“Buntis ako, Carlo,” umiiyak na bunyag ni Tanya sa kaniyang kasintahan. “Ano ang gagawin natin?” hagulgol niya.
“H-hindi maaari iyan!” galit namang sambit ni Carlo.
Isang taon pa lamang ang realsyon ni Carlo at Tanya kapwa labing pitong taong gulang at nasa kolehiyo. Madalas na nasa boarding house ni Carlo ang dalaga at minsan ay naiiwanan lamang silang dalawa doon kaya marahil ay natukso silang gumawa ng hindi dapat. Dahil sa pagiging mapusok ng dalawa ay hindi inaasahan na nabuntis si Tanya. Ngunit tila takot si Carlo sa responsibilidad kaya ang nais nito ay ipalaglag nila ang bata.
“Tanya, alam mong yari ako sa mga magulang ko lalo na sa mommy ko kapag nalaman niyang nakabuntis ako,” pahayag ni Carlo. “Hindi mo pwedeng ituloy ang pagbubuntis mo na iyan! Paano na lang ang pag-aaral natin?” dagdag pa niya.
“Naisip mo ba ‘yan noong may ginagawa tayo? Ang sabi mo ay mahal mo ako kaya pumayag akong gawin natin ang nagawa na natin. Tapos ngayon ay ganiyan ang sasabihin mo? Anak mo ‘to, Carlo!” pinipigilan ni Tanya ang sumigaw ngunit lubusan na ang kaniyang galit.
“Ang babata pa natin, Tanya. Paano tayo magiging magulang sa batang ‘yan. Papahintuin ako ng mommy ko at pagtatrabahuhin. Ayoko ng ganoong buhay, Tanya! Hindi ko pa kaya,” saad ng binata. “May tropa akong nakabuntis at pinalaglag nila ang bata. Pwede tayong manghingi ng tulong doon kung saan pwedeng tanggalin ang batang ‘yan. Hindi pa panahon na maging tatay ako,” giit ni Carlo.
“Ang gusto mo, Carlo ay p*tayin ang anak natin, ganoon ba? Hindi mo naisip na magiging delikado din ito para sa buhay ko? Wala kang iniisip kundi ang iyong sarili,” wika ng dalaga.
“Kung hindi ka payag na ipalaglag ang batang iyan ay mabuti pang maghiwalay na tayo. Hindi ko pananagutan ‘yan!” mariing sambit ng nobyo.
Nang malaman ng kanilang mga magulang ang nangyari ay naghabol ang pamilya ni Tanya ngunit matigas ang pamilya ni Carlo. Iginigiit nila na hindi sa binata ang dinadala ni Tanya at wala itong pananagutan sa dalaga. Lubusang ikinalungkot ito ni Tanya.
Nais mang huminto ng pag-aaral ni Tanya dahil sa kahihiyan ay hindi niya ito ginawa sapagkat alam niyang mas mapapariwara ang kaniyang buhay kung wala siyang pinag-aralan. Sa puntong iyon ay desidido na ang dalaga na buhayin mag-isa ang anak na nasa kaniyang sinapupunan.
Halos hatiin ni Tanya ang kaniyang katawan sa pagiging estudyante, trabahador at isang ina sa kaniyang anak na si Adrian. Ni isang kusing kasi ay walang nahinging tulong ang dalaga mula sa ama ng batang lalaki. Pero sa tuwing maiisip niyang nais na ipalaglag ni Carlo ang kanilang anak ay nasusuklam siya rito. Kitang-kita naman ng mga magulang ni Tanya ang paghihirap na kaniyang pinagdaraanan.
“Anak, lakasan mo lamang ang loob mo. Pasasaan din at magiging ayos ang lahat. Narito lamang kami ng tatay mo para tulungan ka. Huwag kang mahihiyang magsabi,” wika ng kaniyang ina.
Ilang taon ang nakalipas at nabalitaan na lamang ni Tanya na nagpakasal na sa isang anak ng hukom si Carlo habang siya ay hirap na hirap na mag-isang nagtataguyod sa kanilang anak. Kung ano-anong klaseng trabaho ang pinasok ni Tanya para lamang igapang ang pag-aaral ng bata. Minsan ay may mga naririnig pa si Tanya na opinyon ng iba na lubusang nakakasakit ng kaniyang kalooban.
