Inabutan ni Cynthia ang kaniyang mga magulang na sina Mang Berto, isang basurero at Aling Cynthia na isang labandera na nag-aaway sa kanilang bahay, isang araw nang makauwi siya mula sa paaralan.
“’Nay, ‘tay, tama na ho!” awat ng dalaga. “Bakit po kayo nag-aaway?”
“Tanong mo riyan sa tatay mong magaling. Alam naman niyang salat tayo sa buhay ay itinulong pa niya ang perang kinita niya ngayong araw doon sa anak ni Aling Baby!” sambit ng ina.
“Nadisgrasya ‘yung bata, Dolores! Ano ang gusto mong gawin ko? Tumunganga lamang doon? Kung marami nga akong pera ay sasagutin ko na ang pagpapagamot sa bata. Alam mong mas salat sila sa buhay,” sambit ni Mang Berto.
“Tingnan mo ngayon, ano ang babaunin ng anak mo bukas? Ni bigas wala tayo nakuha mo pang tumulong diyan!” galit niyang sambit sa asawa.
“Inuuna mo ang pagtulong sa kapwa gayong tayo nga ay wala rin,” dagdag pa ni Dolores.
Kilala si Mang Berto sa kanilang lugar na madaling lapitan. Kahit kasi isang basurero lang ito ay bukas palad ito kung tumulong sa kaniyang mga ka-baranggay. Kaya madalas silang mag-away ng kaniyang asawang si Dolores.
“Hindi naman tayo nagkukulang. Nakakagawa naman ako ng paraan. Dapat nga mas nauunawaan natin sila sapagkat nararanasan natin kung ano ang nararanasan nila. Sino pa ang tutulong sa atin kung hindi tayo-tayo rin,” sambit niya sa asawa.
“Ewan ko sa’yo. Tignan natin kung may patunguhan ‘yang kabutihan mo. Tingnan mo nga hanggang ngayon ay mas mahirap pa tayo sa daga,” tugon naman ni Dolores.
Kahit pa ano ang sabihin ng asawa ay hindi tumigil si Mang Berto sa kaniyang kinagawian.
Isang araw ay galing siya sa kaniyang pamamasura nang biglang isang matandang lalaki ang bumulagta sa kaniyang harapan.
“Ginoo, ginoo. Ayos lang po ba kayo?” natataranta niyang sambit sa matanda. Dahil hindi na nagsasalita ang lalaki ay agad niyang binitbit ang lalaki at dinala sa ospital.
Tinignan ni Mang Berto ang dala niyang pera na nagkakahalaga lamang ng dalawang daan piso. Iniabot niya ito sa mga nars doon.
“Miss, eto lang ang dala kong pera. Kunin mo nang lahat ng iyan. Pakiusap ko lang sa inyo ay gawin ninyo ang lahat nang makakaya niyo upang maging maayos ang kalagayan ng matandang iyan,” wika niya.
‘Kaano-ano ninyo po ba ang pasyente?” tanong ng nars.
“Bigla na lamang siyang hinimatay sa harap ko kanina. Ngayon ko lamang siya nakita sa aming lugar. Wala rin siyang pagkakakilanlan,” tugon ni Mang Berto.
Umuwi si Mang Berto sa kanilang bahay na walang dalang kahit ano.
“Walanghiya ka! Itinulong mo na naman ang pera. Paano ‘yan ngayon? Wala tayong panggastos!” galit na wika ni Aling Dolores.
“Dolores, halos mag-agaw buhay ang matanda sa harapan ko, tapos ang nais mo ay wala akong gawin? Ang gusto mo, iwan ko na lamang siya doon at pabayaan? Hindi maaatim ng konsensya ko ‘yun!” depensya ni Mang Berto sa asawa. “Dolores, kinikita ang pera. Paano na lamang kung ako ang nasa ganoong sitwasyon? Hindi mo ba nanaisin na tulungan din sana ako ng isang taong makakita sa akin sa daan. Tama na ang pag-uusap na ito. Gagawa ako ng paraan para magkapera tayo kahit ipangutang ko pa,” wika niya.
Kinabukasan ay bumalik si Mang Berto sa ospital upang tingnan ang kalagayan ng matanda. Ikinagalak ng ginoo na kahit paano ay gising na ito. Subalit hindi maitatanggi na nanghihina ito.
“Kanina pa kita hinihintay,” sambit ng nanghihinang matanda. “Maraming salamat sa’yo. Kung hindi dahil sa’yo ay baka sa gitna na ako ng lansangan binawian ng buhay,” dagdag pa niya. “Bilang ganti ay mayroon akong nais ibigay sa’yo,” saad ng ginoo habang may ibinibigay na isang kapirasong tela.
“Ano ho ito, ginoo?” pagtataka ni Mang Berto.
“Buksan mo nang makita mo,” tugon niya. Binulatlat ni Mang Berto ang tela.
“Mapa iyan ng kayaman. Matagal nang nasa akin ‘yan at dahil busilak ang iyong kalooban ay nais ko itong ibigay sa iyo. Gamitin mo ito sa tama, iyan lamang ang pakiusap ko sa’yo,” wika ng matanda at saka ito binawian ng buhay.
“Sandali lamang, ho! Ginoo!” natataranta niyang sambit. Ngunit hindi na nagising ang matandang lalaki.
Dahil wala siyang kakayahang ipalibing ang matanda ay agad niyang tinignan ang mapa na binigay nito sa pagbabakasakaling tunay nga ang sinabi ng matanda tungkol sa kayamanan. Agad niyang pinuntahan ang lugar na tinutukoy sa mapa. Sinundan niya ang mga palatandaan at dinala siya nito sa isang kuweba at sa loob nito ay mayroong isang mababaw na sapa. Kinapa niya ang ilalim ng sapa at kaniya ngang natagpuan ang tinutukoy na lalagyanan sa kapirasong tela. Nang kaniya itong buksan ay tumambad sa kaniya ang mga ginto at alahas.
Laking gulat ni Mang Berto sa kaniyang tangan. Hindi niya akalain na tunay ang kayamanan na sinasabi ng matandang lalaki. Nang iniuwi niya ang mga ginto at alahas ay lubusang nagulat itong si Dolores. Kinuwento niya ang lahat ng nangyari. Binago nito masyado ang buhay ng mag-anak.
Ang una niyang ginawa sa kayamanang nakuha ay binigyan niya ng maayos na libing ang matandang ginoo. Tulad ng kaniyang pangako sa matandang ginoo ay ginamit ni Mang Berto ang kayamanang natanggap sa pagtulong sa kapwa. Hinding-hindi makakalimutan ni Mang Berto ang matandang lalaking nagbago sa kanilang buhay. Dahil sa kabaitan ng ginoo siya ay nagantimpalaan.