Alas tres ng hapon nang maisipan ni Mang Tasyo, kwarenta anyos, na magdilig ng kaniyang mga pananim sa malawak niyang bukirin. Mag-isa na lamang siyang nakatira doon magmula nang mamayapa ang kaniyang mga magulang ilang taon na rin ang nakararaan.
Usap-usapan sa kanilang lugar na dahil daw sa “kakaibang” pag-uugali ni Mang Tasyo hindi na ito nakahanap ng babaeng pakakasalan. Wala ring gaanong nakikipag-usap sa kaniya dahil “weirdo” at nakakatakot daw itong tumingin lalo na sa mga kababaihan.
“Neng! Bumili ka na muna ng suka. Huwag kang dadaan doon sa bukirin ni Mang Tasyo, ah. Alam mo namang kakaiba iyon kung kumilos,” iyan ang kadalasang bilin ng mga ina sa kanilang mga dalagitang anak.
Halos lahat ay umiiwas na makasalamuha ang lalaki dala ng takot na baka kung ano ang gawin nito sa kanila. Sa tuwing may mapapadaan din kasi sa bahay ng lalaki ay umaalingasaw ang amoy ng bulok na karne.
Isang araw isang magandang dalaga ang napadpad malapit sa kinaroroonan ng kangkungan ni Mang Tasyo. Mayroon daw kasi siyang report na kailangang tapusin para sa kaniyang pag-aaral. At dahil kinakailangan niyang maghanap ng mai-interview naisipan niyang si Mang Tasyo ang puntahan dahil bata pa lamang siya’y naririnig na niya ang mga tsismis patungkol sa lalaki.
Marami ang pumigil sa dalaga ngunit desidido siyang kilalanin pa ang lalaki. Naniniwala rin kasi siyang wala namang masamang ginagawa ang lalaki upang katakutan at pandirihan ito ng husto ng mga tao.
“Mang Tasyo?” sigaw ni Andrea habang nasa tapat ng bahay ng lalaki. Doon pa lamang ay amoy na amoy na niya ang mga tila nabubulok na karne sa loob ng tirahan ng lalaki.
“Anong kailangan mo? Bakit ka nandito?” uutal-utal na tanong ni Mang Tasyo. Laking gulat niya nang may taong napadpad sa kaniyang lugar samantalang hindi lingid sa kaniyang kaalaman na nilalayuan siya ng mga tao.
“Pasensiya na po sa abala. Maaari ko ho ba kayong makausap sandali? Para lang po sa report ko sa school,” nakangiting paliwanag ng dalaga.
Kahit bakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng lalaki ay malugod niya pa ring pinapasok ang dalaga sa kaniyang bahay. Doon ay pinaupo niya ito sa nag-iisang upuan at tsaka inabutan ng isang baso ng malamig na tubig.
“S-alamat po,” sabi ni Andrea habang inilalabas ang kaniyang notebook at ballpen bilang tala ng kanilang pag-uusap.
Habang hinihintay ang lalaki na makaupo ay halos sumasakit na ang ilong ni Andrea dahil sa matinding amoy. Pansin din niya ang maraming matatalim na kutsilyong nakalapag lamang sa mesa ng lalaki. Labis nang kinabahan ang dalaga nang makita niya ang ilang marka ng dugo sa mesa.
Napansin ni Tasyo ang panginginig ng mga kamay ng dalaga.
“Hija, huwag kang matakot. Hindi ako masamang tao. Taliwas sa mga tsismis na kumakalat laban sa akin,” paliwanag ng lalaki upang mabawasan ang takot ni Andrea.
“Pero ano ho iyong amoy na ‘yon? Sa katunayan ang tsismis ho ay iyon ay amoy ng nabubulok na katawan ng mga taong binawian ninyo ng buhay,” sagot ng kinakabahan pa ring dalaga.
“Heto ba? Binibili ko kasi ang mga bulok na karne sa palengke mula sa mga tindera doon. Alam kong ikalulugi iyon ng negosyo nila dahil ganoon din ang negosyo ng mga magulang ko noong kabataan pa nila. Ginagawa ko na lamang iyon bilang pataba sa aking mga pananim tutal, eh, wala naman akong pinagkakagastusan,” paliwanag ni Mang Tasyo.
“Masakit para sa akin na sa kabila ng pagtulong ko’y masamang balita pa ang kumakalat patungkol sa akin. Kaya’t pinipili ko na lamang lumayo sa mga tao dahil noong sinubukan kong lumabas-labas ng bahay ay sinaktan lamang ako ng ilang kalalakihan,” malungkot pa nitong sabi.
Naliwanagan si Andrea. Lahat ng tsismis at katanungang nasa isip niya’y nasagot ng lalaki. Hindi nga masamang tao si Mang Tasyo bagkus ay isa itong mabuting nilalang na napagkaitan ng malayang buhay nang dahil sa mga tsismis lamang.
Napatigil ang dalawa nang bigla na lamang…
“Hoy! Huwag mong sasaktan ang dalaga. Lumayo ka sa kaniya!” sigaw ng isa sa mga kapitbahay ni Mang Tasyo. Kasama nito ang anim pang kalalakihan na may dalang kani-kaniyang mga armas na balak nilang gamitin upang tapusin na ang buhay ng lalaki.
Agad silang lumapit kay Mang Tasyo at tsaka nag-akmang hahampasin ang lalaki nang bigla silang pigilan ni Andrea.
“Huwag! Tama na po, huwag! Maawa po kayo sa kaniya. Mabuti siyang tao!” sigaw nang umiiyak na dalaga.
Napatigil ang mga kalalakihan sa kanilang narinig. Doon nagsimulang magpaliwanag ang dalaga sa kung ano ang pinagdadaanan ng lalaki.
Nagulantang naman sila nang matapos si Andrea sa pagkukuwento. Ininspeksyon din nila ang bahay ng lalaki at napatunayang bulok na karne ng baboy at baka mula sa palengke lamang ang pinanggagalingan ng masangsang na amoy na iyon.
Laking pagsisisi nila sa mga nagawang pangungutya at sa pagkakalat ng mga maling balita ukol sa lalaki. Nang dahil doon nang makabalik sila sa barangay ay ipinamalita nila ang kuwento ni Mang Tasyo. Napakaraming tao ang humanga at nalungkot nang dahil sa mga nangyayari.
Simula nung araw na iyon ay bumalik na ang dating sigla ni Mang Tasyo. Dahil na rin sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga ka-barangay niya ay naging normal nang muli ang pakikisama niya sa mga ito at naging isang ordinaryong mamamayan na siyang muli sa kanilang lugar. Patuloy pa rin siya sa pagtulong sa mga tindera sa palengke upang maiwasan ang pagkalugi ng mga ito sa tuwing nabubulukan ng mga karne.
Natutunan ng mga tao sa kanilang barangay na hindi maganda ang pagkakalat ng hindi kumpirmadong balita tungkol sa isang tao lalo na’t kung hindi naman nila ito lubos na kilala. Mabuti na lamang at dumating si Andrea sa buhay ni Mang Tasyo kung ‘di ay baka hanggang ngayon ay mag-isa pa ring nakakulong sa kaniyang bahay at patuloy na kinakatakutan si Mang Tasyo.