ang kanilang pintuan.
Sa labis na pagkahiya, napatulala lang siya sa tapat ng kanilang pintuan bago maibigay sa ina ang hawak na lalagyang puno ng hipon.
“Ibang klase talaga ang dalagang ‘yan! Sobrang nakakahanga! Isipin mo ‘yon, kahit nag-aaral pa siya sa kolehiyo, mas mataas pa ang kinikita niya kumpara sa tatay mo!” sambit ng kaniyang ina na lalong napagpaisip sa kaniya sa mga nasayang niyang panahon kakabantay sa pinsan niyang ito.
“Kung sinuportahan ko lang sana siya noon pa man, sana, matuturuan niya akong kumita ng pera ngayon,” pagsisisi niya.
Ang inggit ay hindi kailanman magbibigay sa atin ng tagumpay. Sipag, tiyaga, at diskarte ang kailangan nating ipuhunan.