Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Kasintahan ng Dalaga sa Kaniyang Kagustuhang Maging Barista; Pag-ibig Ba o Pangarap ang Pipiliin Niya?

Tutol ang Kasintahan ng Dalaga sa Kaniyang Kagustuhang Maging Barista; Pag-ibig Ba o Pangarap ang Pipiliin Niya?

“Mahal, pagkatapos kong mag-aral, magbabarko ako, ha? Pangako, magiging isa akong sikat na bartender doon!” masiglang sambit ni Jovelyn sa kaniyang kasintahan habang sila’y naglalakad sa isang mall.

“Nahihibang ka na ba? Akala mo ba kaya mo ‘yon? Eh, panglalaking trabaho ‘yon! May nakita ka na bang babaeng barista sa barko? Wala, hindi ba?” kunot-noong wika nito.

“Mayroon kaya! Sobrang dalang nga lang,” nakanguso niyang sagot dahilan upang mapatawa ito.

“O, ‘di ba? Kasi nga, panglalaking trabaho lang ‘yon! Saka, mahirap na at baka mabastos ka pa ng mga manginginom sa barko kapag doon ka nagtrabaho,” tugon nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Eh, ano pa lang papasukan kong trabaho pagkatapos kong mag-aral?” tanong niya rito saka sila naupo sa restawrang kanilang nakita upang sila’y makapagpananghalian na.

“Wala, hindi mo naman kailangang magtrabaho dahil may pera naman ako, may sariling negosyo at mayroon ng sariling bahay. Mag-ensayo ka na lang mag-alaga ng bata, kumilos sa bahay at magluto, dahil malamang, ikaw ang maiiwan sa bahay kapag kinasal tayo,” tuloy-tuloy na sagot nito dahilan upang siya’y mapatungo dahil sa kalungkutang nadarama.

Bata pa lang ang dalagang si Jovelyn, pangarap niya na talagang maging isang batikang bartender katulad ng yumao niyang ama. Engganyong-engganyo kasi siya sa tuwing pinakikitaan siya ng kaniyang ama kung paano magtimpla ng alak at ano pang inumin kasabay nang mga paghahagis nito ng mga bote na may pasundot-sundot ng pagsasayaw. At dahil nga hangang-hanga siya rito, simula noon, itinatak na niya sa kaniyang isipan na balang-araw, kahit ano mang mangyari, siya’y isang magiging barista sa barko katulad ng kaniyang ama.

Kaya lang, bago pa man siya makatuntong sa kolehiyo, wala na ang kaniyang ama dahil sa isang malubhang sakit. Ito ang dahilan upang hindi niya makuha ang kursong kaugnay sa pagbabartender dahil wala na silang pera.

Mahirap man ang kanilang naging buhay simula nang mawala ang ama, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kaniyang pangarap hanggang sa makakilala na siya ng isang mayamang lalaking nakilala niya sa social media na lalong nagpalakas sa loob niya.

Kung tutuusin, ito ang kaniyang naging sandalan sa tuwing siya’y magigipit. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng baon kapag wala nang maabot na pera ang kaniyang ina.

Kaya lang, ngayong malapit na siyang magtapos at ilang hakbang na lang, matutupad na niya ang kaniyang pangarap, nalungkot naman siya nang malamang tutol ito sa kaniyang pangarap.

Noong araw na ‘yon, malungkot siyang umuwi sa kanilang bahay. Ibang-iba sa palagi niyang emosyon sa tuwing makikita niya ang kaniyang ina dahilan upang siya’y usisain nito.

“Ayaw po kasi ng nobyo na maging isa akong bartender sa barko dahil baka mabastos lang daw po ako roon. Mag-ensayo na lang daw po akong mag-alaga ng bata at kumilos sa bahay dahil ako naman daw po ang maiiwan sa bahay kapag naging mag-asawa na po kami,” iyak niya.

“Sinabi niya ‘yon?” tanong nito dahilan upang siya’y agad na tumango-tango, “Alam mo, anak, ang lalaking para talaga sa’yo, susuportahan ka sa lahat ng bagay, lalo na sa pangarap mo. Ang lalaking katulad niya ay para sa mga babaeng walang pangarap at nais lamang umasa sa asawa. Hindi matutuwa ang tatay mo kapag nalaman niya ‘yan,” dagdag pa nito dahilan upang siya’y lalong maiyak.

Dahil sa usapang iyon ng kaniyang ina, ipinagtapat niya sa kaniyang nobyo na siya’y tutuloy pa rin sa pagbabarko na labis na ikinagalit nito. Tinakot man siya nitong hihiwalayan, agad siyang pumayag dito.

“Mas malulungkot ako kapag hindi ko natupad ang pangarap ko na alam ng tatay ko kaysa ang iwan mo. Pasensiya ka na, malaki man ang utang na loob ko sa’yo, pero hindi ko kayang patulugin ang pangarap ko,” sambit niya kahit na siya’y takot na takot at labis na nasasaktan.

Sipag at tiyaga ang pinuhunan niya simula noon at nang siya’y makapagtapos ng pag-aaral, agad siyang nag-apply sa isang barko bilang isang bartender. Hindi man madali ang pinagdaan niya, laking tuwa niya nang pagkalipas ng ilang buwan, siya’y nakatanggap na ng tawag mula rito.

Doon na nga nagsimulang pumayagpag ang pakpak ng kaniyang pangarap. Bukod sa malaki na ang sinasahod niya, naaalala niya pa ang kaniyang ama sa trabahong mayroon siya ngayon.

“Nawalan man ako ng kasintahan, naabot ko naman ang pangarap ko. Sana lahat ng babaeng nauudlot ang pangarap dahil sa kanilang mga kasintahan ay magising katulad ko,” wika niya sa sarili habang pinagmamasdan ang dagat na araw-araw niyang tanawin sa silid na kaniyang pinamamalagian sa barko.

Advertisement