“Kung hindi ka kasi nabuntis ng maaga e ‘di sana hindi ganyan ang kinahantungan mo, Tanya. Inuna mo kasi ang landi kaysa sa pag-aaral,” sambit ng tiyahin niya. “Pinag-aaral ka kasi ng magulang mo kung ano-ano ang inaatupag mo,” dagdag pa ng babae. Hindi na umimik pa si Tanya sapagkat naniniwala siya na isang araw ay papatunayan din ng pagkakataon na hindi mali ang ginawa niyang ipagpatuloy ang kaniyang pagbubuntis.
Habang naglalakad sa isang mall si Tanya at ang kaniyang anak na lalaki ay may lumapit dito.
“Magandang hapon sa inyo, gusto ko lang po sanang itanong kung interesado kayo na subukan ng anak ninyo ang pag-aartista. Puwede po siyang mag-VTR. Ito po ang aking tarheta. Nariyan po ang aking numero kung handa na po kayo, tawagan ninyo lamang po ako,” sambit ng babae.
Hindi naman makapaniwala si Tanya. Noong una ay nag-aalinlangan pa sila sa tunay na katauhan ng babae. Ngunit ng sabihin ng anak ni Tanya na kaniyang nais na mag-artista ay agad nila ‘tong tinawagan.
“Wala namang mawawala sa atin, ma, kung susubukan ko. Pangako po at gagalingan ko,” sambit ng anak ni Tanya.
Hindi naglaon ay nag-VTR na nga itong si Adrian. At umaayon sa kanila ang kapalaran dahil nakapasa ito kaagad at nakuha sa isang komersiyal sa telebisyon. Dito na nagsimula ang karera ng binata sa mundo ng showbiz. Sunod-sunod ang mga naging proyekto ng binata. At hindi nagtagal ay nakuha na rin niya ang kaniyang inaasam na papel bilang isang bida sa isang pelikula. Mula noon ay naging maganda na ang buhay ng mag-ina.
Naging matagumpay si Adrian at patuloy na napayagpag ang pangalan niya sa ganitong industriya. Hanggang sumubok siyang mag-audition sa Hollywood. Kahit halos butas ng karayom ang kaniyang dinaanan ay hindi siya sumuko hanggang makuha niya ang kaniyang pangarap.
Ngayon ay hindi na lamang sa Pilipinas sikat si Adrian kundi maging sa buong mundo. Dahil sa kaniyang galing sa pag-arte ay napili ang binata na bigyan ng isang parangal.
“Maraming salamat sa lahat ng sumusuporta sa akin. Hindi po naging madali ang buhay namin ng nanay ko. Hindi naging madali ang pinagdaanan namin upang makrating ako kung nasaan man ako ngayon. Lahat ng ito ay utang ko sa aking ina,” pahayag niya.
Bumalik ang lahat kay Tanya. Naisip niya na mabuti na lamang kahit na sa murang edad siya nabuntis ng dati niyang nobyo na hindi siya pinanagutan ay hindi niya nagawang ipalaglag ang noon ay nasa sinapupunan pa lamang na si Adrian.
Pagkatapos ng talumpati ni Adrian ay agad siyang lumapit sa ina at biniyan ito ng mahigpit na yakap at halik sa pisngi.
“Maraming salamat, ma. Kayo po ang inspirasyon ko,” sambit ni Adrian sa kaniyang ina.
“Maraming salamat din, anak. Kung uulitin ang buhay ko ay ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin kong maging anak ko,” wika naman ni Tanya na naluluha sa tagumpay ng kaniyang anak.
Ang mga anak ay biyayang bigay sa atin ng Panginoon. Bilang isang magulang ay dapat natin silang ingatan at pahalagahan. Tungkulin natin na buhayin sila at bigyan ng magandang kinabukasan sa kabila ng kahit anong nararanasan natin sa buhay. Malay natin sila pala ang magdadala sa atin sa mas magandang hinaharap.