Inday TrendingInday Trending
Ang Napapala Ng Pasikat

Ang Napapala Ng Pasikat

Bulong-bulungan na naman sa opisina nila ang pagrampa kanina ni Andrea suot ang kaniyang bagong designer shoes at bag. Orig na orig kasi ang mga iyon at halatang galing pa sa ibang bansa.

“Ang suwerte ni Andeng, ano?”

“Oo nga, e. Kaso, yumayabang na siya, girl!”

“Pansin ko rin. Nakatikim lang nang kaunting ginhawa, grabe na kung makaasta!”

“Pero in fairness, ha? Ang ganda talaga noʼng bag at shoes!”

Siyempre, tuwang-tuwa na naman si Andrea dahil tagumpay ang kaniyang pagpapasikat! Donyang-donya na naman siya sa mga mata ng kaniyang mga kaopisina kahit pa nga maliit na, delayed palagi ang sahod nila.

Feel na feel ni Ate girl ang pagiging maganda dahil regalo iyon sa kaniya ng boyfriend niyang foreigner. Simula nang maging sila ng nobyo ay wala nang ginawa si Andrea kundi ang ipabili ang lahat ng kaniyang luho rito. Wala namang pag-aatubiling ibinibigay iyon ng kaniyang nobyo.

Marami sa mga kaopisina ni Andrea ang naiinggit dahil nga sa bagay na iyon na labis namang napagpapataas sa pride ng pasikat na dalaga.

Tumagal pa nang tumagal ang ganoong sitwasyon na lalong ikinalaki ng ulo ni Andrea.

Hanggang sa isang araw ay niyaya na siya ng kaniyang nobyo na sumama rito sa ibang bansa. Pangako pa nitoʼy gagawin daw siyang reyna!

Walang pag-aatubiling umoo kaagad ang pasikat na si Andrea sa alok ng nobyo. Abaʼy tatanggi pa ba siya kung langit na ang gustong ihandog sa kaniya nito?

Agad-agad ay nag-resign si Andrea sa kaniyang trabaho upang sumama na sa kaniyang nobyong kano. Ipinagmalaki pa iyon ni Andrea sa kaniyang mga kaopisina na may kasama pang pagyayabang at pang-aalipusta!

“Sa wakas, makaaalis na rin ako sa pesteng kompanyang ito! Makakaiwas na rin ako sa mga inggiteraʼt inggitero!” huling litanya ni Andrea noon bago tuluyang lumabas ng kanilang building.

Halos umusok naman ang mga ilong ng kaniyang mga dating kasamahan dahil sa galit sa kaniyang tinuran ngunit wala nang nagawa pa ang mga ito nang mga sandaling iyon kundi ang maghimutok na lang.

Bitbit na ni Andrea ang tatlong maletang naglalaman ng kaniyang mga gamit, bukod pa ang dalawa pang maletang ipinadadala ng kaniyang nobyo. Iniwan kasi nito ang mga iyon sa apartment na tinutuluyan niya nang huling dalawin siya nito noon at ngayon ay ibinilin ngang bitbitin daw niya papuntang US.

Excited na excited pa nga siya habang naglalakad nang mala-super model sa pasilyo ng airport—nang dalawang pulis ang humarang sa kaniya…

“Maʼam, sandali po, may nakita po kaming dr*ga sa dalawang maleta nʼyo, maʼam, sumama po kayo sa amin sa presinto.”

Gulat na gulat si Andrea nang bigla na lamang siyang posasan ng mga pulis at sapilitang isama sa presinto!

Ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo. Paulit-ulit niyang sinasabi sa mga ito na hindi kaniya ang maletang iyon at ipinadadala lang iyon ng kaniyang nobyo. Hindi naman kasi alam ni Andrea na may mga sikretong bulsa pala ang mga maletang iyon at doon nakalagay ang kilo-kiloʼt pake-pakete ng mga ipinagbabawal na gam*t.

Ilang beses na sinubukang tawagan ni Andrea ang kaniyang nobyong kano, ngunit hindi na nito sinagot pa ang ni isa sa kaniyang mga tawag. Labis na panlulumo ang naramdaman ni Andrea lalo na nang siyaʼy magtagal pa sa kulungan.

Walang ni isang malapitan si Andrea nang mga panahong iyon, dahil halos lahat ng mga taong malapit sa kaniya ay kaniyang niyabangan nang mga panahong mayroon pa siya’t namamayagpag sa pera. Ngayon niya tunay na naintindihang, mali pala ang lahat ng kaniyang ginawa.

Ngayon ay mag-isang hinaharap ng pasikat na si Andrea ang pagsubok sa loob ng selda lalo paʼt hindi niya rin makontak ang kaniyang mga kapamilya at ni wala siyang perang pampiyansa.

Iyak na lang ang tanging magagawa ni Andrea habang inaalala ang bawat pagrampa niya na may kasamang pagpapasikat at kayabangan noon, suot ang mga luhong palagi niyang ipinabibili sa kaniyang nobyo.

Kaya naman pala ito bigay nang bigay ng kung anu-ano ay dahil balak pala nitong ilagay sa peligro ang buhay niya para lang sa negosyo!

Samantala, nabalitaan ng dating mga katrabaho ni Andrea ang nangyari sa kaniya. Noong unaʼy gusto nilang magtawa sa napala ng napakayabang na dalaga, ngunit kalaunaʼy nagpasya silang tumulong na lamang dito. Mabuti na lang at tinamaan ng konsensiya ang mga ito kayaʼt ʼdi kalaunan ay nakalaya rin si Andrea na halos wala nang mukhang maiharap dahil sa kahihiyang napala niya mula sa pagyayabang.

Advertisement