
Nang Una Siyang Sumubok Makinig
“Jamais, nakikinig ka ba? Hoy!” Pasigaw na pagkuha ng atensiyon ni Ara sa kaibigan.
Nagulat na inialis ni Jamais ang tingin sa duguang lalaki na malungkot na nakatingin sa kaniya. Hindi niya na ulit ito tinignan pang muli at niyaya na ang kaibigan na sumakay ng tricycle kaysa magpatuloy sa paglalakad.
Nasa tricycle na sila nang magtanong muli si Ara. “May nakita ka na naman ba?” Tumango lang ang binata.
Ang kaluluwa ng lalaking nakita ni Jamais ay tila isang biktima ng aksidente. Tila may nais itong ipadalang mensahe sa mga naiwan nito. Ang ipinagtataka ni Jamais ay pamilyar siya sa lalaki. Hindi niya lang makita ng maayos ang mukha nito dahil balot ito ng dugo.
May kakaibang kakayahan si Jamais. Nakakakita siya ng mga bagay na hindi nakikita ng karaniwang mata ng isang tao. Nakakakita siya ng mga ligaw na kaluluwa o ‘yung mga kaluluwa na hindi pa nakakapunta sa kanilang paroroonan dahil may mga bagay pa sila na kailangang tapusin sa mundong ibabaw.
May mga taong pinagkakakitaan ang ganitong kakayahan. Ngunit para kay Jamais, isa itong nakakatakot na kakayahan na ayaw niyang dalhin. Kaya hindi niya kailanman ginamit ang kakayahan upang makipag-usap at tumulong sa mga kaluluwa. Hindi niya kailanman pinansin ang mga ito at nagpapanggap siya na hindi niya nakikita ang mga ito.
Alam ng mga tao malalapit sa kaniya ang kakayahan niyang ito. May iilan na nagsasabing subukan niya daw pumunta sa isang espiritista upang subukang ipaalis ang kakayahan niyang ito. May iba naman na nagsasabing gamitin niya ang kakayahan para tumulong sa mga pamilya ng pumanaw na.
Kagaya ng nanay niya. May mga pagkakataong kinakausap siya nito tungkol sa paggamit ng kaniyang kakayahan ngunit matigas ang kaniyang pagtanggi. Tila naiintindihan naman ng kaniyang ina ang takot na nararamdaman niya dahil hindi siya nito pinipilit.
Masama ang gising ni Jamais. Paggising niya ay halos atakihin siya sa puso nang makita niya ang kaluluwa ng duguang lalaki na nakita niya noong isang araw. Nakatayo ito malapit sa kaniyang bintana.
Kagaya ng dati hindi niya ito pinansin.
Pagtungo niya sa kusina ay naghahain na ang kaniyang ina. Nakaupo naman ang kaniyang ama at nagkakape.
“Nak, halika na’t mag-almusal,” sabi ng nanay ni Jamais at ipinaghila pa ang anak ng upuan.
Dahil wala sa mood nakikinig lamang si Jamais sa usapan ng mga magulang.
“Kawawa naman ang mga anak na naiwan ni Erik. Napakababata pa naman,” narinig niyang sabi ng ina. “Sinabi mo pa. Biglaan, eh,” napapailing na sagot ng kaniyang ama.
“Mag-iingat ka sa trabaho kung ganiyan, ha,” paalala ng ina sa kaniyang ama.
Isang inhinyero ang ama ni Jamais. Sa ngayon ay isang condominium ang proyekto nito.
Tumingin kay Jamais ang ina. “Anak, ano kaya kung subukan mong kausapin ang kaluluwa ng kaibigan ng papa mo?”
Tuluyan nang naubos ang pagtitimpi ni Jamais sa ina. Sa may kalakasan na boses ay nasabihan niya ang ina. “Ma, bakit ka ba paulit-ulit? Akala mo ba masaya para sa akin ang makakita ng mga taong pumanaw na? Ma, nakakatakot!” Padabog siyang tumayo at bumalik sa kaniyang kwarto.
“Anak…” magkapanabay na tawag na kaniyang ama at ina na hindi niya pinansin.
