Inday TrendingInday Trending
Ang Katotohanan sa Likod ng Yaman

Ang Katotohanan sa Likod ng Yaman

“Papunta na ako sa mall.”

Iyon ang tinipa niyang mensahe para sa kaibigan. Mabilis naman itong sumagot.

“Ang aga aga pa! Alas-diyes pa ang bukas ng mall. Literal na hihintayin mo?”

Napangiti siya nang maisip ang nakanguso nitong mukha. Malamang ay kagigising pa lang nito. Hindi talaga ito nagigising ng maaga. “9:30 na, Angeleen. Hindi na maaga. ‘Wag ka magmadali, ayos lang ako rito.”

Ang totoo ay inagahan talaga niya ang pagpunta para makabili ng mga kailangan. Siguradong hindi niya iyon magagawa kapag nariyan ang kaibigan dahil mauubos ang oras nila kakaikot at kakabili ng kung ano-ano. Anak mayaman kasi hindi tulad niya. Tiyak na marami din itong ikukuwento dahil halos dalawang linggo rin ang lumipas nang huli silang magkita.

Naging abala kasi sila pareho sa kanya-kanyang pag-aaral. Magkaiba pa ang paaralan nila. Naiwan siya sa kanilang probinsiya at ito naman ay lumuwas ng Maynila.

Pangarap niya rin na mag-aral sa Maynila, ngunit hindi natupad dahil wala silang sapat na pera. Si Angeleen ay ang bunsong anak ng pamilyang pinaglilingkuran ng kanyang mga magulang. Ang nanay niya ay isa sa mga katulong at ang tatay niya naman ay drayber ng mga ito noon.

Magkasing-edaran lamang sila ni Angeleen, ang sabi ay ilang minuto lamang ang pagitan ng pagsilang sa kanila. Kaya siguro ganoon na lamang kalapit ang loob nila sa isa’t-isa.

At saka gustong-gusto niya na hindi man lang ito ang nahihiya na maging kaibigan niya. Kung tutuusin kasi ay para siyang katulong kapag tumabi rito. Masyado itong maganda, ang mahaba nitong buhok ay aakalain na sa modelo, ang balat ay talagang napakakinis. Wala man lang bahid ng kahit na ano hindi gaya ng sa kaniya na puno ng kalyo dala ng hirap sa buhay.

Napakabait pa nito at hindi kailanman ipinaramdam sa kanya ang pagkakaiba nilang dalawa. Kaya naman kahit na minsan ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob at inggit sa kaibigan.

“Sa totoo nga lang, Mika. Ako ang dapat na mainggit sa iyo.”

Naalala niya ang pag-uusap nila noon.

“Ha? Bakit naman?” naguguluhan niyang tanong.

Malungkot itong ngumiti at bumuntong-hininga.

“Ang akala kasi ng mga tao, porket marami akong pera ay nasa akin na ang lahat. Mali sila. Ang gusto ko ay hindi kailanman mabibili ng pera. Ang pagmamahal at atensyon ni Mommy.”

Alam niya ang bagay na iyon. Malayo ang loob nito sa ina, habang strikto naman ang ama nito sa kanya. Hindi niya rin alam kung bakit mabait ang mag-asawa sa kanya. Nagsabi pa nga ang nanay nito na si Madame Amanda na pag-aralin siya sa kolehiyo ngunit tinanggihan niya iyon.

“Buti ka pa nga, e. Halatang mahal na mahal ka nila Manong Alfred at Yaya Annaliza,” sabi pa nito.

Nalungkot siya para sa kaibigan at doon niya natutunan na higit sa yaman ay mas mahalaga ang pamilya. Kaya kahit na hindi sila mayaman ay ayos lang dahil alam niyang mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang.

Walang halaga o dami ng pera at materyal na bagay ang tutumbas dito.

Ilang oras ang inubos niya para sa pamimili ng kanyang mga kailangan. Matagal dahil palagi niyang pinipili ang pinakamura. Ayaw kasi siyang pagtrabahuin ng kanyang Tatay Alfred kahit na gustuhin niya. Nakikita niyang hirap na ito sa pagpasada araw-araw.

Palagi nitong sinasabi na mag-aral na lang siya ng mabuti kung gusto niyang makatulong.

Kaya naman pilit niyang tinitipid ang pera niya, para naman hindi siya palaging manghihingi bawat bayarin. Sa ganitong paraan ay makatutulong siya.

Nakaramdam siya ng gutom matapos mamili. Tinignan niya ang oras sa lumang cellphone at nakitang alas-dose na ng tanghali. Kaya naman pala siya nagugutom.

Inisip niya kung kakain na lang ba siya sa fast food chain o hihintayin ang kaibigan para makatipid. Ngunit sa huli ay pinili na lamang niya ang kumain dahil talagang sumasakit na ang kanyang tiyan. Isa pa, hindi pa nagtetext man lang ang kaibigan.

Siguro ay naliligo pa o naghahanda para pumunta.

Ilang oras pa ang lumipas ay wala pa kahit anino ng kaibigan. Sumasakit na ang kanyang pang-upo kakahintay. Kinuha niya ang cellphone at sinubukan na itong tawagan. Sa ikalawang rinig ay sumagot din ito.

“Hello? Hello Angeleen?” sambit niya sa kaniyang telepono.

