Inday TrendingInday Trending
Nanggalaiti ang Asawa ng Lalaki nang Hindi Mapalitan ang Sira Nilang Telebisyon, Isang Paraan ang Naisip Niya upang Ito’y Mapalitan

Nanggalaiti ang Asawa ng Lalaki nang Hindi Mapalitan ang Sira Nilang Telebisyon, Isang Paraan ang Naisip Niya upang Ito’y Mapalitan

“Ano nang balak mo sa telebisyong iyan, ha? Ilang beses na tayong bumalik doon sa tindahang iyon, hanggang ngayon, hindi pa napapalitan!” bulyaw ni Joana sa kaniyang asawa nang muling mapansin ang sirang telebisyon sa kanilang sala habang sila’y kumakain ng almusal.

“Hindi ko rin alam, mahal, gusto rin namang mapalitan ‘yan. Pero dahil nga lagpas na sa warranty, malabo talagang palitan nila ‘yan,” mahinahong tugon ni Amir habang pinapalamanan ang tinapay na ibibigay sa asawa.

“Diyos ko, Amir! Papayag ka na lang nang gano’n gano’n? Baka nakakalimutan mong sampung libong piso ‘yan! Inipon natin ‘yan ng ilang buwan tapos masasayang lang? Magpunta ka ulit sa tindahang iyon at huwag kang uuwi nang hindi napapalitan ‘yan!” sigaw pa nito dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga habang iniaabot dito ang tinapay na inihanda.

“Anong gusto mo, makipag-away ako roon? Ayaw na nga nilang pumayag, hindi ba? Ilang beses ka nang nagsisisigaw doon, ayaw ka nilang intindihin. Gusto mo, pati ako magwala roon?” tanong niya rito na lalong ikinagalit pa nito.

“Kung dapat kang magwala para mapalitan ‘yan, gawin mo! Umalis ka na at naaalibadbaran ako sa kat*ngahan mo!” sigaw pa nito saka inihagis sa kaniya ang iniabot niyang tinapay.

Labis na nanghihinayang ang padre de pamilyang si Amir sa sirang telebisyong kanilang nabili kamakailan lamang. Todo ipon pa naman sila ng kaniyang asawa para lamang mabili ito.

Sa katunayan, sa kagustuhan nilang dalawang magkaroon ng mapaglilibangan sa bahay dahil may kaniya-kaniya nang pamilya ang kanilang tatlo ng anak, labis nilang tinipid ang sarili upang makapag-ipon ng pera upang ito’y mabili. May pagkakataon pa ngang halos araw-araw sa loob ng isang linggo, puro de lata ang kanilang kinakain para lamang makapagtabi ng pera pangbili nito.

Kaya naman, nang makabuo na silang mag-asawa ng sampung libong piso, ganoon na lang ang tuwa nilang dalawa at agad nang bumili ng telebisyon sa tindahan ng mga gamit sa bahay.

Sa halagang mayroon sila, nakabili na sila ng isang malaking telebisyon na pangarap nilang mag-asawa noon pa man. Kaya lang, pagkauwi nila, napansin niyang tila iba ang kulay ng screen nito.

Ngunit imbis na agad itong isauli sa naturang tindahan sa mall, wika niya sa asawa, “Baka mahina lang ang signal ng antenna natin kaya gan’yan,” dahilan para magtiis din ito sa ganoong kulay ng telebisyon pero pagkalipas ng isang buwan, kung saan tapos na ang warranty nito, ayaw na nitong bumukas kaya’t doon na nila naisipang isauli iyon.

Kaya lang, kahit anong pilit ng kaniyang asawa na papalitan ito, ayaw pumayag ng may-ari ng tindahang iyon na labis nitong ikinagalit dahilan upang magwala ito roon.

Kaya ganoon na lang ang pagkainis niya nang siya’y pinababalik na naman ng kaniyang asawa roon upang ito’y mapalitan. Dahil nga rindido na siya sa bunganga ng asawa, mainit ang ulo niya pagkarating niya roon.

Nadatnan niyang may nagrereklamo ring ginang dito at sa sobrang galit ng ginang iyon, nagawa nitong ihagis ang mga plastik nitong paninda sa daanan na talaga namang ikinagulat niya!

Naawa siya sa tinderong iyon dahilan upang tulungan niya itong magpulot ng mga gamit na nasa kalsada.

“Kayo po ‘yong may sirang telebisyon, hindi ba?” tanong nito sa kaniya.

“Ah, eh, oo, eh. Gusto ko sana ulit magbakasakali, pinag-ipunan kasi talaga namin ng asawa ko ‘yon, eh. Kaya hinayang na hinayang kami,” sagot niya rito saka binigay ang mga napulot niyang gamit.

“Ganoon po ba?” tugon nito saka agad na pumasok sa loob ng tindahan.

Maya-maya pa, bumalik itong may buhat-buhat na isang bagong telebisyon na labis niyang ikinapagtaka.

“Sige po, palitan na po natin ‘yan. Pasensiya na kayo kung hindi ko kaagad tinanggap. Ako rin po kasi ang malulugi, eh,” paliwanag nito saka nilapag sa harap niya ang bagong telebisyon.

“Sigurado ka ba riyan?” tuwang-tuwa niyang paninigurado.

“Opo, sa lahat ng kustomer ko ngayon, kayo lang po ang mahinahong kumausap sa akin, tinulungan niyo pa akong magligpit,” sambit nito na ikinangiti niya.

“Diyos ko, matutuwa ang asawa ko!” sigaw niya saka labis na nagpasalamat sa lalaking iyon.

Ngiting-ngiti siyang umuwi saka agad na pinagmalaki sa asawa ang bitbit-bitbit niyang bagong telebisyon na labis din nitong ikinatuwa.

“Pa-paano mo napalitan?” tanong nito.

“Naging mahinahon lang ako at tinulungan ko siyang magpulot ng mga paninda. Naawa kasi ako sa kaniya, eh, may ginang na nagwala sa tindahan niya. Natuwa siya sa ginawa ko, kaya ito, may bago na talaga tayong magagamit na telebisyon!” sagot niya.

“Totoo ba ‘yan?” tuwang-tuwa sambit nito.

Doon niya napagtantong madali talagang makapag-iintindihan ang dalawang tao kung sila’y parehas na mahinahon.

“Sa buhay talaga, talo ka kapag inuna mo ang galit at emosyon. Pero kapag ika’y naging mahinahon, asahan mong uuwi kang nakangiti,” wika niya habang iniaayos ang naturang telebisyon.

Advertisement