Inday TrendingInday Trending
Ang Pinagtalunang Bahay at Lupa

Ang Pinagtalunang Bahay at Lupa

Palaging napupuno ng saya at pagmamahal ang bahay ni Alfred kasama ang kaniyang asawa na si Sally at ang kanilang dalawang anak na sina Marco at Michelle.

“Mga anak, nakahanda na ba kayo? Naayos ko na ang T.V. natin para makapanood tayo ng sabay-sabay,” pag-aaya ni Alfred sa kaniyang pamilya habang inilalatag ang ilang pagkain na kaniyang hinanda para sa kanilang panonood.

“Opo, handa na kami, papa. Nagdamit pang-alis pa nga kami para kunwari sa labas talaga tayo manonood,” natatawang sagot ng magkapatid.

Natawa naman ang ama ng mga ito kaya agad rin itong nagtungo sa kaniyang kwarto para magpalit ng pang-alis.

Pagbalik ni Alfred ay nagtawanan ang kaniyang mga anak dahil sa kanilang kalokohan.

“Papa, parang aalis talaga tayo, ah! Naka-long sleeves ka pa at black shoes,” natatawang sabi ni Marco habang hinahawi ang buhok ng ama.

“Ganoon talaga, mga anak. Dapat palaging masaya sa loob ng ating bahay para tuluy-tuloy lang ang pasok ng saya at suwerte sa ating pamilya,” sagot naman ni Alfred sa mga anak.

“Kaya mahal na mahal namin kayo ni mama, eh. Kahit na matatanda na kami ay bine-baby niyo pa rin kami,” sagot naman ni Michelle habang pinapapak ang ilang pagkain sa lamesa.

“Oo nga pala. Nasaan ang mama niyo? Teka nga at hahanapin ko siya,” sabi ni Alfred habang naglilibot sa kanilang bahay.

Habang nag-iikot ang lalaki sa labas ng bahay nila ay nakita niya na may kausap ang kaniyang asawa sa telepono.

“Sally! Bakit ka nandiyan? Kanina ka pa namin hinahanap ng mga anak mo. Sinong kausap mo?” nakangiting tanong ni Alfred habang inaalalayan ang asawa sa paglalakad papasok ng kanilang bahay.

“Ah, Si ate ‘yun, may sinabi lang na mahahalagang bagay kaya lumabas ako saglit,” sagot naman ni Sally habang patuloy ang paglalakad nila pabalik sa sala.

“Sobrang close niyo talaga ng kapatid mo, ano? Sana ganiyan rin kami ng mga kapatid ko bago sila mawala,” sabi ni Alfred bago pa man simulan ang unang palabas na kanilang papanoorin.

Makalipas ang ilang oras ay tumayo muna saglit ang padre de pamilya dahil sa pangangalay nito sa pagkakaupo. Naisipan nitong lumabas na muna saglit para makalanghap ng sariwang hangin subalit pagkalabas nito ng bahay ay may napansin itong isang lalaki na naglalakad papunta sa kanila kaya naman ito ay nabahala at sinarado ang ilang pinto at ni-lock ang mga bintana.

“Pa, ok lang kayo?” nag-aalalang tanong ng magkapatid. “Umakyat na muna kayo sa kwarto ninyo at may lalaki sa labas ng bahay natin,” sagot ng kanilang ama.

Labis naman ang takot na naramdaman ng dalawa kaya nagmadali silang umalis sa sofa subalit bago pa man sila makaakyat ay narinig na nila ang mga katok na galing sa kanilang pintuan.

“Sino yan?” sigaw ni Alfred sa kabilang pintuan. “Sir may itatanong lang ho ako. Dito ba nakatira si Sally?” sagot naman ng lalaki.

Labis na takot ang naramdaman ng pamilya ni Alfred dahil kilala nito ang ina ng tahanan.

“Sally, papasukin mo na ko. Ayaw mo bang malaman nila kung sino ako?” natatawang sabi pa ng lalaki.

Walang nagawa si Alfred kung ‘di buksan ang pintuan at harapin ang lalaking nanggugulo sa kanila.

“Anong kailangan mo sa asawa ko?” inis na tanong ni Alfred sa lalaki.

“Itatanong ko lang naman kung bakit niya ako kailangang iwan dahil sa nagkakaayos na kayo,” nakangising sagot ng lalaki.

Dito naalala ni Alfred ang huling kasalanan ng kaniyang asawa kung saan siya ay nanlalaki. Hindi maipaliwang ang galit na naramdaman ni Alfred sa asawa at sa lalaki. Pinalayas niya ang kaniyang asawa kasama ang kabit nito at pinangakuang walang makukuha na kahit isang gamit mula sa kanilang bahay.

Kinabukasan ay nagtungo si Alfred kasama ang dalawang anak sa presinto para kasuhan ang asawa niya at ang kabit sa panggag*go nila. Sumunod naman na dumating ang abogado ni Alfred dahil nabalitaan nito na balak kunin ni Sally ang bahay at lupa na nakapangalan sa kanilang mag-asawa.

“Malaki ang laban natin dito, Alfred. Nagloko ang asawa mo at sumama sa ibang lalaki imbes na magmakaawa sa’yo. Dahil doon ay walang parte ng bahay o lupa na makukuha si Sally at ang kabit nito. Isa pa ay maaari silang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon,” sabi ng abogado ng lalaki.

Agad naman na pumayag si Alfred at inilaban ang karapatan nito na mag may-ari ng bahay at lupa. Pinadakip nito sa mga pulis ang kaniyang asawa at ang kabit nito at nahatulan sila ng adultery. Hindi naman nakaramdam ng awa sina Michelle at Marco sa kanilang ina dahil sa ginawa nito sa kanilang ama. Masaya silang sumama sa kanilang ama palabas ng korte.

Advertisement