Simula high school pa lamang ay palagi nang tinutukso ni Adrian si Raven dahil sa kapansanan nitong hindi nakapagsasalita.
“Ha? Ano ‘yon? ‘Di kita marinig!” paulit-ulit nitong sabi sa babae.
Kahit hindi na siya pinapansin ng babae ay patuloy pa rin ang kaniyang pang-aapi dito.
“Raven, kausapin mo naman ako. Bastos ka ba? Kita mong kinakausap ka tapos hindi ka sumasagot,” patuloy nitong pang-aasar sa dalaga.
Mayamaya ay hindi na nakatiis ang isa sa mga kaklase nila at sinuway siya sa paulit-ulit at walang habas niyang pang-iinis.
“Itigil mo na nga ‘yan! Kita mo nang may kapansanan ‘yong tao tapos ganiyan mo pa kung pakitunguhan. Paglaki mo mararamdaman mo rin ang pakiramdam ng apihin ng dahil sa bagay na ‘di mo naman ginustong mangyari sa’yo,” pagsuway ni Alex na isa sa mga kaibigan ni Raven.
Dahil dito ay nagsilapitan ang mga kaklase nila at pinagtulungan si Adrian dahil sa mga pang-aasar nito kay Raven.
“Ang lakas ng loob mong mang-api ng mga kinakayan-kayanan mong tao!” sabi ng isang kaibigan ni Raven.
“Oo nga! Pero sa amin na walang kapansanan hindi mo magawa ‘yan,” pagsang-ayon ng isa pa nitong kaklase. Dahil dito ay natigilan sa pang-aapi si Adrian at nagpunta sa sulok para manahimik. Labis ang hiya na kaniyang naramdaman dahil sa kaniyang mga ginawa.
Sumunod na araw sa eskwelahan ay nagbalak si Adrian na humingi ng tawad kay Raven subalit nangibabaw ang kaniyang pagkahiya kaya hindi ito natuloy. Nanatiling tahimik sa tabi si Adrian buong araw habang pinapakinggan ang mga kaklase niyang masaya at ang iba naman ay pinag-uusapan siya.
Ilang araw ang nakalipas, habang naglalakad sa parke ang binata ay nakapulot ito ng libro tungkol sa sign language para sa mga pipi.
“Sign language? Ayos ‘to, ah. Pwede ko ito pag-aralan para maintindihan ko ng maayos si Raven. Para na rin makahingi ako ng tawad sa kaniya,” masayang sabi ni Adrian sa kaniyang sarili.
Agad itong umuwi at sinimulan ang pag-aaral ng mga simpleng sign language.
Linggo ng hapon habang papunta ang binata sa simbahan ay nagulat ito ng makasalubong niya si Raven nang mag isa.
“Raven?” nahihiyang sabi nito sa dalaga. Hindi naman siya pinansin ng dalaga dahil bigla itong yumuko para itago ang sarili. Dahil dito ay nilapitan niya ang dalaga at unti-unting itinaas ang kaniyang kamay. Nagsimula siyang magpakilala gamit ang sign language.
“Paano ka natuto?” gulat na sagot naman ng dalaga gamit ang sign language. “Nag-aral ako para makausap kita. Puwede ba akong makipagkaibigan?” sabi ni Adrian habang kinakabahan. “Oo naman. Masaya ako dahil magkaibigan na tayo,” sagot ni Raven.
Dahil dito ay inihatid ni Adrian ang dalaga sa kaniyang tahanan kung saan sinalubong sila ng ina nito.
“Ikaw ba si Adrian?” tanong nito habang nakatingin sa mga mata ng binata.
“Opo,” nauutal na sagot naman ni Adrian. Agad siyang nilapitan ng ina ni Raven at sinampal. Hinawakan naman ni Raven ang ina at pilit na pinauwi ang bagong kaibigan.
Habang naglalakad papalayo si Adrian ay nakarinig pa ito ng sigaw ng ina ng dalaga.
“Huwag na huwag mong pagtatawanan ang kapansanan ng anak ko! Muntik na niyang lisanin ang mundo nang dahil sa’yo!”
Halos madurog ang puso ni Adrian dahil sa kaniyang narinig. Kaya naman kumaripas ito ng takbo hanggang makauwi ito sa kaniyang bahay.
Kinabukasan habang nakatayo si Adrian sa harap ng kaniyang paaralan ay nagulat ito dahil nakaramdam siya na may kumakalabit sa kaniya. Paglingon nito ay isang magandang dilag ang nakangiti sa kaniyang harapan.
“Raven? Kumusta ka? Ayos ka na ba?” tanong ni Adrian sa dalaga. “Oo naman. Pasensya ka na kay mama, ha,” sagot naman ni Raven.
“Wala namang kasalanan ang mama mo. Katunayan ay ako nga ang may kasalanan. Pero, Raven, totoo ba ‘yung sinabi niya? Muntik ka nang magpakm*tay noon?” muling tanong ni Adrian sa kaibigan. Hindi naman na pinansin ng dalaga ang tanong nito at hinawakan ito sa braso para sabay na pumasok sa eskwelahan.
Pagpasok nila sa kanilang silid-aralan ay nagulat ang lahat nang makita na magkasama ang dalawa, nagtatawanan habang nag-uusap gamit ang sign language.
“Anong nangyari? Bakit kayo magkasama? Bakit kayo magkaibigan?” nagtatakang tanong ni Alex.
“Oo nga. Halos buong buhay mo nang inaasar si Raven pero ngayon magkaibigan na kayo? Baka naman pinagtitripan mo lang siya, ha!” sabi pa ng isang kaibigan ni Raven.
“Hindi. Hindi ko niloloko si Raven. Katunayan nag-aral ako ng sign language para maging kaibigan si Raven. Para na rin makahingi ako ng tawad sa kaniya. Kaya ngayong nandito tayong lahat, Raven, sorry. Sorry sa lahat ng kasalanan ko sa’yo. Sorry kasi binully kita noon. Alam ko magkaibigan na tayo ngayon pero sana mapatawad mo ulit ako,” buong pusong sabi ni Adrian kay Raven habang nakaharap sa buong klase. Dahil dito ay pinatawad siya ng dalaga at dahil sa pagiging totoo ni Adrian ay dumami ang mga kaibigan niya.