
Ang Pinaka-Espesyal na Pasahero
Ala-una na ng gabi nang matapos si Allan sa trabaho. Kaka-promote lang kasi sa kanya, dalawang linggo ang nakakaraan. Marami ang trabahong naiwan ng dating nasa posisyon niya. Kaibigan kasi ng boss kaya siguro hinayaan na lang at ipinasa ang lahat sa kanya.
Gusto sana niya ang magreklamo dahil halos hindi niya na-enjoy ang promosyon na ilang taon niyang pinahirapan dahil marami sa nakatambak sa kanyang lamesa ay malapit na ang deadline.
Ayaw rin naman niya na maisip ng mga ito na kabago-bago pa lang niya ay puro na siya magreklamo. Hindi naman iyon ganon, ngunit mahirap na ipaliwanag ang sarili kaya’t hinayaan na lamang niya ito.
Kaya heto siya ngayon, halos wala pang tulog. Madaling araw nang umuuwi. Madalas na nga siyang sermunan ng ina dahil halos gawin na raw niyang bahay ang opisina. Dalawang oras lang siya halos nakakatulog at kape ang naging sandigan niya para matapos ang mga gawain.
Iniisip niya na lang ang positibong bagay gaya ng malapit na ang una niyang sweldo para sa bagong posisyon. Sigurado siyang mas malaki ito kaysa sa dati. Siguro ay posible na makapundar ng telebisyon para naman may pagkaabalahan ang nanay niya at hindi ma-stress sa ginagawa niyang pagsubsob sa trabaho.
Tahimik na ang paligid.
Hindi naman siya natatakot na umuwi, maliwanag naman kasi ang kalsada at nakakalat ang CCTV. Ngunit kahit na ganoon ay nag-iingat pa rin siya, dahil ‘ika na ng ilan ay iba na ang mundo ngayon. Nag-iiba lang ang usapan kapag multo ang tinutukoy. Hindi talaga siya mapapanatag. Kahit na hindi pa naman siya nakakakita kahit na isang beses ay malakas ang paniniwala niya na totoo ang mga ito.
Sa naisip ay kusang tumaas ang kanyang balahibo. Niyakap niya agad ang braso at sinaway ang sarili. Hindi nakatutulong ang kanyang naiisip.
Maya-maya pa ay nakarating na siya sa harap ng hospital kung saan karaniwan na maraming jeep na dumaraan. Yun nga lang ay dahil ala-una na ng madaling araw ay naging madalang na ito. May mga dumaraan ngunit halos lahat ay puno na, ang iba nga’y may pasaherong nakasabit pa.
Napakamot siya sa kanyang batok. Inaantok na siya dala ng labis na pagod at gustong-gusto niya nang makauwi upang matulog.
Nang magtagal ay may dumaang taxi sa kanyang harap. Huminto at ibinaba ng driver ang salamin.
“Sakay ka?” tanong nito.
Iiling sana siya dala ng pagtitipid ngunit naisip rin niya na matatagalan pa bago talaga siya tuluyang makasakay. Ang dalawang oras niyang tulog ay posibleng maging isa na lang.
Bumuntong-hininga siya at mabagal na tumango sa driver. Binuksan nito ang pinto katabi nito. “Pasensiya na ha, dito ka na lang sa harap kasi nakatulog na ang misis ko,” anito.
Sinundan niya ito ng tingin at nakita ang isang babae na nakapikit habang nakaupo. Namumutla ito at nakasuot pa ng damit na pang-hospital.
“Ayos lang ho, walang problema. Mukhang kailangan niya ng pahinga,” tugon naman ng binata.
Sa haba ng biyahe ay hindi siya nakatulog kahit na inaantok.
“Ang late naman ho ng uwi nyo, sir,” komento ng driver matapos nitong pasadahan ng tingin ang kanyang damit na pang-opisina.
Tumango siya.
“Overtime ho, e. Alam n’yo na, mahirap kumita ng pera,” natatawa niyang sagot.
Tumawa rin ito at sumang-ayon. Siguro ay nililibang lang nila ang isa’t-isa para pigilan ang antok. Lalo na at ito ang nagmamaneho, ito ang may hawak ng buhay nila at ng kanyang misis.
Maya’t-maya nito kung tingnan mula sa salamin ang natutulog nitong esposa. Tahimik na pinanood niya ang mukha ni manong. May katandaan na ito, sa tantiya niya ay lagpas na sa limampu. Ganon din ang asawa nito na kahit na hindi niya masyadong nakikita ang mukha ay alam niyang hindi nagkakalayo sa edad.
“Galing po ba kayong ospital?” tanong niya sa halip.
Sandali lamang siya nitong tinignan. “Oo eh. May sakit kasi yung asawa ko. Sabi ng doktor, sakit sa puso.” Narinig niya ang kabiguan nito sa sinabi.
Tinignan niya muli ang kapwa pasahero.
“Ay ganon? Pakisabi ho sa misis nyo pagaling siya ha!” Ngumiti siya at nakita niya ang pagtango at pagngiti ng driver.
Tumahimik siya at pinanood ang daang tinatahak mula sa bintana hanggang sa makarating sa tapat ng kanilang bahay.
Nag-abot agad siya ng pamasahe pagkababa ngunit umiling ito at tumanggi. Kahit na anong pilit niya ay hindi talaga nito kinuha ang bayad niya.
Kinabukasan ay mas maaga siya na pumasok kaya naman imbes na sa opisina siya tumuloy at doon na muna sa kanilang maliit na cafeteria. Nakabukas ang TV at nanonood siya habang kinakain ang lugaw na binili.
Ipinakita ang isang balita tungkol sa taxi driver na hinahanap ng awtoridad dahil tinakas nito ang labi ng asawa matapos pumanaw dahil sa sakit sa puso. Wala raw itong maipambayad sa daang-libong naipong bayarin para lamang masubukang mapanatili ang kalusugan ng kaniyang misis. Kaya’t upang makapiling ang labi ng babae, wala nang naisip pang ibang paraan ang drayber kundi ang itakas ang kaniyang yumaong asawa.
Natahimik siya ng makita ang litrato ng drayber at napabuntong-hininga.
Bago magsimula sa trabaho ay umusal siya ng panalangin para sa dalawang tao. Una, para sa kaluluwa ng asawa ni manong driver na magkaroon ng katahimikan. Ikalawa, para kay manong driver mismo na handang tumulong kahit ang totoo, ito ang mas nangangailangan ng tulong.
Sana naipaabot ko man lang ang pakikiramay ko, malungkot niyang naisip habang sinisimulan ang panibagong araw sa kanyang trabaho.