Umalis si Jamais sa bahay na mabigat ang loob. Nabigla din siya at napagtanto na mali ang ginawa niyang pagsagot sa ina. “Magso-sorry ako mamaya.” Ito ang nasa isip niya bago nagsimulang magtrabaho.
Tanghalian nang makatanggap siya ng tawag mula sa ina. Kinabahan siya nang marinig itong umiiyak. “Anak, ang papa mo!” Dali-dali siyang sumugod sa ospital.
Napapitlag si Jamais nang muling makita ang kaluluwa ng duguang lalaki sa pinto ng kwarto na kinaroroonan ng ama. Nagtataka man kung bakit ito naroon hindi niya ito pinansin at pumasok sa silid na kinaroroonan ng ama.
Naabutan niya ang ina na umiiyak sa tabi ng ama na maraming nakakabit na kung anu-anong aparato.
“Ma, ano pong nangyari? Kumusta na daw si papa?” Agarang usisa ni Jamais sa ina.
“Gumuho ang ginagawang building ng papa mo, anak. Ayon sa imbestigasyon hindi daw matibay ang pagkakagawa kaya nangyari ‘yun. Marami ang nasawi at nasaktan sa insidente,” umiiyak na kuwento ng kaniyang ina.
Hinagod niya ang likod ng ina.
“Ligtas na daw sa panganib ang papa mo basta magising lang siya bago lumampas ang 48 na oras,” pagpapatuloy ng ina.
Paglabas ni Jamais ng silid ay naroon pa din ang duguang lalaki.
Sa unang pagkakataon ay naglakas loob siya na kausapin ang kaluluwa ng lalaking magtatatlong araw nang sumusunod sa kaniya.
“Ano ho ang kailangan niyo sa akin?” pagsisimula ni Jamais. “Ako si Erik. Isa ako sa mga tao ng papa mo sa construction site. Sinusundan kita nung isang araw pa dahil gusto kong bigyan ng babala ang papa mo,” sagot ng lalaki.
Naalala niya na Erik nga ang pangalan ng katrabaho ng papa niya na nam*tay. Agaran siyang nagsisi na hindi niya ito pinansin. Nailigtas niya sana ang papa niya.
PBabala po? Para saan?” muling tanong ni Jamais sa lalaki.
“Ang foreman namin ay ibinubulsa ang budget at tinitipid ang mga materyales. Nalaman ko iyon kaya ipinal*gpit niya ako at pinalabas na aksidente ang pagkasawi ko. Ang mahinang pundasyon din ang naging dahilan kaya gumuho ang building,” paliwanag ni Erik.
Gulat na gulat si Jamais at awang-awa sa sinapit ng katrabaho ng ama. Sising-sisi din siya dahil kung nakinig lamang siya dito madami sana ang nailigtas niya mula sa kapahamakan.
Noon din ay napagtanto niya na kagaya ng mga nabubuhay kailangan din ng mga kaluluwa ng makikinig at tutulong sa kanila. At ipinagkait niya ang kaniyang espesyal na kakayahan sa mga ito sa matagal na panahon.
Namalayan na lamang ni Jamais na umiiyak na pala siya.
“May ebidensiya ako. Ituturo ko sa’yo kung saan ko iyon itinago at makipagtulungan sana kayo sa mga pulis para mailantad ang kalokohan ng salarin,” pakiusap ni Erik.
“Isa pa, pakisabi sa pamilya ko na pasensya na at kailangan ko silang iwan ng maaga. Huwag silang mag-alala dahil palagi akong nakabantay sa kanila,” umiiyak na sabi ng lalaki.
Tango at iyak na lang din ang naisagot ni Jamais kay Erik. Mayamaya pa ay unti-unti itong naglaho mula sa tabi niya.
Nang tuluyang gumaling ang ama ay sinabi ni Jamais dito ang lahat ng nalaman mula kay Erik. Gamit ang ebidensya ni Erik ay naipakulong nila ang foreman na may kasalanan ng lahat.
Sinabi din ni Jamais sa pamilya ni Erik ang mga nais nitong ipaabot. Umiiyak na nagpasalamat sa kaniya ang maybahay nito.
Simula nang pagkakaaksidente ng ama ay napagdesisyunan ni Jamais na gagamitin na niya ang kaniyang espesyal na kakayahan para makatulong sa mga ligaw na kaluluwa.