Ilang segundo ang katahimikan hanggang sa marinig niya ang hikbi nito. Nanlaki ang kanyang mata. “Angeleen? Anong nangyayari?” ulit niya.

“Mika, nandito sila daddy at mommy.”

“Pinagalitan ka ba nila?” nag-aalalang tanong ng dalaga.

Mas lalong lumakas ang iyak at hikbi nito. Bilang kaibigan ay nadudurog ang kanyang puso. Hindi naman niya maalo ito dahil hindi sila magkasama.

“Hindi. Pero sana, sana pinagalitan na lang talaga nila ako kaya noon. Pero hindi kagaya ngayon…” muling gumaralgal ang boses.

“Gusto mo bang pumunta ako diyan?” nag-aalingangan niyang tanong.

Hindi siya sigurado pero mabait naman ang mommy nito sa kanya at kilala siya nito. Siguro naman ay papayagan siya nito na puntahan ang kaibigan.

“’Wag na! Aalis na rin naman ako. Hindi ko na gusto ang manatili dito.”

Gulat siya sa sinabi ng kaibigan ngunit hindi niya ito mapigilan dahil hindi niya pa alam ang dahilan. Ngunit nakasisiguro na siya na mabigat ang nalaman nito. Dati naman ay hindi nito naisip ang maglayas kahit na anong galit ng magulang.

“O sige, pwedeng sa bahay ka muna namin. Uwi na ako agad tapos ikuwento mo sakin kung anong nangyari, ha?”

Kaya naman mabilis siyang lumabas ng mall at sumakay agad ng jeep para makauwi. Pagdating niya ay naabutan niya ang kaibigan na inaalo ng kanyang ina. Umiinom ito ng tubig. Bahagyang kumirot ang kanyang puso sa nakita.

“Dito ka na pala… a-anak,” sambit ng kaniyang ina habang halatang umiiwas ng tingin sa kaniya.

“Anong nangyari, Angeleen? Anong nalaman mo?” tanong niya sa kaibigan.

Malalim itong bumuntong-hininga at nagkuwento. Ang kanyang nanay ay nanood sa kanila at nanubig ang mata. Maging siya ay gulat at naiiyak.

“Patawarin nyo ko… wala kaming ibang magagawa kundi iyon.”

“Kaya pinagpalit nyo kaming dalawa ni Angeleen, Nay? Pinamigay ako ni Madame sa inyo kasi pangit ako? Tapos ibinigay n’yo si Angeleen sa kanila?” bumubuhos ang luhang tanong ni Mika matapos magkwento ang kaibigan. Hindi siya makapaniwala kung paano pinaglaruan ang kanilang mga buhay at tadhana!

“Hindi ganoon iyon. Mahal kita, mahal ko kayong dalawa dahil para sa akin ay pareho ko kayong anak. Kaya nga lang ay maysakit si Angeleen noon at mamam*tay siya kung hindi maaagapan. Walang-wala kaming pera noon…” paliwanag ng ina.

“At ikaw naman, Mika, mahal ka ni madame. Hindi ka niya gustong ibigay sa akin, ngunit alam niyang iinsultuhin ka ng husto ng buong pamilya dahil…” umiiyak pa rin ito.

Tinuro niya ang mukha.

“Dahil pangit ako, ‘nay? Ganoon ba?!”

Umiling ito.

“Ayaw niya lang na mahamak ka rin kagaya niya. Anak, nagparetoke lang rin si madame. Pero alam kong mahal na mahal ka niya. Patawarin nyo kami sa nagawa namin.”

Niyakap nila ni Angeleen ang nanay.

Alam niyang mahal na mahal siya nito, hindi man sila magkadugo. Anak ang turing nito sa kanya at naging tunay na ina ito para sa kanya. Kaya naman, mapapatawad niya ito kahit na ano ang mangyari.

Ilang oras lamang ng pananatili ni Angeleen sa kanilang tahanan ay narinig nila ang pagparada ng jeep ni Tatay Alfred. Kasabay nito ay isa pang mamahaling sasakyan. Agad nilang natukoy kung sino ang bumaba.

Walang iba kundi sina madame at ang asawa nito.

Kasama ang tatay ay inimbitahan sila sa loob ng maliit nilang bahay. Nakita ni Mika ang pamumutla at ang mapulang mata ni madame nang makita sila ni Angeleen.

“Mika, Angeleen… patawarin nyo ako. Napilitan lang talaga ako na ibigay ka Mika kasi alam kong lalaitin ka nila kagaya ng ginawa sakin. Patawarin mo ako sa pagiging makasarili at duwag. At sayo naman, Angeleen. Patawarin mo ako kung hindi mo naramdaman ang pagmamahal ng isang ina.”

Pumalahaw ito ng iyak.

Niyakap ito ng asawa nito, ang nanay naman niya ay niyakap ng kanyang tatay.

Ngumiti silang dalawa ni Angeleen. Minsan may nagagawa tayong mali dahil sa pagmamahal. Ngunit ang mas mahalaga pa rin ay ang pagsisisi at pagpapatawad.

Niyakap nilang dalawa ang kanilang mga magulang – ang mga magulang na nagdala sa kanila sa mundong ito, at ang mga magulang na gumabay sa kanila simula pagkabata.

Simula ng malaman nila ang katotohanan ay mas naging malapit sa isa’t isa ang dalawang magkaibigan at ang kanilang mga magulang.

Advertisement